Ano Ang Excuse Mo?

Post date: Jan 12, 2014 7:53:54 AM

Sa nagdaang taong 2013, naging mainit na usapin sa Facebook ang isang litrato. Sa litratro nakasulat ang katagang “what’s your excuse” (ano ang iyong rason) habang pinapakita ang isang naka bikini in red na super hot mama, at ang kanyang tatlong mga anak. Sa huling bilang, may 5136 likes, 1369 shares at 1347 shares na ito.

Marami sa mga nag-like at nagkomento ay nagpahayag ng paghanga sa hot mama, at naging inspirasyon sa iba na gawin ang nais gusto nila at huwag humanap ng palusot. Naging isa itong halimbawa upang bigyan ng panahon ang sarili, lalo na ang kahalagahan ng pang-iingat sa kalusugan, kahit pa ano pa ang sitwasyon o kundisyon sa buhay. Kung nakaya nga naman ng isang mama na may buhayin ang tatlong anak at asawa (na hindi makapagtrabaho dahil sa isang aksidente), mas makakaya din ng iba.

Marami rin naman ang tumuligsa sa litratong ito dahil sa umanoy ito'y isang bullying o pang-aapi sa mga kababaihan na nahihipang pumayat. Inakusahan din ito na isang uri ng fat-shaming kung saan ikinahihiya ang pagiging mataba.

Ano Ang Excuse Mo?

by: Erwin Brunio

Sa aking tingin, ang reaksyon ng nakakakita sa litrato ay repleksyon ng sariling asal at pananaw sa buhay, hindi ng kung ano ang tama o mali ayon sa lipunan. Kung ang iyong etika ay mas higit sa pagkakaroon ng freedom sa pagpili kung ano ang gusto sa katawan, ang larawan ay simbolo na kung ano ang iyong gusto, ito ay magagawa. Kung ang iyong pananaw naman ay naka sentro kung papaano maging malusog ang pangangatawan, ang litrato ay nakaka-inspire na gawin ang iyong mga plano.

Ah bagong taon na pala, panahon na sa paggawa ng New Year’s Resolution. Teka teka, bago ka gumawa ng iyong 2014 New Year’s Resolution, kamusta ang iyong dating resolution? Kopya lang ba ang iyong 2013 resolution mula sa 2012? Na kopya din sa 2011? Aba sana naman hindi rin kopya ang 2014. Kung sakaling paulit ulit lang ito, ang higit na mas mahalaga ngayon, ka-Daloy ay masuri ng masinsinan kung bakit hindi mo pa rin nagagawa ang iyong mga plano.

Busy ba kamo? Busy sa ano? Lahat ng tao patas kung ang pag-uusapan ay oras. Lahat ng tao, maging presidente man ng isang bansa, o kaya manggagawa sa pabrika, pareho at pantay sa larangan ng oras. Mayaman o mahirap man, lahat tayo ay may 24 oras lamang. Samakatuwid, kung ang presidente ay kayang ipasok sa schedule ang dami ng mga appointment, magagawa din natin ito. Kung iisiping mabuti, kapag sinabihan ka ng isang tao na hindi siya makapagkita sa iyo dahil busy siya ay nangangahulugan na may mas mahalaga itong gagawin. Kung kaya wag sabihin na busy, sabihin ang tunay na dahilan gaya ng may nauna ng appointment, may naka schedule na trabaho. Hindi dahil sa rason na ikaw ay busy, hindi lang naman ikaw ang busy, lahat tayo ay busy.

Ang bagong taon ay hindi lamang pagpapalit ng taon, mula sa 2013 sa 2014. Ang bagong taon ay simbolo rin ng panibagong buhay. Kalimutan ang mga nakaraan, magsimula ulit ng bago. Iyan ang tunay na mithiin ng selebrasyon ng bagong taon. Ang ipasalamat ang mga naging tagumpay natin sa nagdaang taon at kalimutan ang mga nagdaang pagsubok. Higit sa lahat, ito ay ang panahon upang ma-evaluate kung bakit ang mga ninanais natin, o pangarap natin, ay patuloy na pangarap lamang.

Bagong taon na naman ka-Daloy, ano ang excuse mo?

########

Ang larawan ay mula sa www.facebook..com/MariaMKang at kuha ni Mike Byerly