Blog‎ > ‎

Malunggay Anyone? (Daloy Editorial)

posted Apr 5, 2014, 11:11 PM by Daloy Kayumanggi

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso ang House Bill No. 2072 o ang panukalang batas na magtatakda sa Malunggay bilang Pambansang Gulay. Ayon sa tagapagsulong nito na si Pangasinan Rep. Georgina de Venecia, maituturing ang malunggay bilang isa sa mga pinakamasustansiyang gulay sa bansa kaya karapatdapat lamang itong kilalanin at itanghal bilang katangi-tanging gulay ng mga Pilipino.


    Sa isa pang kaugnay na balita, isa pang panukala o ang House Bill No. 3926 ang isinusulong rin para kilalanin ang iba pang simbolo ng bansa kasama na rito ang Adobo bilang “Pambansang Pagkain.” Ayon sa nagsusulong nito na si Bohol Rep. Rene Relampagos, mahalaga na maisabatas ito para pormal at suportado ng batas ang ganitong mga “pambansang simbolo.”


    Sa unang tingin, maaaring nakakatuwa at/o nakakatawa ang mga panukalang tulad ng ganito pero kung iisipin, ang ganitong mga pagkilala ay talagang nagkukulang nga sa kasalukuyan. Marahil ang kulang lamang sa mga paliwanag ng mga nagsisipagsulong nito ay ang mababaw na paggamit ng lohika para maisulong ang mga binanggit na “pambansang simbolo.” Ang mga simbolo ng isang bansa ay naglalayong bigyan ang mga mamamayan nito ng koneksyon at kamalayan tungo sa pagbubuo ng isang identidad na naka-angkla sa mga simbolong ito.


Halimbawa kapag sinabing ang agila ay isang pambansang ibon, sinisimbolo ba nito ang lakas at tapang ng pagiging isang Pilipino o kinikilala lang ito dahil sa laki, hitsura o sa kinakain nito? Gayundin ang kailangang isipin sa mga isinusulong na mga simbolo. Ano ang katangian ng malunggay o adobo na sumasalamin sa pagiging isang Pilipino bukod sa sustansya o sarap na dulot nito dahil kung tutuusin, maraming masusustansya at masasarap na pagkain sa bansa.


    Marahil mayroong kalituhan sa konsepto ng “pambansang simbolo” at ng “pambansang imahe.” Ang una ay tumutukoy sa mga salik na nabuo kasama ang kasaysayan at koneksyon sa isang partikular na bagay ng isa o mga grupo ng mga tao sa isang bansa. Ang huli ay tumutukoy sa pagkakakilanlan ng isang bansa na madalas ay para sa pagpapakilala ng isang bansa sa mga dayuhan.


    Sa iba pang seryosong usapin, marahil magandang itanong sa ating mga mambabatas, sa kabila ng mga isyu ng korapsyon (PDAF), problema sa transportasyon (trapik sa Metro Manila) at kahirapan sa buong bansa, ganito nga ba ang napapanahon at akmang mga batas para sa ating mga Pilipino? Ito nga ba ang solusyon sa sinasabing kawalan o kakulangan raw nating mga Pilipino ng pagkilala at pagmamahal sa ating bayan?


    Hindi masamang maghangad ng mabuti para sa iyong bayan at mga tao nito lalo na kung tungkol ito sa pagpapayabong ng kultura at identidad na siyang bumubuo sa pagkatao ng mamamayan ng isang bansa. Pero, kung ang pakay nito ay para kilalanin ang pagiging masustansya ng isang gulay o maprotektahan ito ng batas, hindi sapat na tawagin at kilalanin ito bilang mga “pambansang simbolo.” Mahalaga na kinakatawan ng mga simbolong ito ang katangian ng pagiging isang Pilipino na nakaugnay sa kasaysayan ng Pilipinas.  
Comments