Blog‎ > ‎

Chasing Olympic Glory (Daloy Kayumanggi editorial)

posted Sep 24, 2013, 12:06 AM by Erwin Brunio
Chasing Olympic Glory
by: Mario Rico Florendo

Ipinagbunyi ng buong Asya ang pagkakapili sa Tokyo bilang host ng 2020 Summer Olympics. Ang tagumpay ay maituturing na magandang senyales sa pagbangon ng bansang Hapon na matagal ng binabagabal ng paghina ng takbo ng ekonomiya at seguridad hinggil sa epekto ng March 11 Earthquake. Bukod dito, isang karangalan ang mabigyan ng pagkakataong maidaos sa iyong bansa o siyudad ang pinakamalaking palaro sa buong mundo.

Ito ang sitwasyon para sa mga Hapon, pero ano nga ba ang ibig sabihin ng Tokyo Olympics 2020 para sa humigit-kumulang na 300,000 na kababayan natin dito sa Japan? Para sa mga migranteng Pinoy, magandang pagkakataon ito para manatili pa sa Japan at makahanap ng dagdag na pagkakakitaan dahil sa siguradong pagtaas ng produksyon sa mga pagawaan at posibleng pagbubukas ng bagong negosyo.

Para sa mga otoridad, ito rin ang panahon ng paghihigpit sa pagi-issue ng visa para sa mga indibidwal na gustong pumasok ng kanilang bansa. At kung ang trend sa nakaraang Beijing Olympics ang pag-uusapan, mahihirapan malamang ang mga Pinoy na mas lalong makakuha ng visa kahit sila ay manonood lamang.

Para sa estado ng palakasan sa Pilipinas, ito ang magandang pagkakataon para makapagsimula ng mag-train at mag-build-up ng mga atleta na maaaring makapagbigay sa atin ng kauna-unahan nating gintong medalya sa Olympics. Maaaring maging lunsaran ang Olympics para maipakita sa buong mundo na hindi lamang sa larangan ng pagkanta o pagsayaw tayo maaaring maging bihasa kundi maging sa larangan rin ng sports.

Ibat ibang motibo, pero iisaa ng mithiin--Olympic Glory. Para sa Japan na maipakita ulit sa buong mundo na nagbalik na sila; para sa mga Pinoy dito at darating pa na maaari tayong makatulong sa paghahanda para sa mga laro; at para sa bansang Pilipinas, maipakilala ng sarili bilang bansang maaaring maging puwersa sa larangan ng palakasan sa mga susunod pang Olympics. Faster, Higher, Stronger!
Comments