Hanapbuhay? Hanap-patay? Hanap:Trabaho!
Hanapbuhay? Hanap-patay? Hanap:Trabaho!
ni: Kym Ramos
Employed ka ba ngayon? Kung hindi, kasalukuyan ka bang naghahanap ng trabaho? Kung oo, trabaho ba sa Japan o trabaho sa Pilipinas ang hanap mo?
Sa totoo lang, wala namang pagkakaiba kung saan ka man naghahanap ng trabaho dahil pare-parehas lang ang prosesong dadaanan mo. Sa una ay pagpapasa ng resume (o kung gusto mong maging “hip”, CV). Susunod ay ang written exam (na minsan o kadalasan ay psychological test para malaman nila kung may psychotic tendencies ka ba o sadyang kakaiba lang ang taste mo sa pananamit). At ang pinakahuli ay ang interview, kung saan kabado ang lahat, maski ang interviewer mo.
Marami akong nakilala na confident pagdating sa interview. Marami rin namang namumutla kapag nalaman nilang may “interview with the boss”. Bakit nga ba iba-iba ang reaksyon natin pagdating sa interview? Inihanda naman natin ang ating “CV”, plinantsa naman natin ang ating “matching suit” (pati na rin buhok, just in case). Pero kapag interview na, bakit parang umuurong ang dila natin? Natutuyo bigla ang lalamunan? At tila ba nagiging “bongards” pansamantala dahil sa dami ng “uhm” na nasabi?
Base sa sarili kong karanasan sa paghahanap ng trabaho, nakadepende ang resulta ng interview, at ng buong proseso ng aplikasyon mo, sa kung gaano kadami ang alam mo sa kompanya at sa posisyong ina-applyan mo, kung gaano ka ka-interesado, at kung gaano kadaming “related work experiences” mayroon ka.
Kung nakuha mo lahat ng ito, lalabas at makikita sa pagsasalita mo at sa pagkilos mo kung gaano ka ka-confident at, syempre, kung gaano ka katotoo sa mga sinasabi mo.
Tandaan na pinaghahandaan din ng interviewer mo ang appointment ninyong dalawa. Marami siyang tanong para sa iyo at kikilatisin niya maski kung paano kang kumurap. Hindi naman dahil sa hindi ka niya “feel”, gusto lang niyang malaman kung may maibibigay ka ba sa kompanya, na kung hindi ka niya ipapasa, magiging kawalan ka ba sa kaniya (lost opportunity, ika nga). Kaya hindi ka dapat kabahan. Kung naghahanap ka ng trabaho, naghahanap din naman sila ng empleyado. Isipin mo na lang na parang nasa isang malaking blind date tayong lahat kung saan may tig-limang minuto lang tayo para ipaalam sa kaharap natin kung ano ang ating “strengths and weaknesses”. “Learn how to sell yourself,” sabi ng ate ko.
Kaya bago sumabak sa giyera, dapat maghanda. Alamin kung ano ang mga kaya mong gawin, kung saan ka nahihirapan, kung saan ka interesado, at kung ano ang limitasyon mo. Hindi dahil sa yes ka nang yes sa lahat ng “dare” ng iterviewer, makukuha ka na. At kung sakali mang hindi mag-click, huwag mawalan ng pag-asa. Hindi lang talaga kayo “match made in heaven” ng kompanyang gusto mo. May iba pang kompanya na magiging interesadong makilala ka at magiging interesado kang pasukan araw-araw.