Must Get Out...of Tokyo

ni: Mario Rico Florendo

Para sa ilan, ang Tokyo ang pinakamagandang lugar sa mundo--nagtatayugang mga gusali, maayos na sistema ng transportasyon, at hitik na hitik sa magagarang damit at sapatos pati ng masasarap na pagkain. Para naman sa ilan, ito ang nagpapaalala sa kanila ng maraming bagay--eskwela, trabaho, baito at iba pa. Dahil sa inspirasyong dala ng isa sa mga paborito kong kanta ng Maroon 5, nag-empake ako palabas ng Tokyo baon ang mga linyang: “this city’s made us (me) crazy, and we (I) must get out.”

First Stop

Kyoto ang una kong naging destinasyon. Hindi ko maitatanggi na Kyoto ang pinakapaborito kong lugar sa Japan. Kung kaya sa bawat pagbisita ko sa probinsyang ito, pinagpaplanuhan kong mabuti ang aking pakay at iskedyul para masiguradong hindi ako magsasawa at maging makabuluhan ang muling pagbabalik ko rito. Sa ikalimang punta ko sa nasabing probinsya, nakatakda akong maging staff ng kumperensiyang Philippine Studies Conference in Japan. Isang pagtitipon ito ng mga kilalang manunulat, historyador, mananaliksik, propesor at akademiko na may interes tungkol sa ekonomiya, pulitika at kultura ng Pilipinas. Bilang isang gradweyt ng Araling Pilipino o Philippine Studies, sinikap ko talagang maging staff ng nasabing kumperensiya kahit hindi sagot ng organizers ang lahat ng gastusin ko.

Katulad ng inaasahan, marami akong natutunan na bagong mga pag-aaral tungkol sa Pilipinas hindi lamang sa mga kapwa ko Pinoy mula sa Pilipinas at sa ibang bansa kundi maging sa mga Hapon na matatas magsalita ng Filipino at ng iba pang lokal na wika sa Pilipinas. Naging oportunidad din ito para makilala ko ang ilang miyembro ng KAPS o Kyoto Association of Pinoy Students na sina Mica at Dalton na naging kasama ko mula sa pag-aayos ng mga lamesa at upuan na gagamitin sa kumperensiya hanggang sa pagliligpit ng mga gamit pagkatapos.

Sa bawat araw na paglagi ko sa Kyoto ang siyang pag-uwi ko naman sa Osaka kung saan malaya akong tinanggap at pinatira ng dati kong propesor sa kolehiyo. Nagtuturo siya bilang isang guro ng Filipino sa Kyoto ngayon. Napapanahon din ang pagpunta ko sa Kyoto dahil pagkatapos ng limang taon ng pamamalagi sa Japan, ngayon lang ulit kami magkikita. Tiyempo rin ito para magkamustahan kami tungkol sa naging buhay-buhay namin dito sa Japan.

Espesyal ang pagbisita kong ito dahil hindi ko lamang siya simpleng propesor noong kolehiyo kundi isa siya sa mga magagaling at naging paborito ko. Ikinatuwa ko rin ang pagbibigay niya ng mga payo tungkol sa karera na maaari kong tahaking larangan na magiging kapaki-pakinabang sa hinaharap.

Pagkatapos ng apat na araw na pabalik-balik sa Kyoto at Osaka, napansin ko ang iba’t ibang kultura at (uri ng) pamumuhay ng mga tao roon. Kung gaano ka-busy (ka-abala) at nagmamadali ang tao sa Tokyo, tila mas mabagal at mahinahon ang kilos ng mga taga-Kyoto. Mas malaki ang pagkakatulad ng uri ng pamumuhay ng Tokyoites at ng Osakans. Pero batay sa aking personal na obserbasyon, mas buhay na buhay at dinamiko sa pakikisalimuha sa kapwa ang Osakans. Kaiba rin sila sa ibang gawi tulad na lamang sa pagtayo nila sa kanang bahagi ng escalator kumpara sa nakasanayan ng mga taga-Tokyo na pagtayo sa kaliwa.

