Recent post

  • Ethics and Advertising Naging matunog sa mga netizens nitong mga nakaraang linggo ang ginawang patalastas ng Aegis Malaysia, isang business process outsourcing company. Ang bidyo na tumatagal ng halos tatlong minuto at in ...
    Posted Oct 20, 2014, 4:46 AM by Daloy Kayumanggi
  • The Bong Revilla Story ni: Mario Rico Florendo Tokyo Boy Naka-roll na ang mga kamera, naka-set-up na ang mga ilaw, naka-cue na ang direktor at nakaabang na ang mga ...
    Posted Jul 22, 2014, 5:01 AM by Daloy Kayumanggi
  • Maria Christine: Isang Babae, Isang Ina, Isang Inspirasyon Ka-Daloy of the Month ni: Loreen Dave Calpito Tampok sa May 25 episode ng palabas na Rated K, produksyong pinagtulungang buuin ng ABS-CBN sa Pilipinas at ng NHK ...
    Posted Jul 22, 2014, 11:03 PM by Daloy Kayumanggi
  • Toba: Of Divers and the Finest Pearls By: Aries Lucea Slice of Mango, Slice of Life Amachan In the town of Toba, women have been diving the waters for hundreds of years. In celebration of this tradition ...
    Posted Jul 22, 2014, 11:02 PM by Daloy Kayumanggi
  • Ang Saya ng Summer Mo!   Isa akong probinsyano, lumaki sa napakagandang isla ng Palawan. Kung kaya’t ang tag-araw para sa akin ay larawan ng saya. Kadalasan kami nuon ay bumibisita sa aming mga ...
    Posted Jul 22, 2014, 11:24 PM by Daloy Kayumanggi
  • Ang Talinhaga ng Japanese Unagi at Pacific Salmon Dear Kuya Erwin ni: Erwin Brunio Isipin ang iyong sarili bilang isang isda. Nakatira ka sa isang maliit na lawa na napapaligiran ng isang malawak subalit tuyo na lupa ...
    Posted Jul 22, 2014, 11:51 PM by Daloy Kayumanggi
  • Anti-Bullying Sentiment (Editorial) Dito sa Japan, hindi na bago ang mga balita tungkol sa masamang epekto ng bullying. Minsan pa nga, sumusobra ito at nagdudulot ng epekto hindi lamang sa pamumuhay ng taong ...
    Posted Jun 21, 2014, 3:56 AM by Daloy Kayumanggi
  • Todai Festival: Ika- 87 na Gogatsusai Tokyo Boy ni: Mario Rico Florendo Katulad ng mga masasayang school festival na makikita sa lahat ng eskwelahan dito sa Japan, ang ika-87 na Tokyo University May Festival (東京大学五月祭 ...
    Posted Jun 21, 2014, 3:59 AM by Daloy Kayumanggi
  • Thai High Slice of Mango, Slice of Life by: Aries Lucea Thailand would always be special for me. It’s the first foreign country I have visited and instantly fell in love ...
    Posted Jun 21, 2014, 3:08 AM by Daloy Kayumanggi
  • GAYUMA by: Emosians “Lumay” ang salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay gayuma. Ito ay pangkaraniwang salita na naririnig ko sa mga nakakatanda sa aming baryo. Dekada na ang itinagal ng ...
    Posted May 23, 2015, 2:35 AM by Daloy Kayumanggi
  • 5 na klase ng kabiguan Dear Kuya Erwin  by: Erwin Brunio Pagkabigo. Sa mga nangangahas na maging matagumpay sa buhay, ang pagkabigo ay bahagi na ng buhay. Bagkus sa halos lahat ng tao na naging ...
    Posted Aug 19, 2014, 3:12 AM by Daloy Kayumanggi
  • Alexander: Iskolar ng Bayan, Summa Cum Laude Ka-Daloy of the Month ni: Dave Calpito Walang imposible kung sinasamahan ang isang bagay ng pagsisikap, pagtitiwala sa sarili, motibasyon at inspirasyon. Ang prinsipyong ito ang humulma sa Summa ...
    Posted Jun 6, 2014, 11:38 PM by Daloy Kayumanggi
  • HOPE FOR LIVING PHILIPPINES Buhay Gaijin ni: Pido Tatlonghari Apat na buwan pagkatapos ng pagtama ng bagyong Yolanda (Haiyan), ang tinatayang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas, ako, kasama ang dalawa pang miyembro ...
    Posted Jun 21, 2014, 3:52 AM by Daloy Kayumanggi
  • Ka-Daloy of the Month: Ang Pagbangon ng Pambansang Kamao ni: Loreen Dave Calpito davecalpitio529@gmail.com Hindi maitatangi: Tunay na ngang kilala, hindi lamang sa buong Pilipinas at Asya, kundi sa buong mundo si Manny "PacMan" Pacquiao (o sa ...
    Posted Jun 6, 2014, 11:39 PM by Daloy Kayumanggi
  • Pitong Pangunahing chakra Pitong Pangunahing chakra by: Emosian Ang Chakra ay salitang banal sa Sanskrit ng mga taga-India na ang ibig sabihin ay vortex o labasan ng enerhiya ng ating malay tao ...
    Posted Jun 6, 2014, 11:41 PM by Daloy Kayumanggi
Showing posts 1 - 15 of 69. View more »

Ethics and Advertising

posted Oct 20, 2014, 4:46 AM by Daloy Kayumanggi

Naging matunog sa mga netizens nitong mga nakaraang linggo ang ginawang patalastas ng Aegis Malaysia, isang business process outsourcing company. Ang bidyo na tumatagal ng halos tatlong minuto at in-upload sa youtube, ay pinagkukumpara ang Pilipinas at Malaysia pagdating sa pagnenegosyo. Pero ang kinaalma ng mga nakapanood nito kasama na ang Embahada ng Pilipinas sa Malaysia ay ang hindi etikal na paraan ng pag-promote ng bidyo sa Malaysia bilang lugar kung saan pinakamagandang mag-invest kumpara sa Pilipinas.

