Blog‎ > ‎

Sumubok ng bago

posted Apr 12, 2014, 2:14 AM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jun 21, 2014, 3:05 AM ]

ni: Erwin Brunio


    Nasaan ang kanin? Ito ang una kung tanong tatlong oras paglapag ko sa Kota Kinabalu, Malaysia, noong 2002. Ito ang pinakauna kong byahe sa labas ng Pilipinas. Kahit na excited na akong makita ang Malaysia, at maka-experience na bumisita ng bagong bansa maliban sa Pinas, ang unang kong hinanap ay kanin. Tanong ko sa sarili, asan na yung kanin?


    Nasubukan mo bang pumunta ng ibang bansa subalit ang una mong hinanap ay Pinoy food? O kaya kung nasanay ka na ay Japanese food? Bigla na lang ba na hinanap mo yung kanin o adobo? O kaya naman ay sushi o gyoza o tonkatsu? Ako, ang una kong hinanap ay kanin. Pagdating ko sa hotel, dumiretso agad ako sa mall. Nakita ko agad ang McDonalds.

   

    Bago pumila, sinilip ko muna ang counter. May isang menu na dalawang pakpak ng manok at isang Coke. Mamula mula ang manok, iba ang kulay kaysa sa McDo sa Pinas, parang nagbabaga at maanghang, parang bagong luto. Spicy red chicken wings menu. Nakakatulo ng laway, nakakatakam. Subalit, walang kanin! Sinilip ko rin ang iba pang menu, may hamburger, french fries at kung ano ano pa. Isa lang ang wala, walang kanin.  Tiningnan ko ng mabuti, inilapit ko pa ang aking ulo para mas klarong matanaw ang menu. Wala nga talagang rice.Tiningnan ko ang mga nakapilang Malaysian at ang kanilang bitbit na mga order. Walang kanin. Sinilip ko rin ang mga nakaupong mga customer, walang kanin. Wala.


    Bigla kong naisip, “aha! siguro meron sa Kentucky Fried Chicken!” Naalala ko pa ang huling order ko ng KFC sa Atrium Iloilo bago ako pumunta sa Cebu.  “Kahit hindi iyon masarap, pero may rice iyon” sabi ko sa sarili. Umalis ako ng Mcdonalds at lumipat sa KFC.  Wala ding kanin.


    Dahil hindi ko gusto ang KFC, bumalik ako sa Mcdonalds at inorder ang mapula-pulang spicy chicken wings at isang softdrink. Habang kinakain ko ito, mainis-inis ako sa aking sarili. Umuwi akong malungkot sa hotel. pakirandam ko hindi ako nabusog. Bitin. Kulang ang araw ko kapag di ako nakakain ng rice.


   Noong araw na iyon, napagtanto ko na ang “normal” sa akin ay maaaring hindi normal sa iba. Sa ating mga Pinoy, ang kumain ng kanin sa umaga, tanghali at hapunan ay normal. Subalit sa iba, hindi ito normal. Malamang ang ibang lahi ay mabibigla, magtataka o matutuwa kapag nalaman nila na iniulam natin ang spaghetti sa kanin. Noong araw din na iyon, imbes na malaman ko ang kultura ng Malaysia, mas lalong napalalim nito ang pag-unawa ko sa aking sariling kultura. Ang kultura ng Pinoy.


    Nais mo bang makilala ng mas higit ang iyong sarili? Magbyahe o tumira sa labas ng iyong bayan o bansang nakasanayan. May tatlong mahahalagang rason kung bakit nakakabuti sa iyo ang byumahe sa labas ng iyong nakasanayang lugar. Una, sa pakikipaghalubilo mo sa mga mamamayan ng bansang pinuntahan mo, mas higit mong makikilala ang bansang ito at ang kanyang mga tao.  Sa una kong punta ng Japan bilang Youth Fellow noong 2004, ni hindi ako nagresearch kung ano klase ng bansa ang Japan. Subalit ng dumating na ako sa Japan mismo, mas doon ako nagkaroon ng interes na pag-aralan kung anong klaseng bansa ito. Sa pakikihalubilo sa mga Hapon, at pag-obserba sa lansangan, train station, mall at iba pa, mas nakikilala ko ang Japan. Mas matututo ka sa isang bansa kung ito ay napuntahan mo.


    Ang pangalawang rason kung bakit mabuti ang magbyahe sa labas ng iyong nakasanayang lugar ay dahil mas higit mong makikilala ang iyong sariling lugar. Ito ay dahil may makukumpara ka na ibang lugar o bayan doon sa sarili mong lugar. halimbawa, sa atin sa Pilipinas, sa tingin natin noon, ang ma-late ay normal lamang. Minsan nga, kung late ka, ang ibig sabihin noon ay ikaw ay isang VIP. Subalit ng nandirito na tayo sa Japan, napagtanto natin na itong pagiging late natin ay hindi normal. Ang mga Hapon ay istrikto sa oras. Dahil nalaman natin ang sistema ng oras sa Japan, may comparison na tayo sa Pilipinas, kaya mas naintindihan natin ang ating bayan.


    Ang pangatlong rason ay dahil sa pagbyahe, mas higit na makikilala natin ang ating sarili. Noong una, akala ko ay hindi ako makukuntento na walang kanin sa ulam. Subalit natutunan ko rin na kumain sa isang araw na walang kanin. Natutunan ko na marami pa palang masasarap na mga pagkain at naging malawak ang aking karanasan tungkol dito. Sa pagbabyahe, napatunayan ko na kaya kung pangalagaan at ingatan ang aking sarili.


    Ang paghahanap ko ng kanin ay masasabing metapora sa buhay. Minsan, kahit man tsansa ka na makaexperensya ng ibang parte ng buhay, pilit pa rin hinahanap mo ang dati, ang iyong nakasanayan. Gaya ng paghahanap ko ng rice noong unang araw ko sa Kota Kinabalo, kahit na maraming masasarap na pagkain naman ang naging posible dahil sa aking pagbyahe.


    Ikaw ba ay may tsansa na mangibang bayan?  O kaya lumipat sa ibang bayan o probinsya dito sa Japan? Ang anak mo ba ay aalis na sa iyong bahay dahil mag-aaral sa ibang lugar o kaya magtratrabaho? Bigyan ng tsansa ang iyong anak na matuto sa sarili. Bigyan ng tsansa ang iyong sarili na sumubok ng bago.


-0-0-0-

    Ikaw, ano ang iyong unang hinanap noong unang byahe mo sa labas ng Pinas? I-email ang iyong karanasan sa erwin@daloykayumanggi.com at may chance na mailathala ang iyong kwento dito sa Daloy Kayumanggi. May surprise na regalo rin na ibibigay sa iyo.
Comments