Blog‎ > ‎

Silang Mga Kinalimutan*

posted Aug 31, 2013, 2:08 AM by Mario Rico Florendo   [ updated Aug 31, 2013, 2:08 AM ]

ni Tokyo Boy


   Tahimik. Iyan ang unang impresyon ko kay Nanay Hibico Suzuki. Nakilala ko siya habang nag-iintern ako sa Philippine Nikkei-jin Legal Support Center o PNLSC ngayong summer. Isa si Nanay Hibico sa mga Nikkei-jin na taon-taong dinadala ng PNLSC dito sa Tokyo para matulungang makakuha ng Koseki Tohon at ng Japanese citizenship dahil ang kanilang mga tatay ay Hapon. Pambihira'y pareho kaming Ilokano (siya'y taga Ilocos Sur at ako nama'y taga-Pangasinan), ako ang in-assign na maging translator niya mula Ilokano hanggang Filipino kasama ang isa pang Hapon na magsasalin naman mula Filipino papuntang Nihongo. Bago nito, nabasa ko na rin ang kuwento tungkol sa kanyang tatay na Hapon at ang naging buhay niya at ng kanyang pamilya pagkatapos silang iwanan nito. Mula sa sinumpaan niyang dokumento, akala ko kilala ko na siya, alam ko na ang pinagdaanan ng mga katulad niya, mauunawaan ko na ang dahilan ng pagpunta niya at ng mga kasama rito. Pero hindi pa pala. Hindi pala ganoon kadali ang buhay ng mga Nikkei-jin na katulad niya.


Sino ba ang mga Nikkei-jin?

   Ang mga Nikkei-jin ay ang mga naiwang anak ng mga Hapong pinadala sa Pilipinas bago o sa pagputok ng giyera noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang iba sa mga Hapon na pinadala ay nakapag-asawa o nakabuntis ng mga Pilipina na nagbunga naman ng mga katulad nina Nanay Hibico na tinatawag na 2nd generation Nikkei-jin. Pagkatapos ng giyera, napilitang bumalik ng mga Hapong ito dahil sa panganib sa kanilang buhay at marami sa kanila ay hindi na binalikan o nagparamdam man lang noong nakabalik na ng Japan sa kanilang mga asawa at anak sa Pilipinas.   

   Ang mga katulad nina Nanay Hibico at ang kanyang nanay ay naiwang naghihintay ng mga tatay at asawang hindi na nila muling makikita. Sa sitwasyon nilang ito, hindi sila maituturing na purong Pilipino dahil karamihan sa kanila ay dala-dala pa rin ng apelyido ng kanilang tatay. Ang sitwasyong ito ay nagbubunga ng parehong positibo at negatibong implikasyonpositibo dahil maaari silang mag-petisyon para makakuha ng Japanese citizenship (katulad ng ginagawa ni Nanay Hibico) at negatibo naman dahil hindi rin sila maituturing na mga Pilipino at makakakuha ng Pilipinong pasaporte dahil sa kanilang pending na aplikasyon. Kung kaya't kaaakibat ng kanilang kawalan ng citizenship ay ang hindi tiyak na pagtingin sa kanilang sariling identidad at katauhan.

   Lahat ng siyam na 2nd generation na Nikkei-jin na dinala ng PNLSC ay first time makaapak sa Japan. Ito rin ang dahilan kung bakit ganun na lamang ang tuwa ng lahat kasama na si Nanay Hibico na makarating sa bayan ng kanilang ama, sa lugar kung saan nagmumula ang kanilang mga ninuno. Isa pang dahilan ng kanilang pagpunta dito sa Japan ay ang dumalo sa Family Court kung saan sila ay kakapanayamin ng isang imbestigador para patunayan ang kanilang pahayag na Hapon nga ang kanilang ama sa pamamagitan ng mga litrato, kuwento at sinumpaang salaysay nila mismo at ng mga kaibigan. Sa kaso ni Nanay Hibico, wala siyang mga naitagong litrato ng ama dahil kinuha umano ito ng mga gerilya pagkatapos ng giyera.



Ang Kanilang Laban

   Sa mga ganitong kaso lalong nagiging mahirap para sa isang nagpepetisyong Nikkei-jin na patunayan ang kanyang sarili bilang anak ng Hapon. Ang mga naiiwan lamang na ebidensiya ay ang mga kuwento ng ina ni Nanay Hibico, ang mga putol-putol na kantang Hapon na natutunan ni Nanay noong bata pa lamang siya, at ang salaysay ng kaibigan ng ina niya na paglaki niya ay dapat niyang sundan ang kaniyang ama sa Japan. Sa ganitong klase rin ng proseso ay hindi lahat pinapalad na mahanap ang amang Hapon at nagreresulta ng hindi pagkakuha ng citizenship. May mga ilan namang pinapalad pero inaabot ng ilang taon, at mayroon namang inaabot nga ng ilang taon, pero hindi pa rin pinapalad.

   Kung kayat paminsan, maituturing na ang paghahanap ng identidad ay isang mahabang proseso ng paghihintay at pagdurusa, isang sugal na walang kasiguraduhan ang resulta. Pero para sa mga katulad ni Nanay Hibico na mahigit 20 taon ng hinahanap ang kanyang tatay, pagkatao at citizenship, handa siyang sumugal at maghintay ng kahit ilan pang taon.

    Bago tuluyang matapos ang interbyu, hiniling ng abogado na kantahin ulit ni Nanay Hibico ang kantang itinuro sa kanya ng kanyang ina noong buhay pa ito. Kinausap ko siya sa Ilokano, hinikayat ko siyang kantahin ito sa huling pagkakataon. Sumunod naman siya: "Ohayou, konnichiwa, konbanwa, arigatou, sayounara, tomodachi." Pagkatapos noon, muling binalot ng katahimikan ang kalooban kokatulad noong una kong nakilala si Nanay.

    Pagkatapos ng interbyu ay bumulong sa akin si Nanay at pinasalamatan ako sa pagtulong sa kanya sa pagsasalin. Sagot ko naman, wala iyon, masaya akong kahit papaano ay makatulong sa aking munting paraanPero sa kalooban ko, hindi na naalis ang malungkot na katahimikang bumalot sa akin mula ng makilala ko si Nanay. Dahil ang masaklap nito, hindi nag-iisa si Nanay. Marami pang mga katulad nilasilang mga kinalimutan.


*para kina Nanay Hibiko Suzuki, Francisca Takimoto, Jovita Uehara, Inia Kato at kina Tatay Antonio Takara, Jovani Kiyama, Saide Takihara, Oligario Nagata at Rogelio Kimura. Kasalukuyang nakahain sa Family Court ang petisyon nina Nanay Hibico at ng kanyang mga kasamahan pero walang katiyakan kung maaaprubahan ito at kung maaaprubahan man, kailan sila muling makababalik sa tahanan ng kanilang ama.

ą
DSC_0932.jpg
(2269k)
Mario Rico Florendo,
Aug 31, 2013, 2:08 AM
Comments