Ginintuang Aral Mula Kay Chinkee Tan
Buhay Gaijin
ni: Pido Tatlonghari
Noong nakaraang March 22, 2014, sa loob ng isang kuwarto sa isang gusali sa Shibuya, humigit kumulang na isang daang Pinoy ang sama-samang nakinig kay Mr. Chinkee Tan, isang kilalang wealth and life coach, at personal finance guru sa Pilipinas. Ang mabigyan ng pagkakataong makasama si Mr. Chink Positive ng ilang oras upang sumaya at matututo ay tunay namang isang malaking oportunidad. Maraming salamat sa Alveo, isang kumpanya ng Ayala Land sa pagtitiwala sa Buhay Gaijin upang mabuo ang seminar na ito upang makapagbigay ng pagkakataon para sa mga Pilipinong nagnanais na matuto ng mga pangunahing prinsipyo sa personal finance at investment. Maraming salamat din sa aking Daloy Kayumanggi family sa pagpo-promote nitong event at gayundin sa Western Union bilang isa sa mga hayagang sumuporta sa event na ito.
Bakit nga ba sinikap nating buuin ang seminar na ito? Hindi lingid sa atin na marami sa ating mga OFW ang kulang ang kakayahan upang mahawakan nang lubos ang ating pansariling yaman at kakayahang kumita. Marami sa atin ang nabigyan ng pagkakataong kumikita ng malaki. Ngunit dahil hindi sapat ang ating kaalaman, marami ang umuuwing halos walang naipon. Minsan pa nga, ang iba ay nabibiktima ng ibat-ibang scams o kaya naman ay nagkakaroon ng napakalaking utang dahil walang ginawang paghahanda o pagpaplano sa perang kinikita sa pagtatrabaho. Hindi dapat ganito ang kuwento ng buhay nating mga OFW kundi isang kwento ng pagsusumikap, pananalig at tagumpay. Kung kaya’t, sa tulong ng iba pa na pareho ang nais, sinikap ng Buhay Gaijin na mabuo ang event na ito. At sa hinaharap, sisikapin din natin na patuloy na makapag-organisa ng iba pang mga learning events na makakatulong sa ating mga OFW dito sa Japan.
Sa aking pag-oorganisa nitong nasabing pagtitipon, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang ilan sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng tawag, e-mail o text. Halos ang lahat ay tuwang-tuwa na malaman na may ganitong pagtitipong binubuo. May ilan na kahit malayo ay nagsabing pipiliting makapunta. Sa loob lamang ng dalawang lingo, halos 50 katao kaagad ang nagparehistro. Nakakatuwang isipin na marami sa atin ang gustong matuto, may gustong gawin, kahit na maliit na hakbang lamang upang masimulan ang tamang paghawak sa biyayang ibinigay sa ating makapagtrabaho at kumita sa labas ng Pilipinas.
Ano nga ba ang buod ng nasabing seminar ni Mr. Chinkee Tan? Isang bahagi nito ay umikot sa tinatawag na “Quadrant of Money Making” na hango mula sa isinulat ni Robert Kiyosaki, ang awtor ng Rich Dad Poor Dad na libro. Ayon sa conceptual tool na ito, mayroong apat na paraan upang ang isang tao ay ma-maximize ang kakayahang kumita. Nahahati sa gitna ng dalawang magkakrus na linya, ang apat na quadrant na ito ay ang sumusunod:
E: Employee
S: Self-employed or Small business owner
I: Investor
Ang apat na ito ay ipinaliwanag ni Chinkee sa pamamagitan ng pagkukuwento sa kung ano ang pinagdaan ng kanyang personal accountant. Nagsimula sa quadrant E, ang kanyang accountant ay nagtrabaho para sa isang malaking accounting firm sa Pilipinas. Dahil sa suwelduhan, kahit anong sikap nito, ang kanyang kita ay base sa kung ano ang kanyang buwanang sahod.
Napansin ng kanyang accountant na mas maaari siyang kumita ng mas malaki kung siya ay magso-solo o magtatayo ng kanyang sariling negosyo. Mas makakakuha siya ng mas maraming kliyente dahil hawak na niya ang kanyang oras. Higit sa lahat, ang kita ay sa kanya na napupunta at hindi lamang kung ano ang kanyang buwanang sweldo. Ito ngayon ay ang tinatawag na quadrant S. Siyempre, may kaakibat na risk ito dahil ang lahat ngayon ay nakabase sa nasabing accountant. Ngunit, pagdating sa pagbabayad ng buwis, may dagdag na benepisyo ang quadrant na ito dahil nilalapatan lamang ng buwis ang matitira sa neto ng kita at gastos ng kanyang sariling negosyo.