   

Binabanggit sa unang bahagi ng bidyo ang ilang mga problema na kinakaharap ng Pilipinas: mahinang seguridad, hindi sapat na imprastraktura, kakulangan ng suporta ng lokal na gobyerno, at panghuli, ang hindi magandang lokasyon ng Pilipinas kaya madalas itong bisitahin ng bagyo at lindol. Sa huling bahagi naman ng bidyo, tila ba binaliktad lang ang mga negatibong katangian ng Pilipinas at sinabing taglay lahat ito ng Malaysia.

   

Maaaring sa punto de bista ng isang realist, totoo at hindi masama ang mensahe ng bidyo. Pero tila ba nakalimutan ata ng kumpanya o ng kanilang PR department ang unang aral sa paggawa ng isang patalastas--hindi mo kailangang manira ng kalaban para lang mapaganda ang imahe ng iyong produkto. Kung gusto mong mapansin ang iyong pino-promote na bagay, dun ka na lamang mag-pokus sa magandang aspekto nito. Pero tila naubusan na sila ng mga ideya at paninira na lamang ang pinakamagandang naisip nila.

   

Bukod pa sa pangit na pagkukumpara na kanilang ginawa, sa pagdaan ng mga katatapos na bagyong Luis at Mario, tila lalong lumalabas ang usapin ng etika ng kanilang patalastas. Tila ba kasalanan nating mga Pilipino na tayo ay naka-posisyon sa Pacific Ring of Fire; na tayo ay binibisita ng mga bagyo ng madalas; na tayo ay nag-eenjoy kapan nakikita natin ang mga kababayan nating nagsu-swimming sa baha.

    

Dahil dito, tama lang ang naging hakbang ng Embahada ng Pilipinas sa Malaysia na sumulat sa kumpanya para pagpaliwanagin sila sa kanilang motibo bakit nila ginawa at inilabas ang patalastas kahit alam nilang makasisira ito ng iba. Sa mundo ngayon ng digital age, mabilis ang pagkalat ng balita at kahit sabihin pang tinanggal na ang bidyo, marami na ang nakapanood at nakuha na nila ang atensyon ng marami.

   

Humingi man sila ng paumanhin at pigilan ang pagkalat ng bidyo sa internet, sabi nga nila, “the harm has been done.” Sa huli, nagtagumpay man na ipaalam ng lahat na ang ginawa ng kumpanya sa kanilang bidyo ay hindi maganda, tila panalo pa rin ang kumpanya dahil sa dagdag na PR na nakuha nila. Oo nga’t luma na pero tila epektibo pa rin: “bad publicity is still publicity."


Daloy Kayumanggi editorial

The Bong Revilla Story

posted Jul 22, 2014, 4:14 AM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jul 22, 2014, 5:01 AM ]



ni: Mario Rico Florendo

Tokyo Boy



Naka-roll na ang mga kamera, naka-set-up na ang mga ilaw, naka-cue na ang direktor at nakaabang na ang mga usisero at usisera. Parang normal na tanawin sa shooting ng isang pelikula ni Bong Revilla. Ang pinagkaiba lang ngayon, walang cut, walang editor na magtatagpi-tagpi ng mga pangyayari sa mas maayos na paraan at mas mahalaga, walang direktor na magsasabing cut kapag pangit ang akting.


Nanonood ka man ng balita sa TV, nagbabasa ng mga reaksyon ng tao sa internet, o nakatutok sa paborito mong teleserye, ito ang pinakabagong realiserye (seryeng hango sa realidad) na tiyak tutukan at aabangan ng mga tao.


Nagsimula ito sa Napolist o sa listahan ng sinasabing PDAF mastermind na si Janet Napoles. Pagkatapos masabit ang pangalan ni Bong Revilla, tila awtomatikong umikot ang kamera para sundan ang bawat galaw niya. At isa nga sa mga tinangkilik at pinagkaguluhan na episode ng realiserye ng bayan ay ang music video cum privilege speech dahil sa pagiging kakaiba nito sa lahat ng mga previlege speeches na ginawa sa Senado. At pagkatapos lang ng ilang araw, trending na naman at pumapalo sa ratings ang bagong adiksyon ng bayan.


Suot ang isang puting damit na may nakasulat na verse sa bibliya, paulit-ulit na nanindigan ang Senador na siya ay inosente at biktima lamang daw siya ng pamumulitika. Pati ang miyembro ng kanyang pamilya ay nanindigan na walang kinalaman si Bong sa mga akusasyon sa kanya. Sumangayon rin ang kanyang mga taga-suporta na nagtipon sa compound nila sa Cavite para patotohanan ang kanyang kabaitan at kagandahan ng loob lalo na sa kanyang mga natulungang kababayan. Lahat ng mga eksenang ito, hindi pinalampas ng kamera at tuloy-tuloy na kinunan at brinodcast sa buong Pilipinas.


Tulad ng isang tipikal na teleseryeng Pinoy, hindi tiyak kung kailan ito matatapos--madadagdagan pa ba ng mga karakter, maa-amnesia ba si Bong o isa sa mga taong malalapit sa kanya, may mangyayari bang kidnapan, etc.. Habang hindi tumitigil ang ganitong pag-cover ng media, panonood ng taong-bayan at pag-arte ng mga taong sangkot, patuloy na lumalabo ang pagkakaiba ng isang shooting sa pelikula tungkol sa buhay halimbawa ni Bong Revilla at ng tunay na nangyayari sa kaso ng mga pulitikong inaakusahang nagnakaw ng pera ng bayan.


Ang nakakatakot pa dito, masyado na atang nasanay sa kislap ng showbizness si Bong Revilla kung kaya pati ang Senado ay ginagamit niyang lunsaran para sa kanyang new single, ang coverage niya sa media ang ginagawa niyang pangangampanya para sa pangarap niyang tumakbo bilang presidente, at ang taumbayan at ang Pilipinas ay ginagawa niyang manonood para sa bago niyang realiserye.


Now showing: The Bong Revilla Story.
 

Maria Christine: Isang Babae, Isang Ina, Isang Inspirasyon

posted Jul 22, 2014, 3:35 AM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jul 22, 2014, 11:03 PM ]

Ka-Daloy of the Month

ni: Loreen Dave Calpito


Tampok sa May 25 episode ng palabas na Rated K, produksyong pinagtulungang buuin ng ABS-CBN sa Pilipinas at ng NHK Japan, ang kuwento ng pagkadakila at sakripisyo ng isang ina, si Maria Christine, isang Pinay na nakipagsapalaran sa Japan, mayroong dalawang anak na “Japinoy,” hiwalay sa asawa at ang ating Ka-Daloy of the Month.


