Mula sa talaarawan ng unang 100 araw bilang karaniwang manggagawa sa Nippon

Mula sa talaarawan ng unang 100 araw bilang karaniwang manggagawa sa Nippon: Mga katanungan, bagong karanasana, Bugnot, Saya, Tuwa at iba pa.

Ni: Joseph C. Pangket

Sa anumang pangmatagalang gawain tulad ng pagnenegosyo at pagsabak sa politika, ang unang araw, buwan o taon ay binibigyan ng halaga o kaukulang pansin. Ito ang isa sa pumukaw sa aking isipan upang tanawin ang mga karanasan at napagdaanan sa unang sandaang araw (100 dias) bilang isang ordinaryong manggagawa dito sa banyaga at industriyalisadong bansang Nihon. Mga araw na punong puno ng maraming unang karanasan, bagot at panglaw, siya at tuwa, at iba pa.

Unang una ay ang pagkakaroon ng trabaho sa Japan. Ilang araw bago ang pagluwas patungo dito sa bansang Nippon ay nakondisyon na ang aking isipan na hindi madali ang paghahanap ng mapapasukan lalo na sa pagkakataong ito na ang takbo ng ekonomiya ng nasabing bansa ay bumagal batay sa pandaigdigang batayan o panukat. Batay pa sa mga bali-balita o impormasyon galing sa mga dating namamasukan dito sa Gifu-ken ay baka abutin ng tatlong linggo hanggang isang buwan ang paghahanap ng trabaho o mapapasukan. Di daw tulad ng mga nakaraang taon bago ang pandaigdigang krisis o “global crisis” noong 2008 na dulot ng tinaguriang “Lehman’s shock” na maraming nakaabang na trabaho at may kataasan pa ang sahod.

Sa kadahilanan na baka nga abutin ng mga ilang lingo ang paghahanap ng mapapasukan, ako ay naglaan ng sapat na baon para sa isang buwan. Bumalot din sa isipan ang pangamba na maaring walang mahanapang mapapasukan dahil sa kawalan ng kaalaman sa pananalita at pag-intindi ng salitang Nihongo bukod pa sa kawalan ng kaalaman kung papaano maghain ng aplikasyon. Sa tulong at patnubay ng Tiyahin ng aking asawa na pinag-apuhan o descendant ng Hapon, ako ay nakapaghain ng interes na magtrabaho sa dalawang ahensiya (broker) na nangangalap ng trabahador na para sa kanikanilang suki (client) na pagawaan. Isa sa dalawang broker ang nag-alok ng mapapasukan sa isang pagawaan ng mga produktong kongkreto at ang isa naman ay nagpahiwatig na nakakuha na sila ng mga kailangang trabahador ng kanilang mga kliyenteng kumpanya.

Sa kabila ng mga agam-agam at pangamba, tila naroroon lang sa paligid ang swerte at ako’y naging mapalad na nagkaroon kaagad ng mapapasukang pagawaan limang araw mula noong dumating sa bansang Nippon. Ito ay sa pagawaan ng mga “electrical connectors” ng mga sasakyan.

Di inaakala na napakasimple lang ang paghain ng aplikasyon. Walang pormal na interview at hindi kinailangan ang resume o biodata maliban lang sa residence card at pasaporte (passport). Ang karaniwang tinanong lang ng mga tsuyaku (interpreter o translator) ay kung ano ang naging trabaho sa nakaraan. Ang mga ganitong proseso sa pangangalap ng isang manggagawa ay nagpapakita na ang uri ng trabaho na iniaalok ay kabilang sa mga tinatawag na “non-skilled labor” o simpleng trabaho lang na hindi na nangangailangan ng sapat na kaalaman o kasanayan sa paggawa. Ito nga at di na kinailangan ang pagsumite ng mga sertipikasyon na pinag-aralan o nagpapakita ng pagsasanay sa ina-aplayang trabaho. Marahil ay kinailangan pa ang mga karagdagang papeles kung ang hinanap o hinangad na trabaho ay ang mga kabilang sa “skilled labor” o mga trabahong pangpropesyonal na gawain.