Dahil may hangganan ang oras niya sa bawat araw, may hangganan din ang kanyang kakayahang kumita. At sa pagdami ng kanyang kliyente, kinailangan niya nang tumanggap ng sarili niyang empleyado. Pumapasok na ito ngayon sa quadrant B, ang pagkakaroon ng sariling negosyo. May mga tao na ngayon ang nagtatrabaho para sa kanya, hindi lamang nadodoble kundi higit na napapalaki nito ang kakayahang kumita ng nasabing accountant dahil hindi na lamang nakasalalay sa kanyang sariling oras at kakayahan ang pagkita. At kahit na hindi siya direktang gumawa ng libro ng mga kliyente, magbakasyon man siya ng ilang buwan, kikita at kikita ang negosyo dahil may mga taong nagtatrabaho para sa kanya.
Subalit sa lahat ng mga naunang quadrant, ang lahat ng kita ay nakasalalay sa kakayahan ng accountant upang kumita. Ang pang-apat ay ang tinatawag na quadrant I kung saan, hindi ang oras o kakayahan ang ginagamit natin upang kumita ng pera kundi ang pera natin mismo ang magtatrabaho para sa atin upang kumita tayo. Paano ito? Malaking bahagi ng yaman ng mayayaman ay dahil dito. Inilalagay nila ang kanilang pera sa mga financial instruments, gaya ng bonds at mutual funds, real estate, at stocks upang kumita ng pera. At dahil mas malaki ang pagkakataong kumita ng mas malaki dito, mas malaki din ang kalakip na risk nito. Kung kaya’t kailangan ding pag-aralan ng mabuti ang pagsabak sa quadrant I.
Ayon kay Chinkee, ang kailangan nating pagsikapan ay ang palaguin ang ating kita mula sa quadrant E hanggang sa umabot sa mas higit na mas malaki ang kinikita natin sa quadrant I. Kakayanin ito sa pamamagitan ng pinaghalong sikap at disiplina sa paghawak ng ating kita. Ito ang quadrant na kailangan nating pagsikapang maabot dahil ito ang magbibigay sa atin ng kakayahang kumita ng malaki at magpapalaya sa oras natin para sa iba pang mga bagay na mas importante sa buhay.
Para sa akin, maliban sa apat na quadrant na nabanggit, ang mga sumunod na leksyon ang tunay naman na tumatak sa aking isipan:
“Success is not an option, it is a decision”
Ayon kay Chinkee, wala naman siguro sa atin ang nangangarap maging mahirap. Subalit, marami din naman sa atin ang gustong yumaman pero hanggang sa isip lamang ito. Ayon sa kanya, nagsisimula ang lahat sa pagbabago ng ating mindset. May mga pag-uugali tayo sa paghawak ng pera na kailangang mabago. Gusto nating yumaman, pero kadalasan ang pinag-iisipan natin nang husto ay kung anong bagong gadget na kailangang bilhin, bakasyong kailangang gawin o party na kailangang isagawa. Kung gusto nating yumaman, kailangan nating ilaan ang ating enerhiya sa pag-aaral kung paano ito gagawin, sa pagbabago ng ating pagtingin sa pera, at higit sa lahat, sa pagsasagawa ng mga hakbang tungo dito.
“Before I can spend, I need to save.”
Noong narinig ko ito, nasabi ko sa sarili ko na “it made perfect sense!’ Kadalasan, ang desisyon natin sa paggastos ay nakakonekta sa ating kita at hindi sa kung ano na ang ating naitabi. Kung susundin natin ang payo na ito ni Chinkee, malamang marami sa atin ang magdadalawang isip sa pagbili ng kung anu-ano. Kalimitan ay wala tayong naitabi, utang ang ginagamit natin sa pagbili ng mga bagay-bagay, gamit ang ating credit card. Kung kaya’t imbes na makaipon, nagastos na natin ang ating susunod na sweldo bago pa man dumating ito. At ayon din sa kanya, kailangan nating unahin ang pagtatabi o pagbabayad sa ating sarili, bago ang paggasta ng pera. Kung ano ang matitira matapos ibawas ang iyong savings, iyon lamang ang dapat gastusin.