Marami ang naantig sa kuwento ni Maria Christine at ng kanyang mga anak. Isa sa kanyang mga anak ay isang sikat na sumo wrestler sa Japan, si Masunoyama Tomoharu.


Mga Unos sa Buhay ni Maria Christine

Sa naturang palabas, ipinakita ang ilang mga pagsubok na dumaan sa buhay ni Maria Christine at ng kanyang mga anak.

   

Dumaan si Maria Christine sa isang “failed relationship,” sa ama ng kanyang dalawang anak. Isa umano sa mga nagpatibay pang lalo kay Maria Christine ay ang kanyang sakripisyo sa pagtataguyod sa dalawang anak, bagamat isang single mother.

   

Sa panayam kay Maria Christine, naisin umano niyang makatapos ang kanyang mga anak sa kolehiyo at pagsilbihin sila hanggang sa sila ay makapag-asawa. Ngunit, dahil sa kanyang estado, bilang “single mother,” mahirap umanong gampanan ang mga iyon, sapagkat pinagsasabay niya ang kanyang responsibilidad sa kanyang mga anak at sa kanyang trabaho. Bagama’t mahirap, patuloy na naitataguyod ni Maria Christine ang kanilang pamumuhay ng kanyang mga anak, bagay na lubos namang ipinagpapasalamat ng kanyang mga anak.


Sa Kasalukuyan

Sa ngayon, bukod sa pag-aalaga sa mga anak, nagta-trabaho rin siya sa isang Day Care Center, nag-aalaga ng mga bata. Isa rin siya sa mga naghahanda ng pagkain sa sumo training center kung saan nag-eensayo para maging mas mahusay na sumo wrestler ang anak na si Masunoyama.


Ang Kanyang mga Anak

itinuturing niyang inspirasyon ang kanyang mga anak. Proud siya na isa sa kanyang mga anak ay pinapalakpakan na ngayon bilang isang sikat at magaling na sumo wrestler sa buong Japan. Isa rin sa kanyang mga anak ay nagtatrabaho, bilang hairdresser ng mga sumo, sa pareho ring training house. Bilib ang dalawang magkapatid sa kanilang ina, sapagkat nakaya niyang palakihin sila nang maayos, bagamat mag-isang nagtataguyod sa kanilang pamumuhay.


Ang “Happy Surprise”

Sa naturang episode ng Rated K, ipinakita ang sorpresang inihanda ng kanyang mga anak, sa pakikipagtulungan ng programang Rated K at ng “Happy Surprise” ng NHK Japan, isang programang nagtatampok sa iba’t ibang taong gustong sorpresahin ang mga taong malapit sa kanilang mga puso.

 

Sa naturang bidyo, sinorpresa si Maria Christine ng kanyang mga anak, sa pamamagitan gn “flash mob dance” sa Sensoji temple sa Asakusa, tampok ang mga sumo wrestlers na sabay-sabay na kumanta’t sumayaw. Ito, ayon kay Masunoyama, ay isang pamamaraan ng kanilang pasasalamat sa kanilang ina sa kanyang pagsisikap na buhayin sila ng kanyang kapatid at sa patuloy na pagsasakripisyo hanggang sa kasalukuyan.

   

Walang duda, isa ngang repleksyon si Maria Christine ng isang Pilipina at inang masikap, matiyaga at matibay, anumang unos ang dumating sa kanyang buhay. Si Maria Christine, isang babae, isang ina, isang inspirasyon sa nakararami.



Toba: Of Divers and the Finest Pearls

posted Jul 22, 2014, 3:29 AM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jul 22, 2014, 11:02 PM ]





By: Aries Lucea


Slice of Mango, Slice of Life



Amachan

In the town of Toba, women have been diving the waters for hundreds of years. In celebration of this tradition, and to pay homage to the sea god Susano, the local divers gathered for an event at Kuzaki beach. They are called ama in Japanese and about 100 of them made three dives for red abalone. Ama are a big part of the local culture. But most of them are now old and most of them are grandmothers. There are but a few Ama divers belonging to the younger generation. Sadly, this might be a dying tradition.  

Dining on the amachan hut is such a great experience. These diving grandmothers have a wealth of stories to tell. Stories plus the freshest seafood you can eat, it’s an experience that shouldn’t be missed. Reservation required, please check their website for more information http://amakoya.com/.  


Mikimoto and his lovely pearls

Well, if there is one thing that Toba is famous for besides ama, it is oysters and pearls. In the past the women would dive for them off the coast. Then in the early 1900s a man by the name of Kokichi Mikimoto succeeded in culturing pearls. Though British biologists originally devised the technique, Mikimoto teamed up with a former dentist and perfected the way of seeding oysters on a commercial scale. The process is actually very complex, and about half the traumatized oysters die before maturing. Of those that survive only a few produce pearls, and the number that can be used in jewelry constitute but a small percentage of the overall yield. The rest are rejected because they are not round enough, or are too small or otherwise flawed, and they end up as crushed pearl powder, an ingredient for many high-end cosmetics.

    

In his lifetime Mikimoto became a very wealthy man. He set up pearl farms in the small bays that line the rugged coastline of Ise-Shima. In addition to producing pearls he also sold the meat of the oysters and ground down the shells to make fertilizer. 50 years have now passed since his death but the legacy of Mikimoto lives on through his business. The harvesting season is in winter because cold water affects the oysters in a way that produces the best quality of pearls. Their meat also becomes widely available at the time. A popular thing to do is visit a local restaurant and partake in an all you can eat feast.

   

I remember how the Mikimoto window display along Manhattan’s 5th Avenue, would made my knees soft and dream about buying those expensive pieces for my then Japanese girlfriend and now wife. Well, 10 years later, I’m still hoping that one day I can buy her those fine Mikimoto pearls.  


More Toba attractions

Toba is such a wonderful place. There is still so much to see and experience in this lovely town, aside from oysters and pearls. For one, the Toba Aquarium is of great significance for us Filipinos. It houses two dugongs, and is actively involved in its conservation efforts back in the Philippines. My kids also enjoyed the attractions at the Spain Mura, a Spanish theme park and a dolphin show at Irukashima. Well, that and more on my next feature here on Daloy Kayumanggi. Enjoy the Japanese summer. Do not miss the opportunity to explore the wonders of this beautiful country.

