Blog‎ > ‎

Tips sa Pagpili ng Bangko, Kabayan! (Buhay Gaijin: February 2014)

posted Feb 9, 2014, 1:07 AM by Daloy Kayumanggi
Tips sa Pagpili ng Bangko, Kabayan!
ni: Pido Tatlonghari


Napakaraming bangko sa Japan. Kung kaya’t ang pagpili sa kung anong bangko ang babagay sa iyo ay dapat napakadali. Subalit sa totoong buhay, minsan ito ay isang napaka-challenging na gawain.

Unang-una, kailangan mong ipakita na ikaw ay may kaukulang visa upang manirahan ng legal sa Japan. Pangalawa, kailangang maalam ka ng kaunting Hapon dahil karamihan sa mga bangko ay walang empleyadong marunong magsalita ng Ingles. At pangatlo, dapat ay mayroon kang magagamit na “hanko” o personal seal bilang personal na lagda dahil marami sa mga bangko ngayon ang hindi na pumapayag na paglagda ang iyong gagawin upang maging tanda kung ikaw ba ang tunay na may-ari ng account.

At dahil sa karamihan sa ating mga Pinoy na naririto ay mangangailangang magpadala ng pera sa Pilipinas sa ibat-ibang kadahilanan, dagdag pang konsiderasyon ito sa pagpili ng tamang bangko.

At bago ko ibahagi sa inyo ang aking opinyon tungkol dito, nais ko sanang magpasintabi na ito ay base sa aking personal na karanasan. Ito ay hindi isang pag-iindorso ng mga bangkong isusulat ko dito. At ang pagtangkilik sa kanila ay mananatiling inyong personal na pagdedesisyonan.

Bagama’t nakapagbukas na ako ng bank account sa ilang bangko dito sa Japan, ang isang bangko na talaga namang naging sakto sa aking mga pangangailangan ay ang Shinsei Bank.

Ayon sa Wikipedia, ang Shinsei Bank ay isang kabushiki-gaisha (o isang korporasyon) na  kasalukuyang kinakalakal sa Tokyo Stock Exchange. Ito ay ang pumalit sa tinatawag noong Long-Term Credit Bank of Japan, matapos ang huli ay magsara dahil sa pagbagsak ng presyo ng mga real property noong 1989. Ang LTCB ay muling binigyang buhay bilang Shinsei Bank noong 2000, sa tulong ng bagong pamunuan. Ito ang kauna-unahang bangko sa Japan na sumailalim sa pamumuno ng banyagang liderato.

Ang Shinsei bank ay kakaiba sa karamihan ng bangko dito sa Japan dahil sa bukod tangi nitong serbisyo na parte ng tinatawag nitong “PowerFex” savings account. Karamihan sa mga bangko sa Japan ay may bayad ang paggamit ng ATM sa labas ng kanilang tinatawag na “free usage time.”
Subalit sa Shinsei, makakagamit ka ng ATM service nila ng libre 24/7 sa lahat ng Shinsei Bank ATMs, kasama ang kanilang mga partner ATMs at bangko gaya ng Seven Bank, Lawson, E-Net, View Alte, Japan Post Bank, Aozora Bank at Shoko Chukin Bank. Sa ilang piling sangay ng Shinsei, bukas ang kanilang tanggapan nang hanggang alas-siyete ng gabi, kumpara sa iba na nagsasara ng alas-tres. At kasama ng iyong basic account, maaari karing makapag-invest o deposito sa ibang currency gaya ng US dollar, British Pounds at iba pa.

Para sa mga foreign residents dito sa Japan gaya natin, malaking tulong na mayroon silang English website, kasama ang pagkakaruon din nila ng online banking at telephone support sa wikang Ingles. Hindi rin sila nangangailangan ng personal seal sa pagbubukas ng account. At, nakakapag-issue sila ng cash card sa araw mismo kung kailan ka nagbukas ng account, kung ikaw ay may dalang litrato. At dahil supported ang kanilang website sa wikang Ingles, maaari ka ring magbukas ng account online.

At para sa akin, dahil sa kanilang online banking na nasa wikang Ingles, naging napakadali ng pagpapadala ng pera sa atin sa Pilipinas. Inirehistro ko ang Mizuho bank account na designated ng PNB Tokyo sa aking online Shinsei Bank account, kung kaya’t nagagawa kong maglipat ng pera sa PNB Tokyo nang anumang oras at higit sa lahat, nang libre. Sa pagrerehistro ng Mizuo Bank account, dahil mangangailangan itong i-input sa katakana, maari kayang humingi ng tulong sa staff ng bangko upang gawin ito.

Hindi lang yan. Tuwing umuuwi ako ng Pilipinas, kung saka-sakaling kakailanganin ko ng karagdagang pera, ako ay nakakapag-withdraw gamit ang aking Shinsei Bank cash card mula sa ilang piling bangko sa atin gaya ng CitiBank at Standard Chartered Bank nang ayon sa tamang palitan at mababang bank service charge. Ang ATM fee na itsa-charge sa Pilipinas ay ibinabalik din sa aking account.

Kung kaya’t talaga namang sakto para sa isang OFW o Pinoy dito sa Japan ang serbisyo ng Shinsei Bank.

At para naman sa bangko sa atin na maaari nating gamitin habang nandito tayo sa Japan, ang Bank of the Philippine Islands ay ang ating maaasahan. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin po lamang ang ating website, www.buhaygaijin.weebly.com.

Hanggang sa muli!
Comments