International Lover
International lover
by: Erwin Brunio
Dalawang milyon otsenta-y-tres na libo dalawang daan dalawamput tatlo. Iyan ang tinatayang mga Filipino na nasa ibang bansa nuong 2012. Ito ay ayun sa pinakabagong datos ng Kagawaran ng Paggawa at Empleyo (DOLE). Hindi pa kasama diyan ang mga hindi dokumentado na mga Filipino na nagtratrabaho sa ibang bansa.
Sa mahigit 2 milyon na mga Global Filipino, isa sa pinakapangunahing problema ay kung papaano mapanatili ang relasyon sa pamilya, lalo na sa asawa o karelasyon. Lalo na ngayong araw ng mga puso, mas higit na mararandaman ang pagka-uhaw sa minamahal.
Ako mismo ay isa ding pamilyadong tao, may isang anak at syiempre, nag-iisang asawa. Ang challenge ko, kagaya ng karamihan sa atin na may pamilya, ay kung papaano mapanatili at mas mapabuti pa ang relasyon. Matagal ko rin itong hinanap, kung ano nga ba ang mas magandang gawin. Sa nakaraang 2013, hindi ko ito makita-kita.
Kumatok ka daw at ikaw ay pagbubuksan.Sa palaging pagkakatok sa aking puso at isipan, napagtanto ko rin kung ano ang posible kong maging papel upang mapausbong ko pa ang pag-iibigan namin ni misis. Mga bandang Sityembre, napagtanto ko rin.
Ito ay maging isang international lover. Oo, tama, ang maging isang international lover ay isa sa panakamainam isipin na iyong papel bilang asawa. Layunin ng isang international lover na ipakita at ipadama ang pagiging romantiko na kalaguyo o katipan kahit na tayo ay nasa abroad.
Mainam din na gawing lover ang turing sa asawa. Minsan kasi, kapag asawa, parang ok na kasi kasal na, asawa na hindi na ito makakawala pa. Subalit kabaliktaran ng ating paniniwala, mas mahirap pangasiwaan at higit sa lahat pausbungin ang relasyon sa pag-ibig ng mag-asawa. Higit pang mas mapaghamon kung ikaw ay may anak na. Mahahati na kasi ang iyong atensyon sa anak at sa asawa. At mas kadalasan, naka sentro ang iyong oras at atensyon sa iyong anak. Kung kaya napapabayaan na lamang ang emosyonal na pagmamahal sa asawa. Ang kadalasan birong “para lang kaming magkapatid ngayon” na naririnig ko sa aking mga kaibigang may-asawa ay isang senyales nito.
Ligawan ulit si mahal. Ito ang nadiskubre ko na pinaka epektibong paraan bilang isang international lover. Isipin kung ano ang iyong ginawa noong nililigawan mo siya (o ano ang iyong ginagawa ng ikaw ay niligawan ng iyong husband).
Na-e-ew ka ba kapag nakita ang mga text o facebook message ng mga magkasintahan? Naalala mo ba ang ligawan nyo noong high school o kaya sa college? Kung matutuwa ka at makikilit sa mga mensahe na ito, tiyak na makikiliti din ang iyong lover. Magpadala ng mga romantic text messages, jokes, love letter at iba pang a mensahe sa facebook, viber, text message, email at iba pa. Mainam din magpadala ng mga romantic pictures upang kasabikan ka ng iyong partner (ingat sa mga erotic self-pictures at baka makasama ka sa mga scandals).
Ang palaging pagsasabi ng “i love you” ay boring at walang emosyonal na epekto kung ito ay palaging ginagamit . Parang, sige na i love you na. Walang ka-effort effort. Tandaan na ang tunay na pag-ibig ay pagbibigay ng espesyal na pagtingin at pagpapahala sa tao. Bigyan ng mas mahabang oras at atensyon ang iyong lover. Ba’t hindi idaan sa pick-up lines? Dedikasyon ng kanta? Tula? Maaari ding mag-share ng kung ano-ano sa kanyang facebook profile, o twitter. Maraming pwede kung ikaw ay isang international lover.
Magkaroon ng regular na araw ng komunikasyon. Pag-usapan kung kelan ang iyong skype date (o viber date). Alamin at kamustahin ang araw ng bawat isa. Ano yung mga little success, trahedya, mga nakakatawa, nakakainis o kung ano pa na nangyari sa iyong partner-lover.
Huwag magsikreto. Huwag kaligtaan na i-share ang mga kaganapan, lakad, party o iba pa. Maging transparent sa iyong partner kung may mga lakad ka o kaganapan. Mas magiging tiwala at panatag sa iyo ang iyong lover kung sinasabi mo ang mga nangyayari sa iyo.
Tandaan na ang lahat ng tao ay may “bad” moments din. Kapag si lover ay di nakasagot kaagad, o kaya may sumpong, wag agad agad magalit, magduda o magtampo. Natural din sa tao na makarandam na hindi ka maintindihan o kaya di mabigyan ng oras at atensyon. Bigyan ng oras na bumuti ulit ang sitwasyon. Maging maalalahanin at maunawain.
Bilang nagta-trabaho abroad, pangunahing dahilan natin ay mabigyan ng pinansyal na kaginhawahan ang ating pamilya. Subalit, hindi ito dapat maging dahilan upang mapabayaan ang emosyonal na pag-ibig. Maging isang international lover. Ligawan ulit ang iyong asawa.