Ang Saya ng Summer Mo!

posted Jun 21, 2014, 11:42 PM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jul 22, 2014, 11:24 PM ]




 

Isa akong probinsyano, lumaki sa napakagandang isla ng Palawan. Kung kaya’t ang tag-araw para sa akin ay larawan ng saya.

Kadalasan kami nuon ay bumibisita sa aming mga kamag-anak sa Maynila at Batangas. Masaya kasi nakikita mo ang lahat ng iyong mga pinsan, tito, tita, lolo at lola. Marami kang nakikitang bago, lalo nuon wala pang Jollibee sa bayan namin, walang mall. Kaya tuwing bibisita kami sa Maynila, kakaibang alaala ang nabubuo sa aking isipan. Pero kahit na may ibang pang-akit at ganda ang Maynila at Batangas, may katangi-tanging larawan sa akin ang tag-araw bilang lumaki sa isang island province.

Ano ba nirirepresenta ng tag-araw para sa iyo?

Kung babalikan ko ang aking mga alaala ng tag-araw nuon, may tatlong imaheng palaging paulit-ulit kong nakikita:

1.     Masarap itong namnamin kasama ang pamilya.

Naaala ko pa nuon, tuwing pupunta kami ng beach, maaga kaming gigising para maghanda. Si tatay ay pupunta sa palengke para mamili ng karne at isdang iihawin. Si nanay naman ay abala sa pagluto ng pansit o spaghetti, adobo o kaya naman ay menudo. Kasama pa dito ang paggawa ng egg sandwhich at pampalamig na pineapple juice bilang baon sa aming family excursion.

Kami naman ng mga kapatid ko at mga pinsan ay abala sa pagpapalobo ng salbabidang daldalhin. Kailangan dala ang goggles para hindi mahirap sumisid dahil mahapdi sa mata ang tubig alat. Ang sama-sama naming pagkilos ang nagbibigay ng ibang kulay sa panahong ito. May nabubuong excitement na malalampasan lang ng sayang mararamdaman mo kapag nagtampisaw ka na sa dagat. Dahil paulit ulit namin itong ginagawa, maraming alaala ng beach ay mga alaala rin ng pagmamahal ng aking pamilya na hinubog ng maraming taon.2.     Masarap ang walang intindihin

Pagpasok pa lamang sa beach, diretso agad sa dagat. Buong araw kaming nakababad sa tubig, sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Lagi kaming sinasabihang mga bata na para kaming mga daing na kusang nagpapa-“tuyo” sa araw. Walang tigil na habulan, paglangoy at batuhan ng buhangin. Titigil lamang kapag nagutom na. Minsan pa nga, dala-dala na din ang sandwich sa dagat, para walang masayang na minuto.

Kaya naman, pagdating ng dapit-hapon, halos ang maputi na lamang sa aming mga mukha ay ang aming mga mata at ngipin. Sun burn kung sun burn. Ang mahalaga nuon ay magpasasa sa paglalaro sa beach. Hindi alintana ang oras na pinapalampas, ang hapdi ng balat sa pagkakasunog nito o ang pagod sa maghapong paglalaro. Minsan, madaling malimutan na kailangan natin ang ganitong mga sandali – yung isipin ang ngayon at namnamin ang kasalukuyan at ang dala nitong saya.

3.     Lilipas din ito

At gaya ng kasabihan, walang magandang bagay na hindi nagtatapos. Hudyat nuon na malapit ng matapos ang tag-araw kapag umulan na ng Mayo. Kapag nangyari na ito, kaming magpipinsan, magkakalaro, para kaming mga langgam na nawala sa linya, hindi mapakali, laging naghahanap ng ibang pupuwedeng gawin, laruin o puntahan.

At dahil mahilig din akong mag-aral nuon, ang pagwawakas ng tag-araw ay hudyat din ng panibagong simula, bagong baitang sa eskwela. Kaya’t kahit malungkot dahil hindi ka na ulit makakapag-babad sa ilalim ng araw, masaya ka rin dahil may panibago kang sisimulan, bagong bagay na pwedeng matutunan at maranasan. Lahat ng bagay, masaya man o hindi, ay lilipas din. Isa itong paalala na sa buhay, ang mga bagay na importante sa iyo ay hindi palaging andyan at ang masasayang araw ay matatapos rin.

Kakaibang Summer sa Japan

Nuong simula akong manirahan dito sa Japan sampung taon na ang nakararaan, isa sa mga unang bagay na sinabi ko sa sarili ay “goodbye summer.” Kasi nuon, ang iniisip ko walang malapit na beach sa Tokyo, na pwedeng liguan. Pwede kang pumunta ng Odaiba, pero para maamoy lang ang dagat at maglakad sa beach. Hindi pwedeng maligo.

Nalaman ko din na ang pinakamalapit na beach sa Tokyo na pwedeng liguan ay matatagpuan sa Kamakura-shi, Kanagawa. Dahil hindi din naman sya kalapitan, kasama pa ang napakahabang lakaran mula sa Kamakura station, halos katamaran mo na ang pagpunta. Sa loob ng ilang taon, hinayaan ko na lamang palipasin ang tag-araw na para bang isa itong hindi kilalang tao, nakikita mo pero hindi mo naiintindihan, hindi mo kilala.

At, dahil dito parang may isang bagay na nagsara sa aking kaloob-looban. Narealize ko na ito ay isang malaking pagkakamali sa aking attitude. Laking pasasalamat ko na sa tulong ng mga tao sa aking paligid, muling nabigyan nang kakaibang buhay ang aking tag-araw dito sa Japan.

Summer is not just the beach

Ang tag-araw ay higit pa sa pagpunta sa beach. Ito ang isang importanteng leksyon aking natutunan upang muling makita ang tatlong imaheng aking kinagisnan na sumisimbolo sa tag-araw. Imbes na palipasin ito sa pamamagitan ng pagtitiis sa isang air-conditioned room, marami kang pwedeng puntahan sa Tokyo o sa kalapit na prefecture para maging makulay na muli ang tag-araw.

