Blog‎ > ‎

Pinas Krismas (Tokyo Boy, January 2014)

posted Jan 20, 2014, 10:48 PM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jan 20, 2014, 10:53 PM ]

Pinas Krismas
by: Mario Rico Florendo

May ibang adrenaline rush na dala ang Disyembre para sa akin. Nung ako ay bata pa, panahon ito ng karoling at pagtanggap ng mga regalo mula sa mga ninong at ninang. Nung ako'y mag-highschool, panahon ito ng mga krismas party at mga lakad ng barkada. Nung mag-kolehiyo, sinalubong ko naman ito ng mga inuman at walang humpay na videoke sa pagsapit ng Pasko. Ngayong medyo nagkakaedad na, ang pakikipagsiksikan sa malls para makakuha ng panregalo naman ang naging kaugalian ko. Ito ang nakagisnan kong pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas.


Dito naman sa Japan, sinasalubong ang panahon ng Disyembre ng liwanag ng mga illuminations sa bawat sikat na pasyalan, ng mga gabi-gabing bounenkai o end of the year celebrations, o di kaya naman ay normal na araw sa trabaho (oo, itanong niyo pa sa boss ko sa baito!). Oo sayang ang kikitain naisip ko, pero itinatak ko rin sa sarili ko na hindi ang lamig ng panahon noong mga gabing iyon ang makakapigil sa akin para hindi ipagdiwang at salubungin ang Pasko ng malungkot, nag-iisa o kasama ng mga estranghero sa loob ng tumatakbong tren.

Kung kaya, ang natanggap kong mga regalo mula sa mga barkada kong Pinoy, Nepalese, Chinese at Fijian; ang tawanan at kantahan sa pagsapit ng Pasko sa meeting room ng university dorm namin; at last-minute shopping pagkatapos ng baito ng alas-siyete ng ika-24 ng Disyembre ang naging December rush ko. Pinilit kong maging katulad ito ng nakasanayan kong Disyembre sa atin, pero parang may kulang.


"hanggang sa dumating ang araw na matuwa ako sa kinang ng illumination, sa prospect ng mataas na sahod kahit pa ibig sabihin nito ay pagtatrabaho sa araw ng Pasko, o sa araw na masanay ang liver ko sa araw-araw na pag-inom sa bounenkai, uuwi ako ng Pilipinas, at doon ako magki-krismas."


Iba pa rin ito sa Disyembre ko bilang Pilipino. Hinahanap-hanap ko ang katok at pambubulabog ng mga bata (lalo na ng mga matatanda!) na nagkakaroling. Hinihintay ko ang imbitasyon ng kapitbahay na makisalo sa kanila o di kaya ang bigay nilang ispageti at tinapay. Inaantabayan ko ang sandamakmak na pagbati sa texts at pagpuno ng inbox ko dahil sa mga naipong mensahe na paulit-ulit at iisa lang naman ang gustong iparating.

Marahil, ito ang hinahanap-hanap ko na hindi ko kailanman makikita kahit ilang illuminations pa tulad ng sa Roppongi, Tokyo Doitsu Mura o sa Kobe ang mapuntahan ko. Siguro, mas mainam ang sintunado at hindi sabay-sabay na pagkanta ng mga bata ng "wi wis yu a meri krismas" kaysa sa mga instrumental christmas songs na pinapatugtog sa cafe at department stores. Kahit ilan pang pagbati mula sa mga kaibigang dayuhan at kahit maging mga Pinoy ang matanggap ko, hindi nito matutumbasan ang pakiramdam ko tuwing nagbe-bless sa akin ang mga pamangkin ko o sa tuwing yayakapin ako ng mahigpit ng mama ko.

Na-miss at na-miss ko ito noong nakaraang taon kaya, kahit pa mahal ang ticket pauwi, kahit maraming nakabinbing research na kailangang gawin, kahit hindi makaipon pansamantala, pinili kong umuwi para salubungin ang Pasko sa atin. Alam kong sasabihin ng maraming tao lalo na ng mama ko na impraktikal ako, pero wala naman akong balak gawin ito taon-taon habang nandito ako sa Japan, tama na siguro ang minsan sa dalawa o tatlong taon.

Matatapos ko ang master's ko sa Oktubre ng 2015 at pagkatapos noon, hindi ko alam kung makakapaghanap ako ng magandang trabaho dito sa Japan para mapilitan akong pansamantalang manirahan dito. Pero hanggang sa dumating ang araw na
matuwa ako sa kinang ng illumination, sa prospect ng mataas na sahod kahit pa ibig sabihin nito ay pagtatrabaho sa araw ng Pasko, o sa araw na masanay ang liver ko sa araw-araw na pag-inom sa bounenkai, uuwi ako ng Pilipinas, at doon ako magki-krismas.

[Sa lahat po ng taga-tangkilik ng kolum na ito, iniaalay ko sa inyong lahat ang sulating ito. Para sa mga uuwi/nakauwi na, hinay-hinay lang po sa mga ma-kolesterol na handa. Para sa mga nanginginig sa lamig sa Japan, kaunting tiis lang ka-Daloy, makakauwi ka rin. Gumamit na lang ng NTT cards (ang unang tatlong makakapagpadala sa akin ng komento sa email kong marioflorendo@daloykayumanggi ay makakatangap ng libreng NTT na pamasko mula sa akin) para kamustahin ang iyong pamilya kung nagloloko ang signal ng viber o skype. Hanggang sa muli mga ka-Daloy, Maligayang Pasko at
Manigong Bagong Taon!]


Comments