Blog‎ > ‎

Kailangan Bang Iwagayway ang Perang Pinagkakitaan?

posted Feb 22, 2014, 11:06 PM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jun 21, 2014, 3:17 AM ]




Nakangiti si kuya, hawak ang nakapaypay na 500pesos. Nagkukumbinse, o kaya nagpapaingit, parang nagsasabi, “tignan mo ako, walang kapagod pagod, facebook lang, may 6 na tig 500 pesos na agad”. Si Buknoy naman, naka-posing sa magarang sasakyan, proud na proud sa pagsasabi “eto, wala pang 6 na buwan, may bagong sasakyan na ako, eh ikaw, duda ka pa rin ba?” Si ate, dating janitor, ngayon ay milyonarya na at nakatira na sa sariling bahay at lupa. Wala pang isang taon iyan, tila nangungutya, eh ikaw, ilang taon ka na sa Japan?


Bakit nga ba ang mga recruiter ng pyramid scheme ipinapakita ng harap-harapan ang kanilang mga yaman? Bakit nga ba nila ipinapakita nila ang pera, sasakyan at bahay na kuno ay nakuha sa pag-facebook lang. Ay aba, kung totoo na ito, eh di sana ang may-ari ng facebook ay siya na ang nanguna nito? Iisa lang ang masasabi ni Kuya, mag-ingat ka at baka maholdap o kaya makidnap ka dahil sa pag-wawagayway mo ng pera.


Laganap na naman ngayon sa Facebook ang mga pyramiding at networking scam. Kadalasan, tinatarget ng mga ito ang mga OFW na nagkandarapa sa pagtratrabaho maabot lang ang pinapangarap sa buhay na magarang sasakyan, magarbong bahay at maraming pera. Mas higit pa at kinukutya ang mga OFW sa mga linyang “tagal mo na sa Japan, wala pa rin, tingnan mo kami, pa-facebook facebook lang”.


Bago tayo pumunta kung ano ang pyramid scheme, ang scam o pangloloko ay kadalasang nagsisimula na ito ay tunay at totoo. Walang scam na masasabi na peke agad, kaya nga scam dahil nauto o naloko. Sa unang tingin, akala ay totoo. Tapos magdududa ka, pero makukumbinsi ka pa rin dahil sa mga pangakong pera, pagbabago sa buhay, pag-angat sa kahirapan o iba pa. Isa lang ang giya dito, kung sa tingin mo ay parang hindi totoo, hindi nga ito totoo.


“Legal ang kumpanya namin. Lisensyado ito sa Securities and Exchange Commission (SEC).” “Awardee ito“.


Naalala mo ba ang First Quadrant nuong taong 1997 hanggang 2005? Lehitimo at lisensyado sa SEC ang First Quadrant. Ito rin ay naging awardee. Ang First Quadrant ay bumulusok sa 800,000 members mula sa paunang 10,000 members nito ng ito ay itayo nuong 1997.[1, 2].  Subalit ito ay inakusahan ng Department of Trade and Industry ng pyramiding scheme [1, 3].


Ang pyramiding scheme, ayon sa Consumer Act of the Philippines (Republic Act 7394 of 1991) ay “sales devices whereby a person, upon condition that he makes an investment, is granted by the manufacturer or his representative a right to recruit for profit one or more  additional persons who will also be granted such right to recruit upon condition of making similar investments: Provide, That the profits of the person employing such a plan are derived primarily from the recruitment of other persons into the plan rather than from the sales of consumer products, services and credit” [4]. Kung ang paraan ng pagkita ay mula sa pag-recruit ng bagong miyembro, ito ay matatawag na pyramiding scam at isang paglabag sa batas.


Sa kaso ng First Quadrant, ang bagong member ay kailangang magbayad ng 8,880 pesos bilang paunang investment fee [3]. Ang member ay makakakuha ng porsyento o commission mula sa sales ng produkto at sa sales mula sa pag-recruit ng bagong miembro[1,3]. Sounds familiar ba sa nakikita mo ngayon sa Facebook?


Sa ngayon, ang First Quadrant ay isa ng lehitimong kumpanya dahil tinanggal na ang earning option na inaakusahang pyramiding. Subalit, ang leksyon ng First Quadrant ay nagsasabi na ang pagkakaron ng kita sa pamamagitan ng pag-recruit ng miyembro ay pinagbabawal ng batas. Ito ay ilegal. Pangalawa, lahat ng kumpanya ay kailangang lisensyado sa SEC bago pa makapagsimulang magbenta. Kung kaya hind ibig sabihin na rehistrado na ito sa SEC ay hindi na ito scam.


Papaano malalaman kung lehitimo o hindi ang isang MLM. Ayon sa Direct Selling Association of the Philippines, may 8-punto na basehan upang matanto ang isang direct selling company laban sa pyramiding [5]. Tignan ang kahon sa ibaba at sagutan ang mga tanong. Kung ang sagot sa walong tanong ay lahat “oo” ang kumpanya ay lehitimo. Kung may sagot na “hindi” kahit isa lang, mayroong mataas na tsansa na ito ay isang pyramid scam.



Walong (8) Basehan ng tunay na direct selling company


1. Is there a product? (Mayroon bang produkto?)


2. Are commissions paid on sale of products and not on registration/entry fees?

(Ang commission ba ay mula sa pagbenta ng produkto at hindi mula sa registration o  entry fees?)


