Blog‎ > ‎

“Visa-Free” Japan? (Editorial)

posted May 18, 2014, 3:43 AM by Daloy Kayumanggi
Kamakailan lamang ay lumabas ang mga bali-balitang papayagan na umano ng gobyernong Hapon ang mga turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam na bumisita sa Japan ng wala ng tou-rist visa. Positibo itong tinanggap ng maraming Pilipino hindi lamang sa Pilipinas kundi dito sa Japan base na rin sa trends na nakita sa social media pagkatapos lumabas ng balita.

   

Ang malayang pagbisita ng mga kamag-anak at kaibigan ng halos 200,000 Pilipino dito sa Japan ay siguradong makatutulong sa ekonomiya ng bansa. Dagdag pa nito, mas magiging madali na ang pagbyahe at sightseeing para sa mga Pilipinong turista na naghahangad mamasyal sa Japan bukod sa mga sikat na puntahan tulad ng Hong Kong at Singapore. Aminado naman ang gobyerno ng Japan na ang ganitong inisyastibo ay para gawing mas tourism-oriented ang ekonomiya ng bansa at lumago lalo ang ekonomiya.

   

Sa kabilang banda, hindi rin maiiwasang maisip ang mga maaaring maging epekto ng pagluluwag na ito ng visa. Katulad na lamang sa kaso ng Thailand, tinanggal ng Japan ang restriksyon sa pagkakaroon ng visa sa mga turista na balak bumisita ng hindi hihigit sa 15 araw. Dahil dito, halos trumiple ang bilang mga bumisita noong nakaraang taon. Pero kasabay nito, dumami rin ang bilang ng mga ilegal na turistang mas piniling manatili sa Japan upang magtrabaho at makipagsapalaran.

   

Kung iisipin, ang visa ay isang dokumento na ibinibigay ng isang bansa sa sinumang gustong bumisita panandalian sa kanilang bansa. Ito ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan. Gayunpaman, maraming bansa, lalo sa Europa, Hilagang Amerika kasama na ang Japan, ay nakakabisita sa halos lahat ng bansa ng hindi na nangangailangan ng kahit anumang visa. Samantalang ang mga bansang tulad ng Pilipinas at iba pang Third World na bansa ay mukhang palaging naglilimos para mabigyan ng visa.

   

Kung kaya’t hindi maiiwasan na makita ang visa hindi lamang paglimita sa mga taong papasok sa isang bansa kundi isang pagpapakita ng kapangyarihan ng isang malaking bansa sa isang mas maliit na bansa. Sa kaso ngayon ng Japan, ginagamit nila ito para sa kanilang sariling interes lalo na sa para mapalago ang natutulog nilang ekonomiya at mabawi ang mga nawalang turista na mula sa Korea at Tsina dahil na rin sa alitan sa teritoryo sa dalawang bansa. At dahil ang visa ay isa lamang pribilehiyo, maaaring gamitin ang epekto ng pagpapatupad ng “visa-free” Japan na ito, tulad ng kaso sa Thailand, sa mga susunod na magiging polisiya ng gobyernong Hapon pagdating sa pagbibigay ng iba pang visa tulad ng work visa, student visa at iba pa.

   
Sa huli, ang mga mamamayan ng “Third World” na ito ay lagi na lang mukhang atat at nag-aabang sa mga ganitong klase ng balita. Samantalang ang “mga First World” na mga ito ay nakakapagbyahe ng walang restriksyon at iniisip na problema sa aplikasyon ng visa, bayad sa visa, bank statement, ITR at iba pang kinakailangang dokumento. Sa mas malaking pagtingin, hindi lamang nagiging resulta ng restriksyon sa pagpasok sa isang bansa ang visa kundi nagpapahiwatig rin ng kontrol sa kapangyarihan na mayroon ang isang “malaking bansa” tulad ng Japan sa mga “maliliit na bansa” tulad ng sa Pilipinas.
Comments