Ang Talinhaga ng Japanese Unagi at Pacific Salmon
Dear Kuya Erwin
ni: Erwin Brunio
Isipin ang iyong sarili bilang isang isda. Nakatira ka sa isang maliit na lawa na napapaligiran ng isang malawak subalit tuyo na lupa. Napapaligiran din ang lawa ng mga ibong mandaragit at iba pang hayop na naglalaway sa isda. Aalis ka ba ng iyong maliit na lawa?
May tatlong hamon dito. Una, hindi mo alam kung saan ang ibang lawa (at kung mas malaki ba ito o mas magandang tirhan). Pangalawa, hindi mo alam kung ilang oras o araw ang aabutin. Pangatlo, dahil ikaw ay isang isda, hindi ka makakahinga at makakalakad sa lupa. Ngayon, aalis ka pa rin ba sa iyong lawa at pumunta sa hindi kilalang teritoryo?
Araw-araw, ganito ang hamon sa buhay ng isang Japanese eel o unagi (casili sa atin). Araw-araw, patuloy na naglalakbay ang unagi sa mga mapanganib na lugar at umi-eskapo sa tao, hayop at maging ibang isda na maaring siya ay gawing pulutan o ulam.
Simula na ipinanganak na itlog at maging isang sobrang liit na isda sa Sugimo seamount sa isla ng Guam, tumatagal ng 1-5 taon ang paglakbay nito papunta sa baybayin ng Japan. Dito sa dagat ng Japan, sa loob ng 2 taon, makikisalamuha ito at makikikain upang lumaki ng kunti (at tawaging elver). Mula 5- 20 taon, ito ay maglalakbay hanggang sa gitna ng kontinente. Babaktasin nito ang mga sapa, aakyatin ang mga konkretong dike o pilapil, tatalunin ang mga talon o waterfalls, at sasakupin ang kabundukan.
At himala sa lahat ng himala, pagkatapos na ito ay lumaki at tumaba, at sa kabila ng panibagong sugal sa buhay, ito ay bababa sa kabundukan o kasapaan at uuwi na sa Guam. Duon mangingitlog ito at mamamatay.
Panandalian muna tayong huminto at tukuyin kung ano ang tunay na kahulugan ng tagumpay. Sa kaharian ng mga hayup at isda, ang makapagbigay ng itlog o anak na isyang magpapatuloy ng lahi ang maituturing na tagumpay (evolutionary success sa English). Kinakailangan na maka-anak ang isang isda ng sa gayon ay hindi manganib o malipol ang lahi nito.
Ngayon, kung ang tagumpay o success ay maka-anak upang maipatuloy ang lahi, kung ikaw ang unagi, pipiliin mo pa ba na mangibang lugar. Bakit hindi na lang manatili sa dagat ng Guam, maghanap ng makakain hanggang lumaki at tumaba at manganak ng manganak. Ang tagumpay naman ay nasusukat kung maipatuloy mo ang iyong lahi.
Ang udyok ng pakikipagsapalaran ang higit na nagtulak sa unagi na maglakbay ng libo-libong kilometro mula sa dagat papuntang sapa at pabalik. Mas mahigit ang tawag ng adventura keysa sa tagumpay. Sa tingin ko, ganito din ang tao. Sa buhay ng tao, mas nakakahigit ang tawag ng pakikipagsapalaran keysa sa tagumpay. Ang mga kwento ng ating pakikipagsapalaran ang siyang nagbibigay ng motibasyon, saya, lungkot, pagmamahal, determinasyon at iba pang emosyon ng buhay. Ang buhay ay isang adventura. Ang buhay ay isang paglalakbay.
Muli, isipin na ikaw ay isang isda. Subalit ngayon, ikaw ay isda na ipinaganak sa sapa. Upang masabi na matagumpay, kailangan makapagbigay ka ng anak upang ang iyong lahi ay hindi malipol dito sa mundo. Aalis ka ba sa sapang iyong pinanganakan at magbibiyahe ng libo-libong kilometro papunta sa dagat at muling uuwi pagkatapos? Sa katunayan, ito ang ginagawa ng mga Pacific salmon o sake. Mula sa mga malilit na sapa sa Hokkaido (makikita din ito sa ibang bansa), mananatili itong itlog sa ilalim ng mga malilit na bato at magiging isda sa mga sapa at ilog sa loob ng 1-2 taon. Pagkatapos, ito ay maglalakbay papuntang dagat. Kung ito ay mataba na, muli itong maglalakbay pabalik sa sapa ng kapanganakan. Tatahasin ng salmon ang sari-saring banta sa buhay, mula sa pag-eskapo sa mga malalaking isda, lambat ng mangingisda, o pangil ng uso at iba pang hayop. Tatalunin nito ang mga nagtataasang talon at dike ng dam, upang makabalik sa lugar ng kapanganakan dahil dito lamang siya pwede mangitlog. Pagka-itlog, ito na ay mamamatay. Para sa salmon, ang buhay ay isang pakikipagsapalaran.
Subalit ang higit na mas kahanga-hanga dito ay ang katotohanan na sa salmon, ang lugar ng pakikipagsapalaran ay ang dagat, ang dagat na inalisan ng unagi. Ang sapa at ilog, na hindi lugar ng adventura sa salmon ay siyang lugar ng adventura sa Japanese eel. Ang pangalawang aral ng kwento ng buhay ng unagi at salmon ay ang lugar ng adventure.
Ang pakikipagsapalaran ay makikita sa lahat ng dako. Mapa-sapa, ilog, dagat o lawa, ang bawat lugar ay may nakatagong adbentura na minsan ay hindi nakikita ng iba. Sa taong naghahanap, ang adventura ay makikita kahit saan.
Hindi ko alam sa mga salmon, subalit sa mga Japanese eel, may iba na pinili na makipagsapalaran sa dagat at maging sa gitna lamang ng ilog tabang at dagat. Ayon sa mga mananaliksik sa University of Tokyo o Todai, ang mga Japanese eel na nanitili sa dagat ay tinatawag na “sea eel”. Ang mga nasa bukana ng ilog at dagat naman ay tinatawag na “estuarine eel”.
Ikaw na nandirito sa bansang Japan ay parang salmon o eel na nakipagsapalaran sa labas ng bayang sinilangan. Dala ng hamon na maging matagumpay sa buhay (magarang tahanan at sasakyan, mapaaral ang mga anak o makaipon ng pera), nadala ka ng agos ng buhay dito sa bansang Japan. Tandaan na higit sa tagumpay, ang mga kwento ng pakikipagsapalaran sa buhay ang siyang tunay na nakakapagtibok ng ating buhay. Ang kwento mula sa isang mahirap o maliit na buhay subalit may malaking pangarap ang siyang magbibigay lakas sa atin na sumubok sa laro ng buhay. Pangalawa, tandaan na ang pakikipagsapalaran ay mahahanap kahit saan.
Handa ka na bang muling makipagsapalaran sa buhay?
~0~0~0~0
Mula sa isang munting pangarap na maging daluyan ng mga impormasyon upang dumaloy ang lahing kayumanggi, ang pahayagang Daloy Kayumanggi ay patuloy sa pagbibigay inspirasyon at motibasyon sa mga Global Filipino. Salamat sa iyong mga suking mambarasa, ang Daloy Kayumanggi ay ngayon nasa ika-apat na taon na ng pakikipagsapalaran. Maligayang ika-tatlong taon anibersayo ng pagkatatag Daloy Kayumanggi!
Are you ready to look your very best?
Free Report:
10 Secret Tips For Beautiful Skin