Blog‎ > ‎

Disaster Preparedness (Daloy Kayumanggi November 2013 Editorial)

posted Nov 2, 2013, 11:09 PM by Erwin Brunio   [ updated Nov 2, 2013, 11:11 PM ]
Disaster Preparedness
by: Mario Rico Florendo


Umaga ng ika-15 ng Oktubre ng binulabog ng isang 7.2 magnitude na lindol ang mga residente ng Bohol at karatig probinsiya nito kabilang na ang Cebu. Tumatayang milyong-milyong ari-arian kasama na ang mga lumang simbahan at ilang daang buhay ang nawala dahil na rin sa lakas ng naging impact ng lindol. Isang linggo naman bago nito, nanalasa ang bagyong Santi sa Luzon at hanggang ngayon ay paralisado ang pamumuhay ng mga tao sa Cabanatuan dahil sa kawalan ng kuryente sa ibang parte ng probinsiya.

Sa kasalukuyan, patuloy na kumikilos ang pamahalaan at iba pang NGOs para agarang matulungan ang mga naging biktima ng magkasunod na sakunang ito. Gayundin, sinisimulan na ng mga taga-Luzon at Visayas ang rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura at kabuhayan para mabilis na makabalik sa normal ang kanilang buhay. Para sa karaniwang Pilipino, ang ganitong sitwasyon ay hindi na bago, sabi nga nila “the Filipino spirit is waterproof, at kamakailan lamang, “earthquake-proof” na rin daw.

Hindi tulad ng mga isyu tungkol sa Pork Barrel o gulo sa Zamboanga, walang panahon para magsisihan o magturuan kung sino ang dapat managot o may kasalanan kung may mga ganitong natural na kalamidad. Gayunpaman, ang maaari sigurong paghandaan ng ating pamahalaan lalo na ang bawat pamilya ay kung paano mas magiging handa pagkatapos ng mga ganitong hindi maiiwasang pangyayari. Kung kaya’t ang tanong ngayon ay: gaano ba tayo kahanda sa pareho o mas malakas na lindol o bagyo sa mga malalaking siyudad sa Pinas tulad ng Metro Manila o Metro Cebu?

Kung mga bagyo ang pag-uusapan, obvious na ang kasagutan dito dahil taon-taon na lamang ay binabaha hindi lamang ang Metro Manila kundi mga karatig bayan nito. Pero kung lindol ang pag-uusapan, hindi tiyak kung gaano katibay ang mga gusali at kabahayan para sa isang mega-quake sa hinaharap. Ito ang nakakatakot sa lindol—ang walang katiyakan na pagdating nito. Pero ito rin marahil ang kagandahan nito—maaari itong paghandaan.

Ang mahalagang tanong na lamang siguro dito ay kung magkano ang inilalaan ng gobyerno para sa disaster preparedness para sa mga sakuna tulad ng lindol. At kung naglalaan nga, baka mas magandang pag-aralan kung makakapaglaan ng mas malaking pondo sa paghahanda sa mga sakuna kumpara sa pondo para sa rehabilitasyon pagkatapos nitong manalasa. Ngunit maganda ring isaisip na hindi lamang sana iasa sa gobyerno ang ganitong pasanin. Responsibilidad rin ng bawat pamilyang Pilipino na maging handa at maglaan ng budget para sa pagdating ng mga malalaking kalamidad sa hinaharap.
Comments