Ang Kabayo ng Pagbabago

Si Sai ay isang matanda na nakatira noong unang panahon sa Tsina. Ang kanyang buhok ay sabog-sabog na kulay gatas. Ang kanyang balbas ay mahaba at kulay gatas din. Halata sa kanyang mukha ang hamon ng mga panahon, kulubot na at malambot. Ang kanyang mga mata ay lalong naging singkit, at halos di na makakita. Pagewang-gewang na kung ito'y lumakad at may dalang isang kawayan na tungkod. Ang kanyang boses ay paos at mahina na. Subalit, kung ito ay magsalita, ang lahat ng tao sa bayan ay nakikinig. Sapagkat isa siyang henyo.

Isang araw, ang kanyang nag-iisang kabayo ay nakawala at hindi na makita. Ang sabi ng kanyang mga kapitbahay, ito ay isang masamang pangitain. Subalit, bilang isang henyo, tinanong niya ang mga tao. “Paano ninyo nalaman na ito ay malas?” ang kanyang sabi. Nagdaan ang mga ilang araw, ang kanyang kabayo ay bumalik na may tangay na isa pang kabayo. Laking tuwa ng mga tao at sinabihan si Sai na sobrang swerte niya. Subalit, bilang isang henyo, tinanong niya ang mga tao. “Paano ninyo nalaman na ito ay swerte?”

Dumaan ang ilang buwan, nakita ni Sai ang kanyang anak na pawindang-windang ang lakad. Nahulog pala ito sa kanyang sinasakyan na kabayo. Nagbulong-bulungan ulit ang mga tao. “Sabi na nga ba, malas talaga iyang kabayo ni Sai”. Narinig ito ng Henyo na si Sai at sinabihan ang mga tao. “Paano ninyo masasabi na itong pagkabale ng tuhod ng aking anak ay malas?” Kinaumagahan, dumating ang mga tauhan ng emperor ng Tsina at isinama ang lahat ng mga kalalakihan na may sapat ng gulang at kakayahan. Subalit dahil hindi makalakad ang anak ni Sai, hindi ito isinama. Isa pala itong magandang pangyayari dahil halos karamihan sa mga kalalakihan na sumama ay namatay sa giyera.

Itong kwento ay hango sa isang kasabihan ng mga Hapon “ningen banji saiou uma”. Ang buhay ng tao ay parang kabayo ni Sai. Ikinuwento ko ito dahil ang rason kung bakit nandirito ako ngayon sa Japan ay dahil ang aking kabayo noon ay tumakbo at nawala.

Ang aking kabayo ay trabaho. Tungkulin ko na turuan ang mga mangingisda sa Bohol na pangalagaan ang karagatan. Isang malakinghamon ang aking trabaho. Minsan nagtuturo ako ng mga mangingisda sa pagbibilang ng isda sa dagat, o kaya pagbibilang ng mga kabakhawan. Minsan tinuturuan ko ang mga anak ng mangingisda sa simpleng pangangalaga ng kalikasan. At minsan, tinuturuan ko ang mga guro ng mga anak ng mangingisda kung paano gawin ang environmental education. (Dito ko nakilala ang aking asawa, isang guro sa high school).

Maraming beses na ako ay sumasama sa pagpapatrolya sa dagat. Dala dala ang isang tear gas at 100 porsyento na determinasyon, tinutugis namin ang mga ilegal na mangingisda. Marami kaming mga nakalabang politiko na sangkop o protektor dito. Marami rin ang naging mga banta sa aking buhay dahil dito. Wanted at di ako makapunta sa dalawang isla na pugad ng mga ilegal na mangingisda.

Subalit, ang aking kabayo ay biglang tumakbo at nawala. Kalagitnaan ng 2005, binalitaan ako ng aking supervisor na ang aking posisyon sa susunod na taon ay wala ng pondo. Ibig sabihin, wala na akong trabaho. Wala na ang aking pinakamamahal na kabayo. Nasira ang aking puso at ako ay nawalan ng pag-asa. Ano na ang aking gagawin sa aking buhay? Saan ako kukuha ng pera na pagsuporta sa aking pamilya? Kakakasal ko lang ng nagdaang taon at heto ako ay mawawalan na ako ng trabaho. Sa aking pagiging desperado, lahat ng pwede kong aplayan na trabaho ay inaplayan ko. Nag-aplay din ako sa mga scholarship sa US, sa Europe, at sa Japan. Unang lumabas ang resulta sa Japan, agad ko itong sinunggaban at dinakmot.

Marami sa aking mga kasamahan at kaibigang estudyante ay pinili ang Japan dahil nais nilang matutunan ang teknolohiyang Hapon. Meron din na nagustuhan at gustong pag-aralan ang kultura ng Hapon. Meron din na pinili ang Japan dahil malaki ang scholarship allowance. Hindi gaya nila, wala sa panaginip ko ang pumunta o tumira sa Japan. Ako, pinili ko ang Japan dahil ito ang nauna. Noong nakawala ang aking unang kabayo, ito ay isang napaka hirap na sitwasyon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin. Subalit, ang pagtakbo ng aking unang kabayo, ay siya namang nagdala sa aking pangalawa at bagong kabayo, ang Japan. Ang Japan na patuloy na nagpapahanga at nagpapagulat sa akin. Masasabi ko na rin na ang Japan ay aking pangalawang tahanan.

May kilala ka ba ngayon na nasa isang napakahirap na sitwasyon sa buhay? Nararamdaman mo ba na minsan, parang ang buong mundo ay kontra sa iyo? Huwag itong masyadong dibdibin. Ayon nga sa Japanese na kasabihan, “ningen banji saiyo uma”. Ang buhay ay parang kabayo ni Sai. Minsan, hindi natin talaga malalaman sa bandang huli kung ano ang kakahantungan ng isang pangyayari sa atin buhay. Minsan ang mga bangungot sa ating buhay ay lalabas na may magandang epekto. Minsan naman ang mga masasayang pangyayari ay nagiging hindi maganda.

Ang leksyon ng kabayo ni Sai ay nagsasabi na kung ikaw ngayon ay nasa isang sitwasyon na hindi mo gusto, huwag masyadong gulpihin o sisihin ang sarili. Sa sitwasyon mo ngayon, hindi mo masasabi ng 100 porsyento na ito ay magiging masama ang kakalabasan. Panahon lamang ang makapagsasabi. Kung ikaw naman ngayon ay matagumpay na at maunlad sa buhay, huwag magpasobra ng pagdiriwang. Maging mapanuri at maingat sa mga gagawin, maging laging handa.

Ang mga pagbabago sa iyong buhay ay parang kabayo ni Sai. Hindi mo sigurado ng 100% na mahulaan o malaman kung ano ang mangyayari sa bandang huli. Isa lang ang sigurado, darating at darating ang mga pagbabago at hamon sa ating buhay. Dahil ito ang nagbibigay sa iyo ng oportunidad upang matuto, lumago at maging ganap na Global Filipino, maging saan lupalop ka man ng mundo. Salubungin ang bawat kabayo ng pagbabago bilang oportunidad na pagyamanin pa ang iyong buhay.

-0-0-0-0-0-

Ikaw, ano ang iyong kabayo ng buhay? I-email ang iyong karanasan sa erwin@daloykayumanggi.com o kaya i-message sa facebook sa “Erwin Brunio” at may chance na mailathala ang iyong kwento dito sa Daloy Kayumanggi. May surprise na regalong maghihintay sa iyo.

Are you ready to look your very best?

Free Report:

10 Secret Tips For Beautiful Skin