Blog‎ > ‎

Justice Delayed is Justice Denied (Editorial - March 2014)

posted Feb 22, 2014, 11:26 PM by Daloy Kayumanggi

Mahigit isang linggo. Tila ba nagbibingibingihan pa rin ang pamunuan ng Florida Transport Inc. sa mga paghingi ng tulong ng mga biktima ng aksidente sa Mt. Province na kumitil sa 14 na buhay at nakaapekto sa 32 pang pasahero.


Mahigit isang daang araw. Marami pa rin ang walang maayos na tirahan, ligtas na inumin, sapat na pagkain, at hirap pa rin ang marami na makapagsimula ng bagong buhay.


Mahigit isang libong araw. Hindi pa rin matahimik ang mga kaluluwa ng mahigit 50 katao na naging biktima ng isa sa pinakamalaking election-related violence sa Pilipinas na kung tawagin ay Maguindanao Massacre.

Isang tanong. Nasaan na ang hustisya?


Masyadong simple kung basta na lamang sisisihin ang gobyerno o ang estado ng hustisya sa Pilipinas dahil sa mga napabayaan at tila ba nakalimutang mga kaso at sitwasyong ito. Totoong maraming elemento ang nakakaapekto sa pagkabinbin ng mga isyung ito pero hindi rin maikakaila na totoong habang tumatagal ang pagresolba ng mga ito, tumatagal rin ang tsansa na ito ay malutas o mabigyan ng solusyon.


Kung totoo nga ang sinasabi ng ilang mga akademiko tungkol sa karakter nating mga Pilipino na madali raw tayong makalimot, nakakatakot ito. Paano na lang kung magkaroon ulit ng eskandalo na kasasangkutan ng isang sikat na aktor o aktres, patuloy na lang ba nitong tatakpakan ang mga nakaraang balita at uungusan ito ng pagresolba dahil ayon sa NBI, high-profile case ito? Paano na lang kung wala ng buhok na ipapakalbo ang asawa ng isa sa mga namatay sa aksidente sa Mt. Province, papansinin pa kaya siya ng kumpanyang sangkot at ico-cover ng media? Paano na lang kung tuluyan nang bumuti ang kalagayan ng eleksyon sa Mindanao, maaalala pa rin kaya ng mga Pilipino ang mga buhay na nabuwis para makamit ang payapang eleksyon sa Mindanao?


Habang lumilipas ang panahon, ang isang linggo nagiging isang buwan na magiging isang daang araw at hindi kalaunan, magiging isang libong araw. Ilang kaso o isyu pa ang darating at ang lahat ng balita ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan. Hanggang kailan kaya maghihintay ang mga biktima at ang kaanak nila? Hanggang kailan kaya kikilos at magiging epektibo ang gobyerno kahit hindi sa agarang paglutas nito kundi sa pagsisimula para malutas ang mga isyung ito?
Comments