New York New York
New York New York
by: Mario Rico Florendo
Aaminin ko, noong una ay hindi ako naging ganoon ka-excited sa aking unang pagbisita sa Amerika. Isa sa mga dahilan ay personal na paniniwala at isa naman ay kakulangan sa oras para makapaghanda. Dahil na rin sa impluwensiya ng aking mga nabasa at natutunan sa unibersidad, hindi naging maganda ang dating sa akin ng pakikialam at kung minsan ay pagmamalabis ng bansang Amerika sa iba pang mga bansa lalo na sa mga giyera sa Afghanistan at Iraq pati na rin sa patuloy na malakas na impluwensiya nito sa Pilipinas. Kaya kumpara sa Paris, hindi ito kasali sa mga lugar na pinangarap ko talagang bisitahin. Dagdag pa nito, hindi ako masyadong nagkaroon ng oras makapaghanap ng mga papasyalang lugar dahil na rin sa inaayos ko ang presentasyon ko para sa kumperensya na siyang pangunahing dahilan ng pagpunta ko doon at isa pa, tinatapos ko ang internship ko noong mga panahong iyon.
Gayunpaman, dahil na rin sa madalas na panonood ng mga pelikulang Hollywood, aaminin kong naengganyo rin ako sa posibilidad na mapasyalan ang mga lugar na napanood ko sa mga pelikulang Spiderman, X-men, at Batman. Nasabik rin akong malakaran ang mga kalye na nilalakaran ng mga bida ng mga paborito kong US TV drama tulad ng Glee at Suits. Kaya kahit pa ang orihinal na pakay ko sa pagpunta sa New York ay para mag-present ng aking pananaliksik tungkol sa media ng Japan at kultura nito, hindi ko pinalampas ang pagkakataon na makapamasyal pagkatapos ng kumperensya.
American Tradition
Bago pa man naging tanyag ang New York dahil sa mga matatayog nitong gusali, kilala na sa lahat ng mga manlalakbay na pumapasok sa tinatawag nilang New World (tawag ng marami noon sa Amerika) ilang dekada na ang nakararaan ang Liberty Enlightening the World o mas kilala sa pangalang Statue of Liberty. Kumakatawan sa mga konsepto ng kalayaan at bagong oportunidad, ang Statue of Liberty ang nagsilbing inspirasyon ng mga sinaunang migrante na nanirahan sa Amerika. Gayunpaman, kahit hindi na ito ang dinadaanan ng mga bagong salta kapag bumibisita sa US, nagsisilbi pa rin itong inspirasyon para sa karamihan ng mga New Yorkers at Amerikano.
Marahil isa ring kontribusyon ng mga Amerikano sa buong mundo ay ang sining ng pagtatanghal sa entablado. Kung kaya’t hindi ko pinalampas ang pagkakataon na mapanood ang hit Broadway musical na Wicked. Ito ang una kong panonood ng kahit anong Broadway musical kaya pinilit kong magdamit kahit semi-formal lang, bilang paggalang sa tradisyon ng sining na ito na kinikilala sa buond mundo. Pagkatapos ng palabas ay lubos ko ng naunawaan ang pagkawili ng marami sa ganitong palabas—nakatutuwa, nakamamangha at naka-eenggayo ang pag-arte, kuwento at interaksyon ng buong cast sa isa’t isa kaya kahit may kamahalan, sulit ang bayad ng kahit na sino.
Sky is the limit
Kahit pa sa pagkawala ng Twin Towers dahil sa atake ng mga terorista noong 9/11, isa pa rin ang New York sa may pinakamatayog na skyline sa buong mundo. At hindi kumpleto ang paglalagalag ng isang turista sa New York kung hindi aakyat sa dalawang pamosong skyscrapers ng siyudad, ang Empire State Building at Top of the Rock. Kilala ang Empire State Building ng marami bilang ang gusali na inakyat at pansamantalang ginawang tirahan ni King Kong sa pelikulang may pareho ring pamagat. Ang Top of the Rock naman ay kilala sa mga turista dahil sa open-air na tuktok nito kung saan makikita mo ang kabuuan ng siyudad ng walang sagabal na salamin o bakal.
Isa pang pasyalan sa gitna ng mga gusali at makukulay na ilaw ay ang Times Square na dinudumog ng mga tao at pinapanood ng buong mundo dahil sa maingay, makulay at masayang selebrasyon ng New Year dito. Dahil sa dami ng mga nangyayari sa paligid, hindi mo alam kung ano ang una mong bibigyan mo ng atensyon. Dahil sa dami ng mga kumikinang, hindi mo alam kung alin ang un among titignan at kukuhanan ng litrato. Kadalasan, nararamdaman ko lang ang ganitong pakiramdam tuwing nasasadya ako ng Shibuya at dumadaan ako sa scramble kousaten kung saan tinatayang libo-libong tao ang tumatawid araw-araw.
Diverse Food
Siyempre, hindi pwedeng matapos ang kuwento ko sa New York kung hindi ko matitikman ang nagkalat at iba ibang kainan at pagkain ng siyudad. Dahil na rin sa udyok ng kaibigan ko na naka-base sa New Jersey at kasama ko sa aking pamamasyal, nasubukan kong kumain sa isang mamahaling restawran kung saan umabot ang tip na ibinigay ko sa waitress ng $20! o Y2000 (kadalasan ay 15-20% ng total bill ang dapat na tip kaya isipin niyo na lang kung magkano ang nagastos namin!) hanggang sa mga stalls sa lansangan na nagbebenta ng chicken rice, at ng sikat na pizza para sa mga taong on-the-go.
Dito ko sa New York napatunayan ang katotohanan sa katagang, “you are what you eat!” dahil sa mga pagkaing kinain ko, inilarawan nito ang diversity ng pinanggalingang bansa, kultura, at panlasa ng mga taong nakatira at bumibisita sa siyudad. Sa pagkain rin namulat ang pag-iisip ko sa uri ng lifestyle mayroon ang mga tao sa New York, kung saan para sa kanila ang pinakamahalagang bahagi ng pagkain nila ay ang hapunan kaya laging puno ang mga restawran sa ganitong oras.
Hindi ko maikakaila na habang nandun ako ay pilit kong ikinukumpara kung ano ang pagkakaiba ng New York sa Maynila at sa Tokyo. Kung kaya’t ng tanungin ako ng kaibigan ko tungkol sa inisyal na impresyon ko sa siyudad, nabanggit ko na para lang itong “mas maunlad na Maynila pero mas maduming Tokyo.” Pero habang binibisita ko ang mga sikat na lugar, inaakyat ang mga matatayog na gusali, pinapasyalan ang maingay at buhay na buhay na siyudad ng New York, tila na-appreciate ko na kung bakit tinatawag nila itong greatest city on earth. At hindi ito dahil sa nagtataasang skycrapers, o sa modernong konsepto ng kalayaan at sining, at mas lalong hindi sa halo-halo nitong mga pagkain—ito ay ang kombinasyon ng lahat na sa New York mo lamang makikita.