Blog‎ > ‎

Baito Rito, Baito Roon

posted Jul 28, 2013, 12:21 AM by Mario Rico Florendo   [ updated Jul 28, 2013, 12:49 AM ]

Sa isang materyalistikong lipunan tulad ng sa bansang Hapon, may presyo lahat ng bagay. Ang araw-araw na biyahe sa tren mula bahay hanggang eskwelahan o trabaho, ang iyong pagdaan sa kombini para bumili ng malamig na inumin, o maging ang pinapangarap mong bakasyon sa Hokkaido, Okinawa o sa Pinas. Kung kaya't kahit may buwanang pinagkakakitaan, hindi maiiwasang maghanap ng kahit na sino ng dagdag na paraan para kumita. 

Isa sa pinakamahalagang bahagi sa buhay ng isang Pinoy tulad ko dito sa Japan, ay ang buhay sa baito o part-time work. Ngunit hindi lamang ito patok sa mga estudyanteng katulad ko, ito rin ay hinahanap-hanap ng mga housewives na bored, at ng mga propesyunal na paminsanminsang kapos sa sariling budget dahil naipadala na halos lahat sa Pinas. Dahil dito, hindi maikakaila na bahagi na ng buhay Pinoy dito sa Japan ang paghahanap at pagkakaroon ng iba't ibang baito.

Diskarteng Pinoy
Natatandaan ko pa noong una akong napadpad dito limang taon na ang nakararaan, isa sa mga unang naging baito ko ay ang magturo ng Ingles sa mga Hapon. Ito na ang karaniwang baito ng mga estudyante dahil bukod sa hindi ito nangangailangan ng galing sa wikang Nihongo, nagiging daan rin ito para makagawa ng mga kaibigan sa maikling panahon na nag-aaral sila dito. 

Kung tutuusin, sapat na ang kinikita ko noon at ang allowance na bigay ng university. Pero dahil sadya akong gala, ginusto ko rin pasyalan ang iba't ibang lugar dito sa Japan at para matupad ko ito, kinailangan kong maghanap ng isa pang raket. Doon ako napasok sa isang factory ng bento sa Tachikawa, Tokyo. Noong una ay nangangapa pa sa trabaho at hindi alam ang gagawin. Pero dahil sa tulong na rin ng mga kapwa Pinoy na kasamahan sa trabaho, nakapag-adjust din ako pagkalipas ng ilang linggo.


Dito nakilala ko ang ilang mga nanay na kahit komportable na ang buhay ay ginugusto pa ring magtrabaho ng part-time. Ito ay dahil sa kaugalian ng mga Hapon na tumutulong lamang sila sa mga kasama nila mismo sa bahay (tinuturing nila itong uchi) at wala silang anumang nararamdamang responsibilidad sa labas ng uchi nila (tinatawag na soto) kahit pa kamag-anak nila ito. Kung kaya't sa aking mga naririnig na kuwento, ang ilan ay napilitang maghanap ng baito para magkaroon ng sariling kita, at mula sa kitang ito ay makakakuha sila ng kaunting pantulong sa mga kamag-anak sa Pinas.

Extra-Extra
Para sa ilan, hindi lamang ang mahabang oras ng overtime o malayong biyahe ang sinasakripisyo nila para lamang kumita ng extra. Minsan, kasama diyan ang panganib sa sariling buhay at kalusugan.  Sa pareho ring trabaho sa koujo (factory) ko nakasalamuha ang mag-asawang naka-tourist visa pero sa loob ng halos tatlong buwan nilang pamamalagi noon dito ay trabaho lang sa koujo ang inatupag. Mayroon naman isang JFC (Japanese Filipino Children) na katrabaho ko doon sa umaga, at nagtatrabaho pa ulit sa isa pang factory sa gabi. Tinanong ko sila kung hindi ba sila natatakot mahuli o napapagod. Halos pareho ang sagot nila, kanya-kanyang diskarte lang daw yan para kumita ng pera. 

Ako rin mismo, natutukso akong minsan pasukin ang mga ganitong klase ng trabaho para lamang matupad ang dream vacation ko o mabili ang gadget na inaasam ko. Nakakita ako dati sa isang website na naghahanap sila ng mga pasyente na magiging test patients na tinatawag. Ang mga mapipili ay kailangang sumailalim sa ilang linggong testing ng mga bagong gamot na hindi pa lumalabas sa merkado. Kahit pa sabihing panghihilo, o maliit na epekto lamang ang dulot nito sa katawan sa maikling panahon, hindi sigurado kung ano ang magiging epekto nito sa hinaharap lalo na sa kalusugan ng test patient. 

Yung isa ko namang kakilala na hindi Pinoy, kaya pala tinatakpan ang mukha nung nagkita kami kasi naging isa siyang test patient. Sa kaso naman niya, sinubukan sa kanilang mga mukha ang iba’t ibang klase ng pampahid, make-up at iba iba pa. Hindi na ako nagtanong pa kung hindi ba siya nahihiya na ganoon ang hitsura o bakit niya pinili ang ganoong klase ng baito. Ang alam ko lang, papauwi na siya noon at alam ko rin na hindi 
mura ang bayad sa mga ganoong klase ng baito.

Need or Want?
Sari-saring kuwento, pero iisa ang nagtutulay sa kanilang karanasan—baito. Para sa ilan ito ay dagdag na kita para may pantustos sa kanilang mga pamilya at kamag-anak sa Pinas; para sa iba naman ito ay panggastos para sa iba pang comfort sa buhay na may kamahalan; at para naman sa iba, ito ang kanilang mismong hanapbuhay at paraan para makaraos sa pang-araw-araw lalo na sa ibang bansa. 

Sa iba’t ibang kuwento ng pakikipagsapalaran na naririnig ko sa mga kapwa Pinoy at dayuhan, minsan hindi ko maiwasang mapagkumpara ang aking sarili sa iba pang nagba-baito tulad ko. Dahil kung tutuusin, sapat na
naman ang nakukuha ko mula sa aking allowance pero nagsisikap pa rin akong kumita ng extra sa ngalan ng ilang bagay na hindi ko mabibili kung nasa Pinas ako.

Pero hindi naman ako nagrereklamo dahil alam kong lahat ng pahinga o lahat ng kawalang ng pahinga ay may katumbas. Madalas, ang pamamalagi sa isang bayan ay isang walang katapusang pagtitiis sa ngalan ng mga kailangan natin at gusto natin: papasok sa trabaho o pagyasumi; paglagi lang sa bahay kapag yasumi o paggala sa iba’t ibang lugar; pagpapadala na lamang ng pera kapag Pasko o pag-uwi sa Pinas para makasama ang iyong pamilya at kaanak. 
Comments