ni: Kym Ramos
Kabilang ang Japan sa mga bansang aktibo sa paggamit ng sistema ng point card. Ano nga ba ang point card at ano ang mga benepisyong maaaring makuha rito?
Ang point card ay parang pinagsamang membership card, ang pagkakaiba lamang ng dalawa ay maaari kang makakuha at makaipon ng puntos gamit ang point card. Sa bawat 100 yen, may katumbas na isang punto, at ang bawat punto ay may halagang 1 yen. Halimbawa, ang kabuuang halaga ng pinamiling onigiri, bottled water, at chocolate bar ay 380 yen. May makukuhang 3 puntos (na katumbas ng 3 yen) kapag pinakita ang point card sa cashier sa oras ng pagbabayad. Mukha mang maliit ang katumbas na halaga ng mga puntos, sa dalas nang pagbili sa tindahan, hindi malalaan na malaking puntos na pala ang naipon at maaari na itong gamiting pambayad sa susunod na bilihin.
Mas kapansin-pansin ang benepisyo ng point card sa mga electronic shop. Halimbawa, sa biniling computer set o TV set, may makukuhang nasa 5,000 puntos, na katumbas ng 5,000 yen. Kung sakaling may on sale na appliance tulad ng rice cooker, electric fan o heater, maaaring gamiting pambayad ang naipong puntos. Hindi na kailangang gumasta pa para sa karagdagang kagamitan.
Sa pananaw naman ng isang negosyante, malaki rin ang benepisyo ng sistema ng point card. Una ay ang pagkaengganyo ng mga mamimili sa pag-iipon ng puntos dahil sa ideyang maaaring makabili ng mga bagay na hindi na kakailanganin ng tunay na pera. Free shopping, sabi nga nila. Ikalawang benepisyo ay ang makabagong teknolohiya ng business analytics. Bawat point card ay nagsisilbing ID ng bawat mamimili kung saan maaaring makita ang kani-kaniyang consumer behavior. Ang mga numero ang siyang magsisilbing datos na magiging mahalaga sa paggawa ng mga bagong produkto, advertisement campaigns, atbp.
Kaya kung may negosyo o pinag-iisipang magtayo ng negosyo, magandang isaisip ang sistema ng point card at ang mga benepisyong madudulot nito. Para naman sa mga mamimili, dapat bigyang-halaga pa rin ang responsableng pamimili. Nakakaingganyo man ang pag-iipon ng puntos, mas mainam pa ring isipin kung ang bibilin ba ay mahalaga o maaaring ipagpaliban o huwag nang bilhin upang hindi maaksaya ang perang pinaghirapan.