Ichigogari sa Chiba: Isang Bagong Experience sa Spring
ni: Herlyn Gail Alegre
Tuwing dumadating ang Spring, ang pinakakaraniwang naiisip ng marami ay ang hanami. Dumadagsa ang mga tao sa mga parks para panuorin ang magagandang cherry blossoms habang sila ay nagkakainan ng mga baon nilang bento at sake, nagkukuwentuhan at minsa’y nagkakantahan pa sa tuwa. Pero sa dami ng magagandang lugar sa Japan, hindi lang hanami ang maaaring pagkaabalahan tuwing Spring. Napapanahon rin ang ichigogari o strawberry picking.
Isang kilalang activity sa Japan ang fruit picking dahil maraming iba’t ibang prutas ang namumunga sa Japan kada magpapalit ang panahon. Nagkakahalaga ng Y800-Y2,000 ang bayad sa fruit picking experience kung saan pwede ka nang mamitas at kumain kahit gaano kadaming prutas ang kaya mo sa loob ng 30 minuto. Siyempre kapag Spring, strawberry ang pinakapatok, blueberry o blackberry naman kapag summer, at grapes naman pag autumn. Ang ilan sa mga vineyard ay nagbibigay din ng pagkakataon sa mga bisita na mag-wine tasting para matikman ang kanilang pinakaespesyal na mga alak.
Maaaring gawin sa loob lamang ng isang araw ang activity na ito. Maaaring magbook ng tour sa mga kilalang bus companies o travel agencies para makamura kung may promo sila. Maaari rin namang pumunta ng diretso sa piniling lugar gamit ang sariling sasakyan o train. Siguraduhin lang na tawagan muna ang lugar na pupuntahan ilang araw bago ang plano niyong pagpunta para masigurado kung nangangailangan sila ng reservation. Kapag ganitong peak season, maraming taong pumupunta sa mga strawberry farms kaya mas mainam kung magpareserve ng slot sa oras na gusto niyo. May mga farms din naman na tumatanggap ng mga walk-in tourists na walang reservations.
Kadalasang nagsisimula ang strawberry picking season tuwing January at natatapos bago ang Golden Week o hanggang sa huling linggo ng April. Isa sa mga kilalang lugar kung saan maaaring magstrawberry picking ay ang Chiba. Convenient ito puntahan dahil may layo lamang ito na halos 30 minuto mula sa Tokyo. Isa sa mga sikat na strawberry farms sa Chiba ay ang Calla Gardens sa Kashiwa City. Mula sa West Exit ng Kashiwa Station ay maaaring sumakay ng bus papuntang Fuse Benten.
Pagbaba sa bus stop ay kailangan maglakad papuntang strawberry farm ng mga 15minuto. Ang strawberry farm ay nasa loob ng isang greenhouse or vinyl house. Medyo mainit pero maaliwalas naman sa loob nito. May mga upuan rin sa gilid kaya maaaring magpahinga ng sandali kung napagod na sa pamimitas at pagkain.
Sa farm na ito, nagkakahalaga ng Y1,700 ang bayad. Maaari kang mamitas at kumain ng kahit gaano karaming strawberry sa loob ng 30 minuto, pero hindi mo ito maaaring iuwi o ilabas ng greenhouse. Maaari rin namang hindi mag-avail ng all-you-can-eat package at bumili na lamang ng strawberry sa halagang Y100 per 50g. Kung gustong bumili ng pampasalubong na strawberry, meron ding maaaring bilihin na nakabalot na at handa nang iuwi.
Pagkatapos magbayad ay bibigyan kayo ng tig-iisang plastic na container na may condensed milk kung saan maaaring isawsaw ang strawberry at ilagay ang mga tangkay o dahon na hindi nakakain. Tinuruan din kami kung paano tamang mamitas at pumili ng strawberry. Tulad ng alam ng marami, mas matamis ang strawberry kung mas mapula ito. Mas malambot na ito at ibig sabihin ay hinog na at pwede nang kainin. Pinakamatamis din ang strawberry kapag deformed ito. Kadalasan, pinipili natin yung mga perfect-shaped strawberry, yung korteng puso at maganda tingnan, pero ang mas masarap at mas matamis pala ay yung mga strawberry na kakaiba ang hugis. Sa pagpitas nito kailangang hawakan ng buo ang strawberry at pitasin ito ng marahan sa bahagi ng tangkay na pinamalapit sa prutas. Dapat rin na hindi masyadong malakas ang paghila dahil maaaring mabunot ang mga ugat nito at ma-damage ang halaman. Dapat ding i-manage at i-monitor ng maayos ang oras para hindi lumagpas sa takdang 30 minuto at makarami ng pagpitas at pagkain.
Hindi rin kalayuan sa strawberry farm na ito ang Akebonoyama Park, kung saan maraming tumutubong mga tulips at cosmos sa paligid ng isang wind mill. napakaganda ng tanawin dito na para itong isang lugar sa Europa. Marami pa ring ibang mga malalapit na historical site sa bahaging ito ng Chiba kaya tiyak na magiging sulit ang pagbisita dito.
Mahilig ka man sa strawberry o hindi, nature lover ka man o mahilig lang magpicture, ang experience na ito ay tiyak na maeenjoy mo. Hindi masyadong nakakapagod, hindi magastos, nakaka-relax at healthy pa (huwag lang mapapasobra ang kain ng strawberry!). Kaya sa susunod, yayain na ang mga kaibigan at kapamilya at subukan ang isang bagong experience sa Spring.