Sa mga kaibahang ito, mas naging malay ako sa paulit-ulit na daloy ng buhay ko sa Tokyo—bahay, eskwela, baito, at bahay. Napagtanto ko kung paano ako naging abala sa aking mga gawain sa eskwelahan lalo kapag patapos na ang semestre. Mas naisip ko ang pagod ko sa madalas na pagdalo ng mga miting para sa gawain ng AFSJ (Association of Filipino Students in Japan) at ng Filipino community dito sa Japan. Ang biyahe ring ito ang nagsilbing “breather” ko sa pressures at deadlines na kasama sa trabaho ko bilang sales agent at editor ng Daloy. Dahil dito, sa halip na bus reservation pabalik ng Tokyo ang kinuha ko sa huling araw ko sa Osaka, tiket papuntang Nagoya ang binili ko.

Where to Go?

Matagal ko na ring plinanong (pinangarap) makapasyal sa Nagoya. Naging pangunahing rason ko ang kyuryosidad kong makita ang lugar kung saan nakatira ang marami sa aking mga customer (kliyente). Dagdag pa rito ang kuwento ng mga kaibigan kong Hapon na masarap at mura daw ang pagkain sa Nagoya, isang bagay na maituturing kong malaking kaibahan sa Tokyo. Hindi maikakaila na marami ring masarap na kainan dito sa Tokyo pero iba rin ang pagmamalaki ng mga taga-Nagoya sa sarili nilang likas na pagkain.

Pagbaba ng bus, una kong sinadya ang kanilang business at shopping district—ang Sakae. Sa lugar na ito, makikita ang pamosong Nagoya Tower at ang Oasis 21, hugis mala-flying saucer na bubungan. Dahil sa sarado pa ang maraming tindahan, naghanap muna ako ng Starbucks para kumain ng agahan at makabili na rin ng espesyal na tumbler at

maidagdag sa Starbucks tumbler collection ko. Bukod dito, nakasanayan ko nang bumili ng postcard at pin ng kahit anong lugar na binibisita ko bilang souvenir. Kumpara sa ibang mga mamahaling souvenir, mura at hindi kinakailangan ng malaking espayong pagtataguan ang pangongolekta ng mga ito.

Nang malibot ko na ang central district, pinasyalan ko naman ang ipinagmamalaki ng Nagoya na Nagoya Castle. Katulad ng Osaka Castle, moderno ang loob nito at naglalahad ng pagbabalik-tanaw sa naging kasaysayan ng kastilyo ang bawat palapag. Dahil sa taas nito, mainam din itong akyatin para makita ang ganda ng tanawing ikinatangi at ipinagmamalaki ng nasabing siyudad.

Siyempre, hindi kumpleto ang pagbisita sa isang partikular na probinsiya sa Japan lalo na kung hindi mo matitikman ang ipinagmamalaki nilang pagkain sa nasabing lugar. Sa Nagoya, sikat sa buong probinsiya ang tebasaki. Gawa ito sa pakpak ng manok na may mga espesyal na sangkap at natatanging paraan ng pagluluto kaya kahit hanggang sa buto, maaaring malasap ang sarap nito. Kapag sinabing tebasaki, kilala at ipinagmamalaki ng Nagoya ang tebasaki ng Sekai no Yama-chan (世界の山ちゃん) o The World of Yama-chan. Pagkatapos ng isang araw ng pag-explore ng lugar at pagkain ng Nagoya, lalo kong nakita ang kaibhan ng lugar na ito sa Tokyo. Kung hindi lamang ako kinukulang na sa pera, mainam pang magtagal sa Nagoya o bisitahin ang iba pang lugar sa labas ng Tokyo.

Marahil, ang kakulangan ko ng pera (at maging ng maisusuot na damit!) para ipagpatuloy ang paggalugad ko sa labas ng Tokyo ang katotohanang nagsasabi sa akin na kahit gaano ko man iwasang bumalik o magtrabaho ulit sa Tokyo, ang oportunidad sa loob ng magulo, crowded at paulit-ulit na buhay sa siyudad na ito ang bumubuhay sa akin at nagbibigay ng motibasyon para maging makabuluhan ang kanta ng Maroon5: "this city’s made us (me) crazy, and we (I) must get out.”