Naggagandahang Parks

Maraming naggagandahang parke sa Tokyo. Isa sa aking pinakapaborito ay ang Inokashira Park sa Kichijoji. Mayroon sila ditong isang malaking lake na kung saan pwede kang mag-boating. Kapag napagod ka na sa kaka-paddle o pedal, pwede kang magpalipas ng oras sa pakikinig at pagmamasid sa iba’t ibang performer na nakakalat sa parke. Naglipana din ang iba’t ibang kainan na pwede mong tambayan.

Kung naghahanap ka naman ng mas malalaking parke, wala kang tulak-kabigin sa Showa Kinen Park sa Tachikawa o Shinrin Koen sa Saitama. And bawat isa at may mga aktibidades na pwede mong gawin. Sa Showa Kinen Park, www.showakinenpark.go.jp, pwede kang mag-BBQ kasama ang mga kaibigan mo, magbisikleta palibot ng parke, at i-enjoy ang iba’t-ibang klase ng laro.

Sa Shinrinkoen naman, www.shinrin-koen.go.jp, maaari mo ding ma-enjoy ang outdoor sa dami ng pwede mong gawin dito. Maraming palaruan para sa mga bata. At ang nakatawag pansin sa akin dito ay pwede kang magpa-reserve upang subukang sumakay sa segway bike paikot sa parke.

Leisure Pool 

Maraming leisure pools sa Japan. Mayroon in-door at outdoor pools. Isa sa in-door pools na aking nagustuhan para pagbabaran para labanan ang init ng panahon ay ang Spa Resort Hawaiians, www.hawaiians.co.jp, sa Fukushima. Nakabisita kami dito bago naganap ang triple-disaster sa Tohoku. Talaga namang na-enjoy namin ang kanilang mataas at mahabang water slides, kasama pa ang kanilang Polynesian dance shows at masarap na pagkain.

Outdoor Pool

At ang maituturing kong pinakakahawig ng pagpunta sa beach ay ang pagpunta sa Kawagoe Aquatic Park sa Saitama. 40 minuto mula sa Ikebukuro, ang water park na ito ay may iba’t ibang outdoor pools na pwede mong pagpilian. Kasama na dito ang isa kung saan pwede mong maranasan ang madaanan ng isang 2 metro na taas na alon. At ang pina-sentro ng parke na ito ay ang kanyang iba’t ibang water slides na hindi pwede para sa mga mahina ang loob. 

Sa mga napuntahan kong lugar at naranasan para gawing muling masaya ang aking tag-araw sa Japan, narealize ko na kung wala man ang pamilya mo dito sa Japan, pwede kang gumawa nang bago sa pamamagitan ng pakikihalubilo at pag-gawa ng bagong mga kaibigan. Masarap puntahan ang lahat ng lugar na ito kung may kasama kang pwedeng pagbalik-tanawan sa mga naranasan mo.

Kung mabilis man ang buhay sa Tokyo o sa iyong parte ng Japan, hindi naman kailangang araw-araw ay ito ang maging takbo ng buhay mo. Maganda ding magdahan-dahan, lasapin ang bawat experience. At sa lugar kung saan ang lahat ay mabibili na sa convenient store, hindi na halos kailangan ang mahabang preparasyon. Just do it!

At minsan, dahil ang init sa Japan tuwing tag-araw ay talaga namang parang hindi mo kakayanin, madalas nating isipin na sana ay panahon na ng taglagas. Masarap isipin pero kailangan nating pagdaanan ang bawat panahon, kung saan ang bawat isa ay may kanyang sariling dalang ganda, saya at ala-ala.

Have fun!

***

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa ating column, lalo na sa Daloy Kayumanggi. At ngayong buwang ito, ipinagdiriwang nating ang ikatlong taon ng Daloy Kayumanggi. Happy Anniversary sa ating lahat, ka-daloy! Sana ay samahan nyo kami sa mga darating pang taon.

Hanggang sa muli!

Please enable JavaScript to view the comments powered by Disqus. comments powered by Disqus

Ang Talinhaga ng Japanese Unagi at Pacific Salmon

posted Jun 21, 2014, 11:30 PM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jul 22, 2014, 11:51 PM ]



Dear Kuya Erwin

ni: Erwin Brunio


Isipin ang iyong sarili bilang isang isda. Nakatira ka sa isang maliit na lawa na napapaligiran ng isang malawak subalit tuyo na lupa. Napapaligiran din ang lawa ng mga ibong mandaragit at iba pang hayop na naglalaway sa isda. Aalis ka ba ng iyong maliit na lawa?


May tatlong hamon dito. Una, hindi mo alam kung saan ang ibang lawa (at kung mas malaki ba ito o mas magandang tirhan). Pangalawa, hindi mo alam kung ilang oras o araw ang aabutin. Pangatlo, dahil ikaw ay isang isda, hindi ka makakahinga at makakalakad sa lupa. Ngayon, aalis ka pa rin ba sa iyong lawa at pumunta sa hindi kilalang teritoryo?


Araw-araw, ganito ang hamon sa buhay ng isang Japanese eel o unagi (casili sa atin). Araw-araw, patuloy na naglalakbay ang unagi sa mga mapanganib na lugar at umi-eskapo sa tao, hayop at maging ibang isda na maaring siya ay gawing pulutan o ulam.


Simula na ipinanganak na itlog at maging isang sobrang liit na isda sa Sugimo seamount sa isla ng Guam, tumatagal ng 1-5 taon ang paglakbay nito papunta sa baybayin ng Japan. Dito sa dagat ng Japan, sa loob ng 2 taon, makikisalamuha ito at makikikain upang lumaki ng kunti (at tawaging elver). Mula 5- 20 taon, ito ay maglalakbay hanggang sa gitna ng kontinente. Babaktasin nito ang mga sapa, aakyatin ang mga konkretong dike o pilapil,  tatalunin ang mga talon o waterfalls, at sasakupin ang kabundukan.

At himala sa lahat ng himala, pagkatapos na ito ay lumaki at tumaba, at sa kabila ng panibagong sugal sa buhay, ito ay bababa sa kabundukan o kasapaan at uuwi na sa Guam. Duon mangingitlog ito at mamamatay.


