Blog‎ > ‎

A Family Affair (Tokyo Boy: February 2014)

posted Feb 1, 2014, 11:00 PM by Daloy Kayumanggi   [ updated Feb 1, 2014, 11:02 PM ]
A Family Affair
by: Mario Rico Florendo

Aaminin ko, dati noon naiinggit ako sa mga magkakapamilya o isang clan na nagdaraos ng kanilang reunion. Parang ang saya kasing makita ang lahat na nagtitipon-tipon at magkakasama habang nagkukuwentuhan, nagkakasiyahan at nagkakantahan. Pero nitong huling mga nakaraang taon, nawala na ang inggit ko. Napalitan na ito ng pagkasabik at nitong mga huli, ng pagkasanay.

Mula ng nag-aral ako dito sa Japan, napagdesisyunan na ng mama ko na umuwi lang ng Pilipinas sa panahon na magbabakasyon ako. Para syempre mas magkasama kami at sa mas praktikal na dahilan, para raw iisa ang gastos. Kung kaya, nitong mga nakaraang taon na pag-uwi ko sa Pinas at kahit noong doon pa ako nagtatrabaho, nakaugalian na ng mga kamag-anak ko na magtipon-tipon tuwing darating ang mama ko, at ngayon, pati ako na rin.

Everyday Reunion
Madalas ang mga pagtitipong ito ay nagsisimula mula tanghalian hanggang pagkatapos ng hapunan. Araw-araw habang nandun kami ng mama ko, kasalo namin ang mahigit dalawampung kapamilya namin na kinabibilangan ng mga tito at tita ko at mga anak nila, na pinsan ko na rin, at ng mga anak ng anak nila, na pamangkin ko na rin. Pagkatapos ng kaunting pahinga, sisimulan na ang laro ng bingo kasali ang mga pamangkin kong grade school. Kahit na ito ay may kaunting pustahan, ginagamit rin ang tiyempong ito para turuan sila sa pagkabisado ng mga numero.

Kasabay ng pagtawag ng mga numero mula sa tambiolong inuwi pa ng mama ko galing Hong Kong, inihahain na rin ang meryenda na nag-iiba-iba araw-araw. Minsan halo-halo, o kaya naman ay ang paborito kong bilo-bilo, o tinapay na pinalamanan ng nagmamantikang peanut butter. Pagkatapos maligpit ng mga bato at cards na ginamit sa bingo, ihahanda na muli ang mga plato para sa hapunan. Pero bago nito, papaliguan na ang mga bata kong pamangkin para mabango at malinis sila bago kumain. At katulad ng eksena sa tanghalian at meryenda, malinis lahat ang plato at ubos ang softdrinks o juice.




Special Reunion

Sa pagsapit naman ng mga espesyal na okasyon tulad ng araw ng Pasko, nakagawian na rin naming lumabas at mag-outing. Para sa aming special reunion (special dahil lumabas kami ng bahay pero pareho lang din halos lahat ang kasama), bumisita kami sa Thunderbird Resort sa Poro Point, La Union. Dahil hindi kasya ang bilang (kasama na ang mga gamit) namin para sa dalawang van, naisipan na lang namin magrenta ng isang mini bus papunta roon. Kahit medyo awkward sa iba pang bisita ng resort na dumarating doon lulan ng kanilang 4x4 o SUV, masaya naman kami dahil magkakasama kami sa iisang sasakyan.

Isa pang espesyal na okasyon kung saan nagkaroon ulit kami ng special reunion ay noong nanood kami ng pelikula ni Vice Ganda na kasali sa MMFF. Kahit pa hindi ito tipo ng iba sa una, dahil ito ang nanalo sa botohan, ito ang pinanood ng lahat. Sa loob ng sinehan, halos dalawang row ng upuan ang sakop namin. At di tulad ng mga karaniwan kong karanasan sa panonood, kakaiba ito dahil alam kong marami sa mga kasama kong tumatawa at nag-eenjoy sa oras na iyon ay kakilala ko at kapamilya ko pa.

Walang Reunion
Pagbalik ko dito sa Tokyo, tila nanibago ako bigla. Para bang hinahanap-hanap ko na na may kaagawan ako tuwing kakain, may mga nag-aaway at umiiyak na mga bata bawat limang minuto, at may sampung tao na tumatawag sa akin para kumain na. Dahil dito, mukhang mapapadalas ang uwi ko.

At sa susunod, malamang baka may magtanong na naman na kaibigan ko. Sa panahong iyon, sasabihin kong totoo nga na wala kaming konsepto ng reunion na tulad sa ibang pamilya na pinagdiriwang lang ito minsan sa isa, dalawa o limang taon. Dahil sa totoo lang, ang reunion sa pamilya namin, mas madalas pa sa pagdaraos ng MMFF o pagbisita ng mga tao sa Thunderbird sa isang taon. Hindi uso sa amin ang reunion, kasi everyday, is a family affair.

Comments