Ang ikalawa ay ang mamasukan bilang ganap at pormal na manggagawa datapwa’t isang ordinaryong manggagawa lamang. Isang “ganap at pormal” sa kadahilanang magtratrabaho bilang isang empleyado ng kumpanya at may kontratang (papeles) na pinipirmahan at nagsasaad ng mga oras o talatakdaan ng pagpasok at ng dapat asahang kabayaran at benepisyo. Dahil sa ang katapusan ng kabuwanan ng paggawa ay kada 20 ng buwan at ako’y nagsimulang mamasukan noong Setyembre 7, ang kauna-unahan kong kontrata ay sumaklaw ng 11 araw lamang.

Ang kontrata na nakasulat sa hiragana (titik Hapon) at katakana (titik Hapon para sa mga salitang banyaga tulad ng Ingles) kung susuriin ay napakasimple lamang. Anim lamang ang maliwanag na isinasaysay nito; isa ay ang tawag sa gawain, ikalawa ay ang oras ng pagpasok at pag-uwi sa panggabi at pang-araw na pasukan, ikatlo ay ang bayad bawat oras kasali ang overtime at kailan ibibigay ang sahod (kada ika-20 ng buwan), at ang ikaapat ay ang pagtatapos ng kasalukuyang buwan ng paggawa (ika-20 ng buwan) at ang simula ng susunod kabuwanan ng paggawa (ika-21 ng buwan), at ang huli ay kailan magtatapos ang kontrata.


Wala ng iba na makabuluhan na nakasaad sa kontrata tulad ng pamimigay ng mga na-isabatas na benepisyo at iba pa kagyat ito ang pumukaw sa isipan ng maraming katanungan at pagkabalisa. Isa rito ay ang simpleng tanong na, ano kaya ang magiging kalagayan ko dito bilang isang manggagawa? Masisilayan na rin sa kontrata na walang masasabing relasyon na nag-ugnay sa empleyado at ng pinaglilingkuran - “employer-employee relationship.” Wala nga, kaya marahil ay hindi na obligado ang kampanya na ibigay ang karapat-dapat na benepisyo bukod sa kabayaran sa bawat oras ng paggawa.

Ganito na kaya ang kalagayan ng karamihan sa mga manggagawa dito sa Japan o sa mga banyagang manggagawa lamang na pawang mga Pinoy, Tsino at Brasilian? Kung ito na ang kasalukuyang sistema sa pagtrato o pangangasiwa sa mga manggagawa kasali na ang lahat pati ang mga manggagawang Hapon, ito na kaya ang bunga ng tinatawag na “deregulasyon at liberalisasyon ng batas paggawa” (labor laws) sa Japan na mariing isinusulong ng mga kapitalista sa buong daigdig?

Para masagot ang ilan sa mga nasabing mga katanungan at marami pang iba, sinikap kong magkaroon ng konting kaalaman tungkol sa batas paggawa ng Japan. Unang-una rito ay ang “Japan Labor Standard” hindi ko pa nababasa bagamat may mga artikulo nito na kapansin-pansin na binibigyang halaga at seguridad ang mga manggagawa. Ang pangalawa ay ang “Labor Dispatching Act.” Dito ko na natanto na ang aming pangunahing pinaglilingkuran ay hindi ang kompanyang may-ari mismo sa pagawaan kundi ang broker. Ang broker na nagdidispatsa sa nakalap na mga kinakailangang manggagawa ng pagawaan ang employer. Ang kalagayan ng mga maggagawa dito ay napapaloob sa tinatawag na “non-regular employment.”

Dahil sa paghahangad na mahanapan ng sapat na kasagutan kung ano nga ba ang estado o kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa dito sa bansang Nihon, may isa pang batas paggawa bukod sa dalawang nabanggit na batas ang ating nasaliksik, ito ay ang Part-time Worker’s Act. Sa unang pagbasa pa lamang nito ay naipapalagay na kaparehas ito ng Labor Dispatching Act na sumasaklaw sa mga temporary workers o non-regular workers. Para lubos na maunawaan ang kalagayan ng mga manggagawa dito sa Japan ay kailangan ang sapat na oras na unawain ang isinasaad ng mga naturang batas kasama na ang pag-aalam sa mga karanasan at pagpapalagay ng iba pang mga Pinoy na manggagawa. Sa kabila ng lahat, karamihan sa mga Pinoy na manggagawa dito sa Gifu-ken na ating nakapanayam, sila man ay part-time o non-regular, ang importante ay nakakatangap sila ng lubos na mataas na sahod kumpara sa kita ng isang manggagawa sa Pilipinas.