Blog‎ > ‎

TOKYO FOR FREE

posted May 18, 2014, 3:45 AM by Daloy Kayumanggi


Sa maraming mga survey na isinasagawa sa buong mundo, madalas kung hindi nangunguna, laging nasa Top 5 ang Tokyo sa pinakamahal na siyudad sa buong mundo. Ang tiket para manood sa sinehan ay nagkakahalaga ng Y1,800 samantalang ang pagkain sa isang restawran ay may minimum na Y1,000. Kung kaya*t, hindi maiiwasan na ang mga dayuhan lalo na ang mga Pilipinong turista ay may imahe sa Tokyo bilang isang nakapamahal na pasyalan at lugar para manirahan.

   

Pero alam niyo ba na maraming pasyalan dito sa Tokyo ang hindi lamang mura kundi libre pa? Kung noon nakaraang isyu ay tinalakay ko ang minsang stressful na environment dito sa Tokyo, ngayon naman ay ipapakilala ko sa inyo ang mga lugar dito sa Tokyo na tiyak na mae-enjoy mo kasi wala kang dapat bayaran! Sabi nga nila, ※the best things in life are for free!§



1.Tokyo Metropolitan Government Building (東京都庁, Tokyo Tocho)

Kung gusto mong makita ang Tokyo mula sa itaas ng hindi nagbabayad tulad ng sa Tokyo Tower (Y820) o sa Tokyo Sky Tree (Y2,060). Bukas ito ng 9:30 sa umaga hanggang 11 ng gabi kaya maaaring ma-enjoy ang view ng Mt. Fuji sa tanghali at Tokyo skyline sa gabi. Maaaring mabisita ang twin tower na building gamit ang Tocho-mae Station (Oedo Subway Line) o kaya naman ang JR Shinjuku Station na sampung minute lang ang layo.




SIDETRIP:

Kung may oras na makapaglakad-lakad, subukan ring bisitahin ang LOVE na sign sa Shinjuku. Ang iskulturang ito ay sikat dahil hindi lamang ito makikita sa Tokyo kundi sa iba pang sikat na siyudad tulad ng New York, Valencia, at Singapore. (kuha ni Arianne Dumayas)




2. Life-size Gundam sa Odaiba

Para sa mga anime fans, tiyak na papatok sa inyo ang dambuhalang gundam na nakatayo sa labas ng isang mall sa Odaiba. Bukod sa magandang pagkakagawa nito, isang atraksyon rin ang tila pagkabuhay nito pagdating ng gabi (19:30 at 20:30 ng weekdays at 19:30, 20:15 at 21:00 pag weekends). Sa 5-7 minuto na show, makikita ang paggalaw ng ibang parte ng robot, iba*t ibang pailaw na effects kasabay pa ang isang bidyo.



SIDETRIP:

Maaari ring bisitahin dito ang replica ng Statue of Liberty na kalapit lang ng mall kung saan nakatayo ang life-size Gundam. Gayundin, mae-enjoy sa Odaiba ang Rainbow bridge na makulay sa gabi.



3. Tuna Auction sa Tsukiji

Ang Tsukiji Market ang isa sa pinakamalaking palengke ng mga isda sa buong mundo. Bukod dito, kung kakayanin mong magising nang maaga (mga alas 3 ng madaling araw), maaaring isa ka sa 120 tao na maaaring makapanood ng tuna auction ng libre!    Nakakamangha ang tuna auction na ito dahil ang mga tuna na minsan ay nagkakahalaga ng halos Y1M ay naibebenta sa loob lamang ng sampung segundo!



4. Free Taste

Sa karamihan ng mga supermarket at pasyalan sa Tokyo ay nagbibigay ng patikim para sa mga potensyal na mamimili. Pero kung ikaw ang taong nagtitipid para sa iba pang bagay kapag pumasyal ng Tokyo, papatok sa iyo ang mga free tastes sa kalsada at sa mga supermarket. Madalas ang mga free tastes kapag may nilalabas na bagong produkto o inumin. Kung makaka-timing ka naman sa Starbucks, nagpapamigay rin sila ng libreng kape o cake paminsan-minsan.


Ang mga pasyalan at gawaing ito ay pinakamainam lalo na sa mga bumibisitang kaibigan at kamag-anak. Nakatulong ito nang bumisita ang dati kong dorm roommate at ang kanyang pamilya dito sa Tokyo gayundin sa isa kong kaibigan na kapwa estudyante ng kanya ring in-entertain ang mga bisita niya mula sa Europa at kapamilya mula sa Pilipinas. At kung totoo ngang magiging visa-free na ang Japan sa nalalapit na panahon, hindi lang visa-free Japan ang maaari mong maipagmalaki kundi lalo na ang Tokyo for free!


Sanggunian:

www.japan-guide.com

www.wikipedia.com


Comments