3. Is the intent to sell a product not a position?

(Ang layunin ba sa pagbebenta ng produkto ay hindi dahil sa puwesto o posisyon? Ibig sabihin, depende kung sino ang nauna na naging member ang posisyon sa pagbebenta)


4. Is there no direct correlation between the number of recruits and compensation?

(Wala bang direktang kaugnayan ang bilang ng na-recruit sa komisyon o kita?)


5. If recruitment were to be stopped today, will the participants still make money?

(Kung ang pag-recruit ay ititigil ngayon, ang mga kasapi o miembro ba ay maari pa ring kumita ng pera?)


6. Is there a reasonable product return policy?

(Meron pang resonabling patakaran sa pagbabalik ng produkto?)


7. Do products have fair market value?

(Makatarungan ba o tama ang presyo ng produkto? Hindi sobrang mahal?)


8. Is there a compelling reason to buy?

(May nakakahimok ba na dahilan upang bilhin ang produkto?)



Kung ang sagot sa walong tanong ay lahat “oo” ang kumpanya ay lehitimo. Kung may sagot na “hindi” kahit isa lang, mayroong mataas na tsansa na ito ay isang pyramid scam.



Samakatuwid, hindi lahat ng Multi-level Marketing o MLM ay scam. Ang MLM ay isang lehitimong paraan kung saan ay kadalasang ginagawa ng mga negosyante upang mabilisan na maabot ang merkado o mamimili at makatipid sa hindi pag-advertise. Instead na mag-advertise,ang pera na pang-advertise ay ibinibigay sa mga member. Subalit kapag ito ay ginamit sa maling paraan, ito ay ipinagbabawal.


Ayon sa wikiHow [6], ang pinag-kaiba ng lehitimong Multi-level Marketing (MLM) sa scam na MLM ay ang sumusunod:

1. lahat ng miyembro ng lehitimong MLM ay maaaring kumita sa pagbebenta LAMANG ng produkto o serbisyo. Hindi kailangan na mag-recruit ng bagong miembro. Halimbawa sa Avon, isang lehitimong MLM, maari ka namang bumili ng produkto nila kahit di ka miembro.

2. Ang miyembro ng MLM ay maaaring malagpasan ang level ng taong nag-recruit sa kanya. Sa mga pekeng MLM, diktatura ang istraktura, kung sino ang nag-recruit sa iyo, siya na ang leader mo. Ang mga miyembro na totoong MLM ay maaaring malagpasan ng bago subalit mas matiyaga o magaling na miyembro. Gaya rin ito ng pagtratrabaho sa gobyerno o kumpanya, kung sino ang magaling ang nauunang napropromote.


Dagdag pa rito, ang lehitimong MLM ay kadalasang iisang ulo lamang at hindi pwede ang multiple heads. Sa multiple heads, ang isang tao ay maaring ipamember ang sarili ng mahigit sa isang beses. Ginagawa ito upang ang commission ng downline ay mapunta sa sarili. Kung ang iyong napasukan o papasukan ay pwede magmultiple heads, mag-isipisip na. Pwede ba na yung product na binebenta ng kumpanya ay gamitin ng isang tao na may 7 multiple heads? Ingat at baka ma-overdose ang 7 heads mo.


Sa kahit anong larangan ng buhay, lalo na pinansyal na aspekto, natural na may magloloko kung may magpapaloko. Kaya kinakailangan pag-aralan ang lahat ng paglalagukan ng pera.  Kung maaari kang kumita sa pag-recruit ng bagong miyembro, o kaya pwede mag-multiple heads, malamang scam ito. Ayon sa mga professional financial adviser, “if it's too good to be true, then it's not true”. Kung sa tingin mo ay hindi kapanipaniwala, ay huwag ng magtiwala. At kung ikaw ay nagtiwala na at naging member na ng kumpanya na hindi pumasa sa 8-point test, huwag ng mang-recruit at mangdamay pa. Lumihis na ng landas habang may panahon. Tandaan, hindi lahat ng kumikinang ay ginto.


Mga babasahin at references:

1. de Leon, Max. 2003. A very thin line between multilevel marketing and pyramid schemes. The Manila Times April 28, 2003. Retrieved February 9, 2014 from  

http://www.culteducation.com/reference/general/general546.html

2. WikiPilipins (n.d.) First Quadrant Corporation. Retrieved February 9, 2014 from  http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=First_Quadrant_Corporation

3. dela Pena Zinnia. 2005. SEC clears business plan of First Quadrant. Philippine Star.  Retrieved February 9, 2014 from  http://www.philstar.com/business/280808/sec-clears-business-plan-first-quadrant

4. Republic Act 7394. 1991. The Consumer Act of the Philippines. Retrieved February 9, 2014 from  http://dtincr.ph/files/LawsAndPolicies-ConsumerAct.pdf

5. DSAP (n.d.) How to differentiate a legitimate direct selling company from pyramiding using the 8-point Test.Retrieved February 6, 2014 from

http://www.dsap.ph/the-industry/how-to-differentiate-a-legitimate-direct-selling-company-from-pyramiding-using-the-8-point-test.html

6. Wikihow. (n.d.) How to Distinguish between a Pyramid Scheme and Multi Level Marketing. Retrieved February 6, 2014 from http://www.wikihow.com/Distinguish



Comments