Blog‎ > ‎

Lessons from 2013, Wisdom of 2014 (Editorial, January 2014)

posted Jan 12, 2014, 12:10 AM by Daloy Kayumanggi
Lessons from 2013, Wisdom of 2014
by Mario Rico Florendo

“Learn from yesterday,
live for today,
hope for tomorrow”
- Albert Einstein

Maraming iba’t ibang bagay ang nangyari sa taong 2013 na naitala hindi lamang sa pahina ng kasaysayan kundi tumatak sa isipan at alaala ng lahat ng mga Pilipino. Mula sa gulo sa Sabah hanggang sa pagkakalagda ng Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB) at muli sa sigalot sa Zamboanga; sa sunod-sunod na positibong credit rating upgrades na natanggap ng Pilipinas mula sa Fitch Ratings, Moody’s at S&P, hanggang sa halos magkakasunod ring panalo ng Pilipinas sa mga international beauty pageants na pinangunahan ng pagkaka-korona kay Megan Young bilang bagong Ms. World, at sinabayan pa ng runner-up finish ng Team Gilas Pilipinas para muling ibalik ang bansa sa mapa ng world basketball; at siyempre, hindi matatapos ang taon kung hindi babalikan ang hindi magagandang balita na gumimbal sa bansa mula sa kontrobersya ng PDAF kung saan naging bukambibig ng lahat ang pangalang Napoles hanggang sa mga natural na kalamidad tulad ng lindol na tumama sa Bohol at Cebu at sa super typhoon na nagdulot ng malaking pagkasira ng mga ari-arian at pagkawala ng buhay sa Leyte, Samar at iba pang bahagi ng Kabisayaan.

Sa mga pangyayaring ito at sa pagharap ng bansa sa panibago na namang taon, hindi maiaalis sa mga Pilipino ang magtanong kung kailan nga ba talaga matatapos ang gulo sa Mindanao; gayundin, marami ang umuusisa kung kayang masustina o mapantayan ng bansa sa taong 2014 ang mga tagumpay na natamo ng Pilipinas; at huli, ang taong bayan ay umaasa kung kailan masusulusyunan ang problema ng korupsyon sa bansa maging ang akusasyon ng mabagal na pagtugon lalo na sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.

Mula sa mga ito, ano nga ba ang maaaring matutunan ng ating mga lider sa mga nangyari noong 2013 na pwede nilang magamit sa pagpapatakbo ng bansa sa 2014? Anong mga aral ang maaaring magamit nating mga Pilipino sa pagharap ng bagong taon?

Bukod sa mga tanong na ito, isa pang mahalagang dapat isapuso ay ang patuloy na pag-asa na ang bawat bagong taon ay ang taon kung saan maaaring makapagsimula ng magandang pagbabago tungo sa pagresolba ng mga problema ng bansa; na ang 2014 ay maging senyales ng bagong buhay para sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo, lindol at super typhoon; at ang taon ng kabayo ay tuluyang makapagbibigay ng kapayapaan sa buong bansa.

Maligayang Bagong Taon sa lahat at mabuhay ang Pilipinas!
Comments