Blog‎ > ‎

Panibagong Simula: Buhay Gaijin ni Pido Tatlonghari (December 2013)

posted Nov 30, 2013, 10:55 PM by Erwin Brunio   [ updated Nov 30, 2013, 10:59 PM ]

Buhay Gaijin

by Pido  Tatlonghari

Banyaga. Dayuhan. Alien. Gaijin. Salitang naging kaakibat na ng ating pamamalagi dito sa Japan.

Para sa karamihan sa atin, hindi naging madali ang umalis. Nandyan na kailangan nating iwan ang ating pamilya, talikuran ang nakagawiang buhay at harapin ang hindi kilalang pagakakataon dito sa Japan.

Malamang sa umpisa ay nakaranas ka ng saya dahil sa mga kakaiba mong nakikita o nararanasan. Ngunit hanggang tumatagal ay nakakaramdam ka ng hirap, lungkot at pagkabagot. Hindi biro ang pumunta sa isang bansa na hindi mo naiintindihan ang wika, banyaga para sa iyo ang kanilang kultura. Mahirap. Malungkot. Nakakabagot.

Subalit hindi ito ang kailangang maging kwento ng ating buhay dito Japan. Ito ay isang pagkakataong kailangan nating lasapin ng lubos. Bakit nga ba tayo naririto sa bansang ito? Maraming dahilan, upang makatulong sa pamilya, makapag-pagawa ng bahay, mapagamot ang may sakit na kaanak. Maraming dahilan at ang lahat ng ito ay dahil sa gusto nating magkaruon ng pagbabago sa ating buhay. 

Sabi nga ni John Maxwell, ang buhay ay 10% kung ano ang nangyayari sa atin at 90% kung ano an gating gagawin sa mga pangyayaring ito. Bilang isang Pinoy, malaki ang kakayahan nating gawing positibo, masaya at prodaktibo ang anumang negatibong bagay na ating kinakaharap. May kakayahan tayong iwasang maging miserable ang ating sitwasyon.

Ito ang layunin ng column na ito. Kung inyong mararapatin, nais kong anyayahan kayong samahan ako sa pagtuntun ng mga maliliit na baitang para mas mapayabong natin ang ating karanasan dito sa Japan. Sama-sama nating sikaping gawing mas kapaki-pakinabang ating an gating Buhay Gaijin. 

Ang inyong lingkod ay nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas sa kursong BS Business Administration and Accountancy. Pinalad na maitawid ang Certified Public Accountant’s Licensure Examination. At sa tulong ng Gobyerno ng Japan, nabigyan ng pagkakataong makapag-aral na muli at matapos ang kursong Masters in Business Administration (MBA) mula sa Waseda Univeristy. Dahil sa karanasang ito, sa pagkakataong makapag-aral at mamuhay sa Japan, mas lumawak ang aking pananaw sa buhay.

Ano ba ang ating pupuwedeng gawin o alamin? Sa aking palagay, ang isang bagay na dapat nating matutunan ay kung papaano natin hahawakan at pagyayabungin ang ating kinikita dito sa Japan. Kultura na natin na halos ipadala ang lahat ng ating kinikita sa Pilipinas upang tulungan an gating mga mahal sa buhay. Subalit, maliban sa dakilang gawaing ito, marami pa tayong maaaring gawin. Sama-sama nating tuklasin ang mga bagay na ito. At ito ay sisimulan natin sa susunod na buwan. 

***

Sa ngayon hayaan nyo akong magpaalala sa kung anong maaarin nating gawin upang tumulong sa relief operation sa Pilipinas dulot ng pinsala ng bagyong si Hayain. Maari kayong magpadala ng donasyon sa mga susunod na organisasyon: 

Philippine Red Cross

http://ushare.redcross.org.ph

Every Nation Church

http://victoryplatform.everynation.org.ph/victorygiveviacreditcard/giveviacreditcard.aspx 

Real LIFE Foundation

http://igivetolife.com/donate-to-disaster-relief

At kung mahilig naman kayong gumamit ng facebook, maarin rin kayong makapagbigay ng tulong sa pamamagitan ng pag bisita sa softbank facebook page, i-“like” ang kanilang larawang nagsasabing magbibigay sila ng JPY10 para sa bawat “like” na kanilang matatangap sa larawan mula Nobyembre 15, 2013 hanggang katapusan ng Enero 2014. 

***

Kung may nais kayong pag-usapan nating tungkol sa personal finance, pag-iimpok or invest, maaari kayong magpadala ng e-mail sa buhaygaijin@gmail.com.

Hanggang sa muli!

Comments