4 Apps Para sa Mga Global Filipino sa Japan

Kamusta mga giliw na mambarasa ng Daloy Kayumanggi? Ngayon ay ikalawang taon na ng Daloy Kayumanggi. Salamat sa inyong palaging pagbasa at pagsuporta sa Daloy Kayumanggi!

Nagbabalik ang iyong lingkod upang bigyang pansin ang palagi kong naririnig na mga hinaing at katanungan ng ating mga kababayan dito sa Japan. Simula ngayon, magbabalik ang Daluyan sa bagong titulo na “Dear Kuya Erwin”. Sa araw-araw na pakikihalubilo ko sa mga kababayan natin sa Japan, sa telepono, sa mga events, o kaya sa mga train station, tindahan at iba pa, may mga paksa na palaging nababangit. Dito sa pinabago at nagbabalik na kolumn, magbibigay ako ng sariling pananaw sa mga paksang ito, at magbibigay ng mga tips, giya, kasagutan at iba.

Kayong mga mambarasa ay maari ding magpadala ng inyong mga katanungan na nais ng kasagutan, o kaya obserbasyon o kaya sariling opinyon sa mga bagay bagay na nakikita ninyo dito sa Japan. Maari ding magpadala ng iyong mga kumento sa kolumn na ito.

Marami-rami sa mga nakakausap ko sa telepono ay baguhan sa pag-gamit ng smartphone. May mangilan-ngilan na hindi ginagamit ang ibang kakayahan ng kani-kanilang mga smartphone maliban sa pag-tawag. May iba pa nga na hindi pa alam kung papaano mag-text o kaya hindi alam na pwede mag text sa ibang network – oo pwede na mag SMS sa ibang network kahit phone number lang ang alam mo.

At para sa unang labas ng kolumn na ito, narito ang mga survival apps para sa mga Global Filipino sa Japan.

Top 4 Apps Para sa Mga Global Filipino sa Japan

by: Erwin Brunio

1. Schedule ng Train: Norikai Annai (by Jorudan Co., Ltd)

Dito sa Japan, isa sa pinakamahalagang ugali ay ang dumating sa takdang oras ng tama, hindi late, at hindi rin dapat napakaaga. Alam na natin kung bakit bawal ma-late dito sa Japan, subalit alam nyo rin ba na ayaw din ng mga hapon na maaga ang iyong dating? Bago at matapos ang nakatakdang oras ng inyong pagkikita, ang iyong ikakatagpo na tao ay may ginagawa rin ibang bagay. Kung masyadong maaga naman ang iyong dating, masisira pa rin ang naka-schedule na trabaho ng iyong kausap.

Kung kaya’t swak na swak itong apps na Norikai Annai para malaman ang schedule ng train. Isulat lang ang pangalan ng station na sasakyan at pupuntahan at pwesto may mga suhestyon kung anong ruta ang maaring tahakin. Maaring pumili ng ruta na pinakamura, pinakamabilis, o kaya pinaka madali at simpleng sundin. Maari din piliin kung ang oras na gustong i-schedule ay oras ng pag-alis, o kaya oras na nais makarating sa destinasyon. Ang Norikai Annai ay napaka-inam gamitin sa pag schedule kung kelan sasakay at anong ruta ang tatahakin bago ang naitakdang oras ng pagdating.

Ang isang isyu lang sa apps na ito ay kailangang may idea ng katakana o kanji para ma-enter ang tamang train station. Subalit maari namang pumunta sa iyong internet browser at itype ang www.jorudan.co/jp/english/norikae para sa web version na naka English.

2. Lagay ng Panahon: Weather apps

Nagtambak na ba ang iyong mga hyakuen na payong sa bahay? Marahil ay ito ay dahil palagi mong nakakaligtaan na i-check ang weather at hindi nakapaghanda sa pabigla-biglang pag-ulan. Kung kaya ugaliin na palaging i-check ang iyong weather apps bago umalis ng bahay. 0o, ako rin marami ring aying na nakatambak dahil nakakalimutan din i-check ang apps ko.

Maraming weather apps na pwedeng pagpilian mula sa The Weather Channel, Weather Bug, Yahoo! Weather at iba pa. Kung iphone user ka, yung weather apps na kasama na sa iphone ay sapat na.

Sa iphone weather apps maari ding malaman ang weather sa ibang lugar, maliban sa iyong lokasyon. Halimbawa ay nais mong malaman ang lagay ng panahon ng lugar na iyong pupuntahan. Pindutin ang info na icon (i) sa may pinakadulo sa kanang bahagi at pindutin ang plus sign icon (+) sa itaas sa kaliwang bahagi. I-type ang nais idagdag na lugar at pindotin ang “done” na button. Kung nais i-check ang weather sa bawat lugar, i-scroll lang ang iyong iphone pa-kaliwa o pa-kanan.

3. Komunikasyon sa Pamilya at Kaibigan: Viber

Syiempre, hind mawawala ang mga libreng apps para pantawag o pang-text para sa ating mga Filipino. Napakahalaga nito lalo na at nais nating maging mas malapit sa ating mga kaibigan, kaanak at kapamilya saang panig man sila sa mundo. Ang Viber ang isa sa pinaka sikat na apps para makatawag, maka-text at makapadala ng mga larawan. Napakadali lang nitong gamitin, subalit ang isa ka pinagkakatahan ko ay kung bakit ang ibang mga Pilipino dito sa Japan ay walang Viber na account.

4. Komunikasyon sa Hapon: Google Translate

Ang galing talaga ng teknolohiya! Ngayon kahit di ka gaano marunong mag Japanese, mas nagiging madali ang komunikasyon sa mga Hapon lalo na at kung ito ay hindi marunong mag-English. Halimbawa, nais mong bumili at hindi kayo nagkakaintindihan, madali lang iyan. Ilabas ang iyong smartphone at mag-Google Translate.

I-type ang gusto mong sabihin at pwesto i-tra-translate na ito sa wikang gusto mo. Hindi mabasa ang translation? Simple, ipakita lang ito sa kausap na tao at kahit maaring ang translation ay hindi perpekto, maiintindihan ng kausap mo ang nais mong sabihin. At para makapag reply sa iyo ang iyong kausap, ipa-type lang ang kanyang nais sabihin mula sa Japanese papuntang English at maiintindihan mo ang sagot. Ganito ang nangyari sa misis ko ng sinundan siya ng isang tao mula school hanggang sa tindahan. Nuong ini-report niya ito sa police, na-interview siya at nakuha ang detalye ng nangyari gamit ang Google Translate (at nalaman na may problema sa pag-iisip pala ang tao na sunod ng sunod sa kanya).

#################

Ikaw, ano o ano-anong mga apps ang iyong ginagamit upang mas maging maginhawa ang iyong pamumuhay dito sa Japan? Ibahagi ang iyong kaalaman sa lahat ng mambarasa ng Daloy Kayumanggi sa pamamagitan sa pagpadala ng iyong mga idea o suhestyon sa erwin@daloykayumanggi.com. Maari ding itong i-text sa 090-6025-6962.

Are you ready to look your very best?

Free Report:

10 Secret Tips For Beautiful Skin