Lost in Translation: Ang tamang pagsulat ng address sa Japan

Lost in Translation: Ang tamang pagsulat ng address sa Japan

by Erwin Brunio

“Kuya, paano ba isulat ang address sa Japan?” message ni Jing sa akin sa Facebook. Nasa America siya at may nais na ipadalang bagahe dito sa Japan. Ang sagot ko, “mali yata yan, iba yung address ko”, isang biro dahil hindi naman talaga sa akin ipapadala kung hindi sa isang kaibigan sa Shizuoka.

Isa lamang si Jing sa nalilito sa sistema ng pagsulat ng address dito sa Japan. Subalit ang mas nakakapagtaka at nakakalungkot, marami sa ating mga kababayan na matagal ng naninirahan ditto sa Japan ang hindi pa rin alam ang tamang pagsulat ng address.

Halimbawa na lang, noong isang linggo, ini-encode ko sa computer ang mga pangalan at address ng mga sumali sa isang event para mapadalhan ng libreng kopya ng Daloy Kayumanggi newspaper. Marami pa rin ang nagkakamali sa pagsulat ng address. May iba na nauna ang room number sa kanilang address, may iba naman na pinakahuli ito. Meron ding parang puzzle kasi pinaghalo-halo ang street number sa room number kaya di tuloy malaman kung ang numerong nakasulat ay house number ba, o room number o street number.

Ang address ang isa sa pinakamahalagang impormasyon na dapat tama ang pagkakasulat. Bilang direksyon o lokasyon ng tirahan natin, mahalaga na hindi mali ang pagkakasulat ng ating mga address dito sa Japan. Una, kung mali ang pagkakasulat, ang mga bagay na ipinapadala sa atin ay hindi makakarating. Lalo na kung ito ay ordinary mail o post card, kapag mali ang pagkasulat nito, ibabalik ito ng post office sa nagpadala. Pangalawa, kapag tayo ay gustong mag-apply sa kung mga ano-ano, mahalaga na tama ang address na ating isusulat. Halimbawa na lamang ay nag-apply ka ng trabaho subalit mali ang pagkasulat ng address sa resume, tiyak na isa ito sa maging rason sa hindi pagtanggap sa iyo.

Ano nga ba ang tama?

Dalawa ang sistema sa pagsulat ng address dito sa Japan. Ito ay ang international style, at ang Japanese style. Ang international style ay ginagamit kung magpapadala ng sulat o bagahe pa-abroad. Ito din ang style kung mag-aaply sa mga internet, lalo na kung ang site ay hindi nakabase sa Japan. Ang Japanese style naman ay ginagamit kung ang mga sulat o bagahe ay galing sa Japan at ipapadala sa Japan din. Halimbawa dito yung mga Christmas o New Year post card

1) International style

Ayon sa Japan Post,ang tamang pagsulat ng address ay

1st row: Pangalan, Apelyido

2nd row: Numero ng kwarto, Pangalan ng Building

3rd row: Numero ng bahay, kalye, nayon o bayan (village/ town)

4th row: City, Prefecture/State/Province

5th row: Postal Number, Country

Kung kaya ang tamang address kung magpapadala ng bagahe o liham papuntang Pilipinas ay

Erwin Brunio

611 Dai-3 Azuma Building

Ichibanchi Hirakawa-chou Kanda

Chiyuda-ku Tokyo

101-0027 Japan

2) Japanese style (Domestic)

Sa Japanese style naman, ang pagsulat ng address ay mula sa pinaka-malaking division papunta sa pinakamaliit, ang room number o kaya house number. Ang tamang pagkasunod-sunod ay

1. Postal number (uuubin bango)

2. Capital o prefecture o metropolis (To, Fu, Do o Ken)

3. Counties (gun) o cities (shi)

4. Smaller areas or neighborhood or ward (ku)

5. Chou o machi (town), mura (village)

6. District (choume)

7. Block number (can)

8. Building number (building name not necessary)

9. Room number

Halimbawa, dahil ang opisina ng Daloy Kayumanggi ay sa room 611 ng Azma building sa Kanda, Chiyuda, ang tamang pagsulat ng address ay

101-0027 Tokyo-to Chiyuda-ku Kanda Hirakawa-chou Ichibanchi Dai-3 Azuma Biru 611

Madali lang tandaan ito, ang Japanese style na address ay nagsisumula sa prefecture at nagtatatapos sa iyong house or room number. Ibig sabahin, dapat laging numero ang sa dulo ng address.

O ayan, sana ay matulungan ninyo yung ating mga kababayan na maiwasto ang pagkakasunod-sunod ng pagsulat ng address. Narito naman ang mga dagdag na tips

1. Di ko alam ang zip code (youbin bangou), paano ito malalaman?

Maaring i-check ang inyong tamang zipcode sa link ng post office subalit kailangang nakakabasa ka ng kanji para ma-check ito.

http://www.post.japanpost.jp/zipcode/index.html

2. Paano malalaman kung tama yung zipcode sa address?

Kung may zipcode ka na at gusto mong i-check kung tama ito, itype ang zip-code sa www.yahoo.co.jp at lalabas ang tamang address nito. Kung hindi mabasa ang kanji, kopyahin ang resulta nito at i-enter sa Google Translate (July 2013 issue ng Dear Kuya Erwin sa Daloy Kayumanggi)

~~~~~ <*))))>} ~~~~~ <*))))>} ~~~~~ <*))))>} ~~~~~ <*))))>} ~~~~~ <*))))>} ~~~~~

May katanungan ka ba na nais naming mabigyan ng kasagutan sa Daloy Kayumanggi? Sumulat lamang sa email address na erwin@daloykayumanggi.com o kaya mag-message sa ating facebook page sa www.facebook.com/daloykayumanggi. Makikita din tayo sa Google+, Linkedin o Twitter (daloyJapan). Makabuluhang pagbabasa!

Are you ready to look your very best?

Free Report:

10 Secret Tips For Beautiful Skin