Blog‎ > ‎

Dagdag Buwis:Ginhawa o Pahirap (Editorial February 2014)

posted Feb 9, 2014, 1:07 AM by Daloy Kayumanggi
Nakatakdang tumaas ang consumption tax sa Japan mula 5% papuntang 8% simula ika-1 ng Abril 2014. Huling nagtaas ng consumption tax ang bansa mula 3% papuntang 5% noong 1997, 17 taon na ang nakalilipas. Sinasabing ang pagtaas ng buwis ay para suportahan ang social welfare programs ng gobyerno bilang sagot na rin sa dumaraming bilang ng mga nangangailangan nito lalo na ang mga matatanda.

Para sa mga residente at Japanese citizens na may dugong Pilipino, makakatulong ito sa pagkakaroon ng mas maayos na kalidad ng buhay sa hinaharap. Dagdag pa nito, ang karagdagang perang makukuha ng gobyerno mula sa mga mamamayan at dayuhan nitong residente ay malaking tulong para maibsan ang pambansang buwis at makapagsimulang mapasigla ang     ekonomiya ng bansa.

Para naman sa mga pansamantalang manggagawa at residente, dagdag pahirap na naman ito sa kanilang araw-araw na pamumuhay sa isa sa pinakamahal na bansa sa buong mundo. Binabatikos rin ng mga kritiko ang hakbang na ito dahil malaking tulong nga kung totoong para sa mga social welfare programs mapupunta ang dagdag na buwis pero marami ang duda dito dahil sa mga balitang mapupunta lang ang dagdag buwis sa budget sa pagpapagawa ng mga lansangan at imprastraktura.
Kung isasali naman sa usapan ang mga pamilya ng lahat ng OFW dito sa Japan na buwan-buwan umaasa sa padala ng mga kapamilya, malaking kabawasan ito sa maaaring matanggap nilang pera para sana pambayad sa mataas na singil ng buwis sa Pilipinas at sa lalo pang papataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. At kung isasali pa ang sitwasyon ng mga minority na mga Pilipino sa Japan tulad ng mga trainee, estudyante at turista, mas lalo pang mapipilitang magtipid ang sector na ito dahil iyon lang naman ang opsyon para sa mga katulad nila.

Sa kabuuan, apektado ang lahat ng mga dayuhan lalo na ang mga Pilipino hindi lamang sa mga nagtatrabaho dito para sa kanilang pamilya sa Japan at kamag-anak sa Pilipinas kundi pati ang pamumuhay ng mga kamag-anak nila sa Pinas ay apektado rin. Sa ngayon, ang kailangan na lamang gawin ng mga Pinoy dito sa Japan at Pilipinas ay manaig sa kasabihang Pilipino na "kung maiksi lang kumot matutong mamaluktot."
Comments