“Big mindset plus big action leads to big result.”
Hindi tayo maaaring umaasa na magkakaroon nga malaking pagbabago sa ating buhay pinansyal kung wala naman tayong ginagawang malaking pagbabago sa ating mga kinasanayang gawin. Nagbigay sya ng halimbawa kung saan kahit malaki na ang kanyang kinikita, hindi nya hinayaang mabago nito ang kanyang lifestyle. Halimbawa, minsan-minsan ay kumakain pa din sila ng pamilya niya sa fastfood na kung tutuusin ay kayang-kaya nilang magbayad sa isang mamahaling restawran. Ang punto dito ni Chinkee, kung nais nating may mabago sa atin, kailangang sabayan natin ito ng kaukulang aksyon at pag-iisip.
Ang lahat ng mga naibahagi ni Chinkee ay praktikal at tunay namang nakakatulong para sa gaya nating mga nagtatrabaho at naninirahan dito sa Japan. Kung kaya’t minarapat kung tanungin ang ilan sa mga dumalo sa nasabing event tungkol sa kanilang mga natutunan at mga hakbang na gusto nilang gawin ukol dito.
Ayon kay Miko Nacino, isang masteral degree student sa University of Tokyo, ilan sa kanyang mga natutunan ay ang importansya ng pag-diversify ng pinagkukuhanan ng kita at ang pag-invest lamang ng isang tao sa isang financial instrument na kabisado niya o may sapat siyang kaalaman. At para sa kanyang susunod na hakbang, nagsasagawa siya ng listahan ng mga gastusin na puwedeng bawasan o iwasan at pag-aaralan ang mga financial instrument na maaari nyang pasukin.
Ayon naman kay Gina Matsuzaki, nagtatrabaho bilang isang assistant language teacher, maybahay at kasal ng 22 taon sa isang hapon, nabiyayaan ng tatlong magagandang anak na babae, nagsilbing isang eye-opener ang seminar ni Chinkee. Nagkaroon siya ng pagkakataong malaman ang ibat-ibang paraan ng paghawak sa ating personal finances. At maliban sa tradisyonal at nakasanayang paglalagay ng pera sa bangko, nabigyan din siya ng inspirasyon upang gumawa ng negosyo sa mga bagay na ang isang tao ay passionate at pagi-invest sa real estate. Higit sa lahat, tumatak din sa kanya ang importansya ng pagbabahagi sa iba ng kung ano mang biyayang iyong matatanggap.
Para kay Gringo Bangayan, nagtatrabaho bilang engineer at kasalukuyang naninirahan sa Kanagawa kasama ang kanyang magandang maybahay at isang anak, nakaka-relate siya sa pinagdaan ni Chinkee. At naniniwala siya na tama at tunay namang epektibo ang mga ibinahagi ni Chinkee sa tamang paghawak ng pera. At para sa kanya, ang pinakamahalagang natutunan niya ay ang layunin ng pagkita ng pera, na ito ay dapat upang mapadali ang ating buhay hindi upang gawin itong mas kumplikado. At kung alam natin ito, mas magiging madali ang pagtahak sa tamang direksyon ukol sa personal finance at pagbahagi ng kaalamang ito sa iba.
At ayon kay Jason Conde, isang web designer at professional photographer/director dito sa Japan, natutunan niya ang pagiging positibo at ang tamang pag-manage ng kanyang kita. Marami sa kanyang narinig ay kanya nang ginagawa. Malaking tulong ang mga naibigay na halimbawa ni Chinkee sa kung papaano niya maisasagawa ang mga bagay na kanyang itunuro sa kanyang buhay. At sa ngayon, nais ni Jason na mas palakihin ang kanyang negosyo dito sa Japan, i-apply ang kanyang natutunan sa apat na paraan ng paggawa ng kita, upang lalo pa niyang mapayabong at maalagaan ito.
Tandaan, ang lahat ay nagsisimula sa ating desisyong baguhin ang ating pinansyal na kundisyon. Kaya natin ito kung sasamahan natin ng sikap, tiyaga, disiplina at higit sa lahat, dasal at pananalig sa Diyos upang gabayan ang ating mga hakbang.
Hanggang sa muli!
(Ang larawan ay kontribusyon ng Daloy Kayumanggi at ni Pido Tatlonghari)