Panandalian muna tayong huminto at tukuyin kung ano ang tunay na kahulugan ng tagumpay. Sa kaharian ng mga hayup at isda, ang makapagbigay ng itlog o anak na isyang magpapatuloy ng lahi ang maituturing na tagumpay (evolutionary success sa English). Kinakailangan na maka-anak ang isang isda ng sa gayon ay hindi manganib o malipol ang lahi nito.

Ngayon, kung ang tagumpay o success ay maka-anak upang maipatuloy ang lahi, kung ikaw ang unagi, pipiliin mo pa ba na mangibang lugar. Bakit hindi na lang manatili sa dagat ng Guam, maghanap ng makakain hanggang lumaki at tumaba at manganak ng manganak. Ang tagumpay naman ay nasusukat kung maipatuloy mo ang iyong lahi.

Ang udyok ng pakikipagsapalaran ang higit na nagtulak sa unagi na maglakbay ng libo-libong kilometro mula sa dagat papuntang sapa at pabalik. Mas mahigit ang tawag ng adventura keysa sa tagumpay. Sa tingin ko, ganito din ang tao. Sa buhay ng tao, mas nakakahigit ang tawag ng pakikipagsapalaran keysa sa tagumpay. Ang mga kwento ng ating pakikipagsapalaran ang siyang nagbibigay ng motibasyon, saya, lungkot, pagmamahal, determinasyon at iba pang emosyon ng buhay. Ang buhay ay isang adventura. Ang buhay ay isang paglalakbay.


Muli, isipin na ikaw ay isang isda. Subalit ngayon, ikaw ay isda na ipinaganak sa sapa. Upang masabi na matagumpay, kailangan makapagbigay ka ng anak upang ang iyong lahi ay hindi malipol dito sa mundo. Aalis ka ba sa sapang iyong pinanganakan at magbibiyahe ng libo-libong kilometro papunta sa dagat at muling uuwi pagkatapos? Sa katunayan, ito ang ginagawa ng mga Pacific salmon o sake. Mula sa mga malilit na sapa sa Hokkaido (makikita din ito sa ibang bansa), mananatili itong itlog sa ilalim ng mga malilit na bato at magiging isda sa mga sapa at ilog sa loob ng 1-2 taon. Pagkatapos, ito ay maglalakbay papuntang dagat. Kung ito ay mataba na, muli itong maglalakbay pabalik sa sapa ng kapanganakan. Tatahasin ng salmon ang sari-saring banta sa buhay, mula sa pag-eskapo sa mga malalaking isda, lambat ng mangingisda, o pangil ng uso at iba pang hayop. Tatalunin nito ang mga nagtataasang talon at dike ng dam, upang makabalik sa lugar ng kapanganakan dahil dito lamang siya pwede mangitlog. Pagka-itlog, ito na ay mamamatay. Para sa salmon, ang buhay ay isang pakikipagsapalaran.

Subalit ang higit na mas kahanga-hanga dito ay ang katotohanan na sa salmon, ang lugar ng pakikipagsapalaran ay ang dagat, ang dagat na inalisan ng unagi. Ang sapa at ilog, na hindi lugar ng adventura sa salmon ay siyang lugar ng adventura sa Japanese eel. Ang pangalawang aral ng kwento ng buhay ng unagi at salmon ay ang lugar ng adventure.

Ang pakikipagsapalaran ay makikita sa lahat ng dako. Mapa-sapa, ilog, dagat o lawa, ang bawat lugar ay may nakatagong adbentura na minsan ay hindi nakikita ng iba. Sa taong naghahanap, ang adventura ay makikita kahit saan.

Hindi ko alam sa mga salmon, subalit sa mga Japanese eel, may iba na pinili na makipagsapalaran sa dagat at maging sa gitna lamang ng ilog tabang at dagat. Ayon sa mga mananaliksik sa University of Tokyo o Todai, ang mga Japanese eel na nanitili sa dagat ay tinatawag na “sea eel”. Ang mga nasa bukana ng ilog at dagat naman ay tinatawag na “estuarine eel”.

Ikaw na nandirito sa bansang Japan ay parang salmon o eel na nakipagsapalaran sa labas ng bayang sinilangan. Dala ng hamon na maging matagumpay sa buhay (magarang tahanan at sasakyan, mapaaral ang mga anak o makaipon ng pera), nadala ka ng agos ng buhay dito sa bansang Japan. Tandaan na higit sa tagumpay, ang mga kwento ng pakikipagsapalaran sa buhay ang siyang tunay na nakakapagtibok ng ating buhay. Ang kwento mula sa isang mahirap o maliit na buhay subalit may malaking pangarap ang siyang magbibigay lakas sa atin na sumubok sa laro ng buhay. Pangalawa, tandaan na ang pakikipagsapalaran ay mahahanap kahit saan.


Handa ka na bang muling makipagsapalaran sa buhay?


~0~0~0~0

Mula sa isang munting pangarap na maging daluyan ng mga impormasyon upang dumaloy ang lahing kayumanggi, ang pahayagang Daloy Kayumanggi ay patuloy sa pagbibigay inspirasyon at motibasyon sa mga Global Filipino. Salamat sa iyong mga suking mambarasa, ang Daloy Kayumanggi ay ngayon nasa ika-apat na taon na ng pakikipagsapalaran.  Maligayang ika-tatlong taon anibersayo ng pagkatatag Daloy Kayumanggi!


Anti-Bullying Sentiment (Editorial)

posted Jun 21, 2014, 3:10 AM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jun 21, 2014, 3:56 AM ]



Dito sa Japan, hindi na bago ang mga balita tungkol sa masamang epekto ng bullying. Minsan pa nga, sumusobra ito at nagdudulot ng epekto hindi lamang sa pamumuhay ng taong nabubully kundi sa pakikitungo niya sa kanyang pamilya at sa kanyang kapaligiran.

     

Nitong nakaraan lamang kumalat sa internet ang balita ng pagsusunog ng mga anti-China na protesters sa Vietnam. Nagsimula ang kaguluhan sa pagpapatayo ng Tsina ng oil rig, o isang istruktura na may kagamitan para maghanap ng langis, sa lugar na kasalukuyang pinag-aawayan ng dalawang bansa. Dahil dito, maraming mga pabrikang inaakalang pagmamay-ari ng mga Tsino ang sinugod, sinira at ang iba ay sinunog ng mga galit na galit na Vietnamese. Umaksyon naman agad ang gobyerno ng Tsina sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga barko na susundo sa kanilang mga kababayan para makalikas pansamantala sa labas ng bansa.

