Lipad Nihon
Lipad Nihon
ni: Herlyn Alegre
May kalahating taon na pala akong nakatira sa Tokorozawa, Saitama pero parang wala pa akong gaanong alam sa lugar na ito. Nakakain ng araw-araw na byahe ko papuntang Tokyo ang oras ko at hindi ko nabibigyan ng panahon ang pag-iikot sa sarili kong komunidad. Minsan, may mga bagay tayo na tine-take for granted dahil alam natin na nandiyan lang sila palagi at madali lang natin sila maabot kung gusto natin. Ganon ang pakiramdam ko sa Tokorozawa, pero ang hindi ko alam, mas interesting pala ito sa inaakala ko.
Sa Tokorozawa pala unang nagsimula ang mga Hapon sa pagdevelop ng teknolohiya nila sa paggawa ng mga eroplano at iba pang sasakyang panghimpapawid. May halos 103 taon na rin mula noong April 1, 1911, noong unang itinayo ang Provisional Military Balloon Research Institute (PMBRI) Tokorozawa Flight Test Center, ang kauna-unahang airfield sa Japan. Taong 1903 noong unang makapagpalipad ng eroplano ang Amerikanong magkapatid na Orville at Wilbur Wright at hindi nagtagal ay kumalat na rin ang teknolohiyang ito sa ibang bahagi ng mundo tulad ng Europa at Asya. Siyempre, hindi nagpahuli ang Japan dito.
Noong 1993, opisyal na binuksan ang Tokorozawa Aviation Museum, walong minutong lakad ang layo nito mula sa Koku-Koen station sa Seibu Shinjuku Line, may 30 minutong layo mula sa Shinjuku kung naka-express train. Ang dating airfield ay ginawa na nila ngayong Tokorozowa Aviation Park. Nasa museum na ito ang kwento kung paano lumipad ang Japan in a literal and figurative sense. Ipinapakita ng museum na ito ang mahabang kasaysayan ng aviation sa Japan at kung paano sinubukang pagbutihin ng mga Hapon ang teknolohiyang ito sa paglipas ng maraming taon kasama na ang pagbangon nila matapos ang matinding pagkatalo sa World War II.
Maliit lamang ang museum na may dalawang palapag pero sulit na rin ang Y500 yen na entrance fee sa pagiikot dito (Y800 kung kasama ang panunuod sa kanilang large scale movie theater). Sa lobby pa lang makikita nang naka-display ang replika ng Kaishiki Biplane No. 1, ang kauna-unahang eroplano na gawa sa Japan. Una itong pinalipad ni Captain Tokugawa Yoshitoshi noong 1911. Ito ang naging unang matugampay na pagpapalipad sa isang airfield sa Japan.
Pagpasok ng museum, makikita na agad ang iba’t-ibang mga lumang eroplano na naka-display. Ilan dito ay: ang dilaw na North American T-6G na unang dinala sa Japan noong 1955 at ginamit sa pilot training at search and rescue operations ng Japanese Self Defense Forces; ang KAL-2, ang kauna-unahang eroplanong gawang hapon makalipas ang World War II at una itong lumipad noong 1954; at ang Vertol V-44 na unang lumipad noong 1952 at karaniwang gamit noon sa air rescue dahil sa laki nito. Ginamit din itong pansagip noong noong 1959 nang masalanta ang silangang bahagi ng Japan ng bagyong Isewan. Ang ilan sa mga display dito na eroplano ay maaaring sakyan para makapagpa-picture. Sa isa dito, maaari pang umupo sa upuan ng piloto at makita ang cockpit ng malapitan.
Bukod sa mga display, marami pang ibang maaaring mapuntahan at makita sa loob ng museum tulad ng:
Laboratory. Gamit ang mga illustrations at video, ipinaliliwanag dito kung paano nakakalipad ang mga eroplano.
History of Tokorozawa. Dito kinukwento ang kasaysayan ng Tokorozawa Airfield at ipinakikilala ang mga taong naging habagi ng pagdevelop ng aviation sa Japan. Mayroon din ditong display ng mga lumang gamit tulad ng mga flying suits, helmet at gloves.
Hangar. Ipinakikita rito ang kasaysayan ng aviation at space development sa Japan. Mayroon ding isang bahagi na nagbibigay impormasyon tungkol sa Wright Brothers, ang unang nagtagumpay na makapagpalipad ng eroplano.
Control Tower. Maaari ditong subukan magpalipad ng eroplano gamit ang mga simulation devices.
Bukod dito mayroon ding mga workshop tatlong beses isang araw (11:30am, 1:30pm at 2:30pm) kung saan tuturuan kayong gumawa ng iba’t-ibang handicrafts na may kaugnayan sa mga eroplano. Madadali lang ang mga crafts at hindi mahirap sunduan. Parang classroom ang setting ng workshop at maaaring mag-accommodate ng 18 tao sa isang klase. Maaring ring subukan ang Space Walker. Habang sakay nito maaari mo nang maramdaman kung paano maglakad sa buwan! May tatlong iba’t-ibang course na maaaring pagpilian. Sa Course A (Fly Sky High), mararanasan mo kung ano ang pakiramdam ng lumilipad; sa Course B (Moon Walk), maaari mong masubukan kung gaano kagaan ang gravity sa buwan; at sa Course C (To Various Planets), maaari mong masubukan kung gaano naman kabigat ang gravity sa ibang mga planet. Isa sa mga bagong atraksyon sa museum ay ang Flight Stimulator kung saan maaaring mong masubukan kung paano magpalipad at magpa-landing ng eroplano. Pati ang upuan mo ay gumagalaw kung liliko pakanan at pakaliwa kaya parang totoo ang simulation na ito. Mayroon ding manibela at levers na kailangan i-control para mapataas at mapababa ang eroplano. Sa Sky Hope naman, mararanasan mong magpalipad ng helicopter gamit ang isa pang uri ng flight simulation na may joystick para ma-control ang paglipad.
Sa labas ng museum mayroon ding souvenir shop na nagbebenta ng mga t-shirt, cookies, iba’t-ibang klaseng model airplanes, keychains, post cards, mugs, at iba pang mga souvenir.
Mahilig ka man sa eroplano o hindi, sulit puntahan ang museum na ito dahil maraming atraksyon na maaaring subukan dito pambata man o pangmatanda. Magpalipad man ng eroplano o maglakad sa buwan, magpa-landing man ng helicopter o gumawa ng iba’t-ibang craft, subukan man ang gravity sa ibang planeta o simpleng magpa-picture, ililipad ka ng Tokorozawa Aviation Museum sa isang bagong antas ng pagtuklas. Isang experience na hindi dapat i-take for granted.