Blog‎ > ‎

Alexander: Iskolar ng Bayan, Summa Cum Laude

posted Jun 6, 2014, 11:16 PM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jun 6, 2014, 11:38 PM ]


Ka-Daloy of the Month

ni: Dave Calpito


Walang imposible kung sinasamahan ang isang bagay ng pagsisikap, pagtitiwala sa sarili, motibasyon at inspirasyon. Ang prinsipyong ito ang humulma sa Summa Cum Laude graduate ng kursong BS Chemical Engineering sa University of the Philippines – Diliman, si Alexander John Cruz.


Produkto ng kahirapan

Totoo nga yata ang sinasabi ng ilan na mas dedikado at focused ang isang taong galing sa kahirapan. TubongTalavera, Nueva Ecija, si Alexander ay produkto ng kahirapan. Lumaki siya sa piling lang ng kanyang ina, na bagama’t istrikta ay mapagkalinga naman, bagay na siyang humulma nang husto kay Alexander. Mula pagkabata ay hindi na rin nakita pa ni Alexander ang kanyang ama.

     

Dahil salat sa pamumuhay, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral sa isang pribadong eskwelahan. Produkto siya ng isang Day Care Center sa kanilang lugar. Grumadweyt siya sa hayskul bilang valedictorian sa Honorato C. Perez Sr. Memorial Science High School.


Muntik nang hindi nakapag-aral sa UP

Bagama’t pasado si Alexander sa University of the Philippines College Admission Test (UPCAT), kung saan piling-pili lang ang pumapasa, muntik na ring hindi siya natuloy na mag-aral dito. Sa halip, ie-enrol na lamang sana siya noon sa isang provincial college. Ngunit, dahil pasado naman siya bilang DOST scholar, nagkaroon siya ng pagkakataong makapag-aral sa UP nang libre ang tuition fee.


“I was on my own”


Tutor at research assistant.

Ang mga trabahong ito ang nagsilbing mga tulay ni Alexander upang maitawid ang pag-aaral sa UP. Bukod sa buwanang tinatanggap na stipend mula sa kanyang pagiging DOST scholar, malaking tulong umano para matustusan ang lahat ng kanyang mga gastusin ang kanyang kinikita sa pagiging tutor sa ilang mga estudyante at research assistant naman sa kanyang ilang mga propesor.


Likas na matalino

    Sa UP, lalo na sa kanyang kursong Chemical Engineering, bibihira lang ang mga nakakakuha ng gradong 1.0 (uno) – ang pinakamataas na grado sa UP grading system. Ngunit, dahil sa likas na katalinuhan at sa pagtitiyaga sa bawat semester, hindi lang sa iilang mga subject siya nakakuha ng gradong 1.0, kundi halos sa lahat ng kanyang mga subjects.

    

Katunayan, maraming beses siyang nakapagtala ng flat 1.0 na general weighted average. Bagay na nagbigay sa kanya ng pagkakataong makalikom ng 1.16 na GWA sa hulihan ng kanyang pag-aaral sa UP, mas mataas kaysa sa required na 1.20 na GWA para magawaran ang isang estudyante ng titulong Summa Cum Laude.


Kaya naman, proud na proud sa kanya ang kanyang mga kamag-anak, lalo na ang kanyang ina na nagsilbi niyang inspirasyon upang makamit ang tagumpay. Hindi rin nakapagtatakang, kabi-kabila ang mga kumpetisyong napapanalunan niya at mga awards na kanyang nakukuha habang siya ay nag-aaral pa lamang sa UP.


Ang kanyang mga plano

Mahirap mang paniwalaan, pero para kay Alexander, gusto muna niyang pagsilbihan ang sambayanang Pilipino. Pagkatapos ng kanyang planong pagkuha ng doctorate, gusto umano niyang magtrabaho muna sa bansa – sa kabila ng kanyang status (kung saan, in-demand siya sa mga trabaho sa abroad).


Gusto umano niyang magtrabaho sa field ng renewable energy. Tunay nga na isang inspirasyon si Alexander. Marahil, ang maaaring makuhang leksyon mula sa kanya ng mga tao ay: hindi hadlang ang kahirapan para makamit ang tagumpay sa buhay sa anumang daanang gustong tahakin. Isa pa, kaakibat ng pagtatagumpay ang pagtitiyaga at pagsasakripisyo makuha lamang ang naisin sa buhay.


Si Alexander, isang tunay na Iskolar ng Bayan.


Comments