     

Sa pangyayaring ito, nakatutok ang buong mundo sa naging aksyon ng Tsina at mga mamamayan ng Vietnam. Kinundina ng ibang bansa ang naging mapangahas na ‘eksplorasyong” ginagawa ng Tsina lalo pa at hindi pa nareresolba ang problema sa teritoryo ng dalawang bansa. Kaugnay ng mga nangyayari sa Vietnam, marahil ay hindi malayong mangyari rin ito sa Pilipinas lalo pa ay may namataang pinatayong istruktura rin ang Tsina sa Mabini Reef, isa sa mga napagkasunduang lugar noong 2002 na hindi muna gagalawin ng mga bansa sa ASEAN at Tsina.

     

Kung magpapatuloy ang ginagawang ‘eksplorasyon’ at pagsira ng Tsina sa lahat ng mga nilagdaan nilang kasunduan sa mga bansang mayroon silang teritoryal na di pagkakaunawaan, hindi malayong masundan ang anti-China sentiment sa Vietnam ng parehong protesta sa Pilipinas. Lalo na kung ang protestang ito ang tanging paraan para maiparating ng Vietnam ang kanilang pagtutol sa tahasang pambu-bully sa kanila ng Tsina. Kung kaya, marahil ang nararamdaman ng mga Vietnam ay maaaring hindi naman talaga dulot ng anti-Chinese na sentimyento pero dahil sa kawalan ng respeto ng Tsina sa pagiging malayang bansa ng Vietnam.

   

Kung titignan sa punto de bista ng bully at binubully, ang ginagawa ng Tsina ay pambubully sa mga maliliit at mga bansang hindi nila kapantay ng lakas ng hukbong pang-dagat. At sa panig ng Vietnam, lumalabas na ipinagtatanggol lamang nila ang kanilang mga sarili sa pambubully dahil kahit ang mga binubully ay may sariling kalayaan at pagkatao na kailangang kilalanin at respetuhin.

    

Marahil, kapag ito ang pinairal na polisiya at pag-iisip ng gobyerno ng Tsina, hindi ang pagpapadala ng mga barko para itakas ang mga Tsino na nasa Vietnam ang kanilang ginagawa kundi ang iurong ang anumang eksplorasyon na sinimulan na nila sa karagatang inaangkin rin ng Vietnam. At kung ayaw nilang lumaki ang gulong ito at kumalat pa sa ibang lugar tulad ng Pilipinas, marahil dapat rin nilang ikonsidera na itigil na ang paglabag sa mga kasunduang nilagdaan at napagkasunduan na.

Tweet: ang ginagawa ng Tsina ay pambubully sa mga maliliit at mga bansang hindi nila kapantay ng lakas ng hukbong pang-dagat. http://ctt.ec/oS1n1+

Todai Festival: Ika- 87 na Gogatsusai

posted Jun 21, 2014, 3:09 AM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jun 21, 2014, 3:59 AM ]





Tokyo Boy
ni: Mario Rico Florendo


Katulad ng mga masasayang school festival na makikita sa lahat ng eskwelahan dito sa Japan, ang ika-87 na Tokyo University May Festival (東京大学五月祭) ay makulay, maingay at enjoy! Kahit noong hindi pa ako estudyante ng Todai (bansag sa Tokyo University), bumibisita at tumutulong talaga ako sa booth ng mga Pinoy Students na nagbebenta ng iba ibang pagkain at inumin tulad ng empanada, buko pie at coconut juice.

    

Tulad ng mga nakaraang taon, punumpuno ang buong Hongo at Yayoi Campus ng unibersidad ng mga stalls na nagbebenta ng pagkain, inumin at iba ibang klase ng entertainment. Patok rin sa mga manonood ang iba’t ibang performances ng sayaw, kanta at tugtugan gamit ang kakaibang instrumento. Hindi alintana ang mainit na panahon, masayang nagbebenta ng kanilang mga paninda ang mga miyembro ng circle o club para makalikom ng pera para sa kanilang organisasyon. Ang iba naman ay tinitiis ang init ng araw para lamang maipakita ang kanilang mga talento at pinaghirapang performance para sa lahat.


Himawari Project

Ako naman ay may ibang gawain. Mula ng maging estudyante ako ng Todai, ipinangako ko sa sarili na mas lalo akong dapat makibahagi sa kahit anumang gawain na kaya kong gawin. Kaya ngayong taon, pinili kong sumali at tumulong sa Himawari Project na sinimulan ng mga estudyante sa laboratoryo ng isa sa mga propesor ko sa unibersidad na si Prop. Tanaka Akihiko. Ang proyekto ay nilalayong tumulong sa sikolohikal na recovery ng mga biktima ng malakas na lindol at tsunami noong ika-11 ng Marso sa Tohoku region.

    

Ang isang cycle ng proyekto ay nagsisimula sa pagbibigay ng mga buto ng mga sunflower sa mga ordinaryong mamamayan ng Tokyo. Ang mga nakatanggap ng buto ng sunflower ay dapat itanim ito ng dalawa hanggang tatlong linggo at pagkatapos, kailangan itong ibalik sa mga designated na lugar sa Todai para makolekta kasama ng iba pang sunflower na tinanim ng iba. Kapag napagsama na ito, sabay sabay itong ipapadala sa bayan ng Nittori sa rehiyon ng Tohoku kung saan itatanim ito kasama ng mahigit 200 residente ng lugar.

    

Hindi man pisikal na rekonstruksyon o perang donasyon ang binabahagi ng proyekto, sa pamamagitan ng sigla at ganda ng mga sunflower, nilalayon nitong ibalik ang mga ngiti at saya ng bawat apektadong indibidwal ng Nattori-shi sa Tohoku.

    

Sa kabuuan, ang May Festival ng Tokyo University ay nagiging lunsaran hindi lamang para makamit isang mithiin ng isang grupo kundi nagiging lugar rin ito para magtutulung-tulong ang lahat para sa ikatatagumpay ng isang proyekto. Sana sa susunod na taon, sa buwan ng Mayo, makadalaw rin kayo mga ka-Daloy!


Tweet: Todai Festival: Ika- 87 na Gogatsusai #DaloyKayumanggi http://ctt.ec/afOy4+

Thai High

posted Jun 21, 2014, 3:08 AM by Daloy Kayumanggi   [ updated Jun 21, 2014, 3:08 AM ]






Slice of Mango, Slice of Life

by: Aries Lucea


Thailand would always be special for me. It’s the first foreign country I have visited and instantly fell in love with. “Amazing Thailand," is one of the most successful tourism campaigns which made this Southeast Asian country a top tourist destination around the globe. And for a good reason, it’s really quite amazing and easy to navigate even for a neophyte traveler like myself.

                         

It was year 2000 when I first explored the capital city of Bangkok, and already by that time, tourism infrastructure was already well in place and should I add, far better than what we have back home in the Philippines. The energy of this place known as the “city of gold” is  fascinating. The sights are almost always grand namely; the huge lying Buddha at Wat Po, another Buddha made of pure gold, the majestic Grand Palace and even cruising along the murky waters of the Chao Phraya is a nice experience. Our hotel located in the middle of a street market make it all the more exciting. This being my first travel abroad I have a “pasalubong” shopping list so long, Custom officials would mistook me for a “byahera”, which was the fad at that time, with Pinoys looking to capitalize on cheap Bangkok merchandise such as RTW and jewelries. Our stay was brief, but nonetheless a memorable one. I remembered being all excited when I saw an elephant walking on the city street, just few hours before we departed for the airport. I promised myself to come back to this magical place.

    

Fast forward: more than a decade later. For fellow “balikbayans”, I am sure we all have one of those Pinas vacations, wherein our schedule is too hectic for comfort. Welcome party, dinner with college friends, lunch with high school friends, merienda with kindergarten playmates, mag ninong sa binyag, aatend ng kasal at kung ano ano pa, tinalo pa natin ang itinerary ng Presidential visit sa sobrang dami ng ating dapat gawin, sa maikli nating pananatili sa Pilipinas.


Kaya naman sometimes we need a break away from our event-filled Philippine vacation. Kung kaya naman pinili naming mag-asawa ang bumisita sa Thailand, para makapagpahinga and to take a breather from our very busy Manila homecoming. Masaya din ang aking mga magulang at mga kapatid na kami ay lumiban ng ilan araw at iwan sa kanilang pangangalaga ang aking mga anak. Malaya nilang ma-spoil ang aking mga anak na minsan lang nilang makapiling. Being away from our families in Osaka, we welcome this opportunity of having trustworthy    family members take care of our two children, while we as a couple get to spend some quality time just by ourselves and enjoy the sights and sounds of Thailand.

    

So we head to the beautiful land, me for the second time and my wife, her first. I want to make sure Thai got on her good graces right on our first day. I booked a hotel right in the middle of a Bangkok shopping street mecca. As a result, Bangkok was a love at first sight for her too. But it was the flavor and the succulent Thai dishes that eventually made the trip memorable for her. She must have eaten way too much papaya salad.

      

For this trip we also made it out of Bangkok to see the ruins of Ayutthaya, the old capital. This vast area is a UNESCO World Heritage Site and it is definitely worth the visit, despite the heat and humidity.

    

Para sa mga budget conscious travelers na tulad ko. Malayo ang mararating ng ating hard earned money. With right planning, Thailand could be a very cheap destination that has way too much to offer even on a tight budget. Malaki din ang matitipid kung pipiliin mong sumakay sa mga low cost carrier mula Maynila na lumilipad daily patungong Thailand.

    

I will always love Thailand, that’s why it saddens me that the country’s political turmoil for quite some time now takes center stage and shows no sign of getting resolved anytime soon. I pray that this charming Asian Kingdom gets right on track and still be amazing more than a decade, when world travelers took notice of its awesomeness.

   

*Note that some photos on this article were printed with permission from a good friend, Philip Rodriguez, who shared the same passion for life and travel. Please check his amazing photo blog at http://shimostar.blogspot.jp/.

GAYUMA

posted Jun 6, 2014, 11:33 PM by Daloy Kayumanggi   [ updated May 23, 2015, 2:35 AM ]

Url Redirector Modified


by: Emosians

“Lumay” ang salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay gayuma. Ito ay pangkaraniwang salita na naririnig ko sa mga nakakatanda sa aming baryo. Dekada na ang itinagal ng usap-usapan o chismis na maaari daw ‘na-lumay’ (na gayuma) ng Aling Fely ang aking tiyuhin kaya siya nito pinakasalan sa kabila ng katandaan, pagiging biyuda nito at pagkakaroon ng 5 anak na babae. Gwapo, matalino at binata ang aking tiyuhin kaya halos nagpupuyos sa galit ang aking lola at halos di matanggap sa aming pamilya noon si Aling Fely. Nagkaroon ng kambal na anak na babae ang aking tiyuhin at masaya naman silang nagsama hanggang mamatay ang aking tiyuhin sa pagkakabaril. Kaya halos di pa rin matapos hanggang sa ngayon ang isyu kay Aling Fely bukod sa marunong daw ito manggayuma ay mayroon daw itong sumpa sa kanyang mga nunal sa pisngi na dinadaluyan ng luha kaya ang kapalaran ng dalawang napangasawa nito ay kamatayan.


Sa pag-usbong ng renaissance sa Europa, umusbong rin ang mga uri ng gayuma tulad ng paggamit ng manika, anting-anting, orasyon, pabango o ano-ano pang uri. Kung kaya, halos lahat ng mga orasyon ay nasa salitang Europa, nangunguna na rito ang mga salitang Latin dahil mas mabisa daw ito kaysa sa anumang lengguwahe.

Ang taong walang karunungan sa paggamit ng gayuma ay magdadala lamang ng kapahamakan sa kanya o sa taong sinisinta. Kinakailangan na ang taong nagsasagawa ng gayuma ay may magandang intensyon. Tulad na lamang ang lalaki ay nangangaliwa at gusto nitong matigil ang pambababae kaya magandang rekomendasyon ang gayuma.


ituloy ang pagbabasa dito  
Tweet: laruin ang likod na parte ng kanyang buhok sa may bandang batok.  Gayuma http://ctt.ec/CXahb+

1-10 of 69